2023
Pagiging Isang Tunay na Kampeon
Marso 2023


“Pagiging Isang Tunay na Kampeon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.

Pagiging Isang Tunay na Kampeon

Si Felipe ay isa sa pinakamahuhusay sa mundo ng martial arts tulad ng karate, judo, at MMA. Pero paglilingkod sa misyon ang numero uno niyang prayoridad.

binatilyong nagma-martial arts

Mga larawang-kuha ni Shirley Brito

Si Felipe F. mula sa Pará, Brazil, ay hindi karaniwang 18-taong-gulang na binata. Nakipagkumpitensya na siya sa propesyonal na mga kompetisyon sa mixed martial arts (MMA), judo, at mga karate. At mahusay siya sa ginagawa niya. Napanalunan niya ang International Iron Man MMA competition. Siya ay 2-beses nang naging kampeon sa estado ng Pará, pangalawa sa kampeon sa Brazil, at pangalawa sa internasyonal na kampeon sa judo. At 10-beses na siyang naging kampeon sa estado ng Pará, 10-beses nang naging kampeon sa Brazil, isang kampeon sa South America, isang kampeon sa Pan-America, at 3-beses nang naging pandaigdigang kampeon sa karate. Grabe!

kabataang lalaki na may mga award

Ang mga Dahilan ng Kanyang Tagumpay

Nagte-training na si Felipe mula pa noong siya ay pitong taong gulang. Pero naniniwala siya na ang pinakamalaking dahilan ng kanyang tagumpay ay ang Diyos. “Lagi akong nagdarasal para sa tulong ng Panginoon,” sabi niya.

Sa huli niyang kampeonato sa karate sa Pan-America, hindi gaanong tiwala si Felipe sa sarili. Pero binigyan siya ng tatay niya ng basbas ng priesthood. “Pagkatapos niyon ay nagliwanag ang aking isipan, at nakatulong iyon para mapanalunan ko ang kampeonato noong araw na iyon. Sa huling dalawang kompetisyong napanalunan ko, isang segundo na lang ang natira sa akin. Inakala ng lahat na imposible iyon. Ginawa ko ang isang di-inaasahang hakbang na nakatulong sa akin para manalo, at para sa akin, iyon ay dahil sa basbas ng tatay ko.”

binatilyong tumatalon at sumisipa sa martial arts

Marami nang basbas na naibigay sa kanya ang tatay niya sa paglipas ng mga taon. Alam ni Felipe na ang pagtanggap ng basbas ay hindi palaging nangangahulugan na mananalo siya, pero naniniwala siya na matutulungan siya ng Panginoon na manatiling nakatuon at mapaghusay pa ang kanyang mga talento. “Tinutulungan ako nitong mas magtiwala sa aking sarili,” sabi ni Felipe. “Alam ko na anuman ang resulta, naroon ang kamay ng Panginoon.”

Naging malaking suporta rin ang iba pa niyang mga kapamilya. Sa isang MMA tournament, nakita ni Felipe ang kanyang pamilya sa bleachers. “Naroon silang lahat at masayang isinisigaw ang pangalan ko. Tuwang-tuwa ako.” Dagdag pa niya, “Malaki ang pasasalamat ko sa tatay at nanay ko, na umakay sa akin sa tamang landas.”

pamilyang naglalakad sa labas

Pakiramdam ni Felipe ay nakatulong sa kanya ang pagsunod sa landas na iyon sa kanyang isport. Madalas siyang pagtawanan ng kanyang mga kaibigan kapag ayaw niyang gawin ang mga bagay na ginagawa nila. Pero hindi iyon pinagsisisihan ni Felipe. “Tulad lang ng ang ebanghelyo ay naghahatid ng mga pagpapala, naghahatid din ito ng mga tagumpay sa isports! Ang hindi pagdalo sa party na kasama ng mga kaibigan ko at pagkain ng mga tamang pagkain ay parehong may impluwensya sa resulta.”

pamilya sa oras ng pagkain

Pagdedesisyon na Magmisyon

Ngayong 18 anyos na siya, maraming oportunidad si Felipe. Inanyayahan siya kamakailan na mag-train sa isang kilalang MMA academy, at may mga alok sa kanya mula sa mga manager sa iba’t ibang panig ng mundo. Pero gusto muna niyang magmisyon.

“Para sa akin, iyon ay madaling pagpasiyahan,” sabi niya. “Ang Panginoon ang una sa lahat. Makakapaghintay ang iba pa, dahil palagi ka Niyang pinagpapala sa pagiging masunurin.”

Ang kuya ni Felipe na si Júnior, na kauuwi pa lang mula sa misyon, ay isa sa mga nakaganyak sa kanya. Sinabi nito kay Felipe na wala nang mas iinam pa kaysa maglingkod sa misyon at na dapat siyang magmisyon kahit subukan ng mga tao na kumbinsihin siyang huwag magmisyon.

