“Kapayapaang Harapin ang mga Unos sa Buhay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.
Kapayapaang Harapin ang mga Unos sa Buhay
Sinasabi sa iyo ng Panginoong Jesucristo sa mga unos sa iyong buhay na: “Pumayapa ka, tumahimik ka.”
Pagkaraan ng isang buong araw ng pagtuturo sa tabing-dagat, iminungkahi ng Panginoong Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na tumawid sila sa kabilang panig ng Dagat ng Galilea. Nang lumisan na sila, nakakita si Jesus ng isang lugar na mapagpapahingahan sa bangka at nakatulog.
Hindi nagtagal ay nagdilim ang kalangitan, “at nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa’t ang bangka ay halos napupuno na ng tubig” (tingnan sa Marcos 4:37).
Bihasang mga mangingisda ang ilan sa mga disipulo ni Jesus at alam kung paano maglayag sakay ng isang bangka. Pero nagngalit ang bagyo, at nagsimula silang mataranta. Parang lulubog na ang bangka.
Sa kabila ng lahat ng iyon, tulog pa rin si Jesus.
Hindi natin alam kung gaano katagal nakibaka ang mga disipulo sa bagyo, pero sa huli ay hindi na sila nakapaghintay. Ginising nila si Jesus at nagsumamo, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” (Marcos 4:38).
Ang mga Unos sa Buhay
Lahat tayo ay nahaharap sa biglaang mga unos sa buhay. Maaari kang tumingin sa mga problema sa buong mundo o sa sarili mong mga sitwasyon at mabalisa, panghinaan-ng-loob, at madismaya. Maaaring lungkot na lungkot ka para sa sarili mo o sa isang taong mahal mo. Maaaring nag-aalala ka o natatakot at pakiramdam mo ay wala ka nang pag-asa.
Sa mga panahong ito, maaari kang magsumamo na tulad ng mga disipulo ni Jesus, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak ako ?”
Noong kaedad mo ako, ang isa sa mga paborito kong himno ay ang “Guro, Bagyo’y Nagngangalit.”1 Nakikita ko ang sarili ko na nasa bangka nang ang “mga alo’y kaytaas!” Ang mahalaga at pinakamagandang bahagi ng himno ay ito: “Hangi’t alon sa inyo’y susunod: Pumayapa.” Pagkatapos ay ang mahalagang mensahe: “’Di lulubog ang barkong may lulan sa Panginoon ng sanlibutan.”
Matapos humingi ng tulong ang Kanyang mga disipulo, bumangon si Jesus “[at] sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, ‘Pumayapa ka, tumahimik ka.’ Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan” (Marcos 4:39).
Kung malugod mong tatanggapin si Jesucristo, “Ang Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6), sa iyong bangka, magkakaroon ka ng kapayapaan sa gitna ng malakas at nakakatakot na mga bagyo na nag-aalimpuyo sa iyong kalooban at sa iyong paligid.
Ang mga salitang sinambit ni Jesus sa Dagat ng Galilea sa maunos na gabing iyon noong araw, sinasambit Niya sa iyo sa mga unos sa iyong buhay: “Pumayapa ka, tumahimik ka.”
Pag-asa sa Kanyang Kapangyarihang Magpayapa
Naiisip mo ba kung ano ang naging pakiramdam ng mga disipulo nang makita nilang sumunod ang hangin, ulan, at dagat sa utos ng kanilang Panginoon? Ang tanging nasabi nila ay, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?” (Marcos 4:41).
Si Jesucristo ay hindi katulad ng sinumang nabuhay sa mundong ito. Naparito si Cristo para iligtas tayo. Sa Halamanan ng Getsemani, pinagbayaran Niya ang lahat ng ating kasalanan. Tiniis din Niya ang lahat ng ating pasakit at kalungkutan. Ang dakila at walang-katapusang pagdurusang ito ang naging dahilan kaya Siya nilabasan ng dugo sa bawat butas ng balat (tingnan sa Lucas 22:44; Doktrina at mga Tipan 19:18).
Hindi ko kayang unawain ang ginawa ng Panginoon dahil sa sakdal na pagmamahal. Pero alam kong ginawa Niya iyon para sa akin, para sa iyo, at para sa bawat kaluluwang nabuhay o mabubuhay pa. Ibinigay Niya ang lahat upang matanggap natin ang lahat.
Walang sinumang makararanas ng pinagdusahan ni Jesus, pero mahaharap ka at ako sa sarili nating madidilim at mapapait na unos. Kung magtitiwala ka sa Panginoon, papayapain Niya ang iyong mga unos, sapagkat naranasan na Niya ang lahat ng iyon. Siya ay nagdusa nang walang pag-iimbot para sa iyo at may kapangyarihang palakasin, hikayatin, at pagpalain ka.
Nangangako Siya, “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).
Mga Paraan Tungo sa Kapayapaan
Binigyan ka ng Panginoong Jesucristo ng mga paraan para madama ang Kanyang kapayapaan. Sinabi Niya, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (Doktrina at mga Tipan 19:23).
Matuto sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Kanyang buhay at mga turo sa mga banal na kasulatan. Ialay ang iyong kaluluwa sa panalangin. “Tumayo … sa mga banal na lugar,” pati na sa templo (Doktrina at mga Tipan 87:8; tingnan din sa 45:32).
Pakinggan ang Kanyang mga salita mula sa mga buhay na propeta. Sundin ang patnubay ng Espiritu Santo. Gamitin ang banal na kaloob na pagsisisi. Magpunta sa Kanyang Simbahan para mabahaginan, maturuan, at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.
Lumakad sa kaamuan ng Kanyang Espiritu at gawing isang lugar ang iyong tahanan kung saan madarama ang Kanyang Espiritu. Tulungan ang iba at paglingkuran Siya nang may kagalakan. Tandaan, “Dito ay ligtas ka’t payapa.”2 Sikaping manatiling tapat at maging “mapamayapang [alagad] ni Cristo” (Moroni 7:3).
Kung ikaw ay matututo, makikinig, at lalakad na kasama ng Panginoon, darating ang Kanyang dakilang pangako: Sasaiyo ang Kanyang kapayapaan.
Pananampalatayang Matahimik
Sa pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo, maaari kang “matahimik” kapag dumarating sa iyo ang mga unos ng buhay. Ang kapayapaan ay maaaring hindi maging agaran na tulad sa mga disipulo sa Dagat ng Galilea, pero palalakasin ka ng Panginoon para malagpasan mo ang mga unos na kinakaharap mo.
Mahal kong kaibigan, pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay.
Mahal ka Niya.
Kilala ka Niya.
Nauunawaan ka Niya.
Hindi ka Niya iiwang mag-isa sa oras ng iyong pangangailangan.
Ang tunay na kapayapaan ay dumarating lamang sa at sa pamamagitan Niya. Ang Kanyang kapayapaan ay para sa lahat ng babaling sa Kanya.