At may mga tao na nagsabi kay Felipe na huwag tumuloy. Marami sa kanyang mga kamag-anak ang hindi miyembro ng Simbahan. “Hindi nila nauunawaan na ang paglilingkod sa misyon ay mas mahalaga kaysa pagiging mayaman at tanyag. Sinisikap ko lang ituro ang ebanghelyo kapag nangyayari ang mga sandaling iyon,” sabi ni Felipe. At ang isa sa mga sandaling iyon ay humantong sa isang makapangyarihang karanasan bilang missionary.

Pumanaw ang pinsan ni Felipe kamakailan, at nagdalamhati ang tito ni Felipe sa pagkamatay ng kanyang anak. Ipinaalam ni Felipe sa tito niya ang plano ng kaligtasan. Pagkatapos ay niyakap siya ng tito niya at humingi ng paumanhin sa pagsasabi sa kanya na huwag magmisyon. “Sinabi niya sa akin na mayroon akong kaloob na antigin ang puso ng mga tao at na kailangan kong maglingkod,” paggunita ni Felipe. “Espesyal na sandali iyon para sa akin na maunawaan ng isang taong walang ideya kung ano ang tunay na layunin ng misyon.”

Totoong may mga pagkakataon na hindi sigurado si Felipe mismo kung magmimisyon siya. “Binabasa ko ang aking mga banal na kasulatan araw-araw, at isang gabi ay nagkaroon ako ng maraming pagdududa tungkol sa aking pasiya. Nagsimula akong mag-isip, ‘Dapat ba akong hindi umalis at makipagkumpetisyon pa?’ Pero nabasa ko sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa mga Nephita na nagsimulang mawalan ng utang-na-loob at naging palalo. Itinuro sa kanila ni Jacob na kailangan nilang unahin ang Panginoon. [Tingnan sa Jacob 2:12–21.] Sa sandaling iyon nawala ang duda ko tungkol sa aking pasiya.”

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

“Ngayo’y alam ko na kung ano ang gusto ko, at alam ko na babalik ako mula sa aking misyon at mapagpapala kahit paano. Maaaring sa paggawa ng MMA o iba pang bagay, pero alam ko na ibinibigay sa atin ng Diyos ang kailangan natin.”

Ang Kapangyarihan ng Araw-araw na Pagbabalik-loob

Hindi palaging sabik na sabik at tiwala sa sarili si Felipe tungkol sa misyon—o sa Simbahan. “May panahon sa buhay ko na hindi ako ganoon kalakas sa ebanghelyo, at parang palaging may kulang,” sabi niya. “Alam mo iyong taong nagsisimba lang at wala nang ibang ginagawa? Ako iyon.” Matapos kausapin ang kanyang kapatid at bishop tungkol sa pagmimisyon, nagdesisyon siyang magsimulang magdasal at magbasa ng kanyang mga banal na kasulatan araw-araw.

“Palagay ko ang nakatulong sa akin ay ang araw-araw na pagbabalik-loob. Lumaki ako sa Simbahan, at matagal-tagal akong hindi naghangad na magbalik-loob dahil lumaki ako sa isang tahanang may isang paniniwala at inakala kong sapat na iyon. Pero ngayo’y naghahanap ako ng patotoo araw-araw.”

binatilyong may kasamang martial arts trainer

Isang Kampeon Dahil sa Panginoon

Alam ni Felipe na ang pagpili ng tama ay hindi nangangahulugan na lagi siyang mananalo o mangyayari ang lahat ayon sa gusto niya. “Naaalala ko na pumunta ako sa isang kumpetisyon na iniisip na handa ako, at natalo ako sa unang round. Sa isa pang pagkakataon ay nasa bahay ako dahil nabalian ako. Naaalala ko na gumising ako nang maaga, nakatingin sa kisame, iniisip kung sulit ba ang lahat ng iyon. Kung minsa’y gusto ko lang pumihit at bumalik ng tulog, pero nagbangon ako at nagpunta sa training. Ang pagiging kampeon ay higit pa sa sandali ng pagkapanalo. Ito ay isang tao na nakakapanaig araw-araw, nadaraig ang kabiguan, nadaraig ang mga pagsubok.”

Ang Tagapagligtas ang naggaganyak kay Felipe na makapanaig sa lahat ng aspeto ng buhay. “Kung gusto nating maging katulad Niya, kailangan nating gawin ang ginagawa Niya, na laging sinisikap na manatiling matatag, palakasin ang ating sarili, at isipin kung ano ang gagawin Niya. Iyan ang nagbibigay-inspirasyon sa aking mga kilos araw-araw, ang maging katulad Niya. Kapag nakikita ko ang isang bagay na mababago ko, nagdarasal ako at humihingi ng tawad, na sinisikap na maging mas mabuti palagi. Ang isang tunay na kampeon ay ang taong nabibigo nang maraming beses at kahit sa gitna ng kabiguan ay tumitindig at nagpapatuloy.”

“Ako ay isang kampeon dahil sa Panginoon,” sabi ni Felipe. “Kung hindi dahil sa Kanya, wala akong ideya kung saan ako mapupunta. Pero sigurado ako na hindi ko matatamo ang lahat ng mayroon ako ngayon. Naging kampeon ako sa buhay at sa isports dahil sa pamumuhay ng ebanghelyo.”