“Pangkalahatang mga Alituntunin, Partikular na mga Pagpili o Pagpapasiya,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Mar. 2023.
Pangkalahatang mga Alituntunin, Partikular na mga Pagpili o Pagpapasiya
Paano mo inaangkop ang pangkalahatang mga alituntunin sa partikular na mga sitwasyon sa iyong buhay?
Narito ang tatlong sipi mula sa tatlong magkakaibang propeta. Tingnan kung matutukoy mo ang isang katulad na tema:
“O maging marunong; ano pa ang masasabi ko?”
“Hindi ko masasabi sa inyo ang lahat ng bagay kung saan kayo ay maaaring magkasala.”
“Tinuturuan ko sila ng mga wastong alituntunin, at pinamamahalaan nila ang kanilang sarili.”
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 301.
Tila ibinibigay sa atin ng mga propeta ang mga alituntunin ng ebanghelyo ng Panginoon at ipinauubaya sa atin ang pagsasabuhay ng mga iyon. Hindi nito ibinibigay sa atin ang lahat ng huling detalye. Kaya, paano natin susundin ang kanilang mga turo at ipamumuhay ang mga iyon?
Paano Mo Ipinamumuhay ang mga Turo ng mga Propeta?
Ang mga propeta ay nagbibigay sa atin ng mga kautusan mula sa Panginoon. Nagtuturo din sila sa atin ng mga alituntunin at patnubay na tutulong sa atin na ipamuhay ang mga walang-hanggang katotohanan at kautusan—halimbawa, sa gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan.
Pero kung minsa’y iniisip ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga detalye—ang partikular na mga bagay na dapat nating gawin para maisabuhay nang husto ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ang mga kautusan. Halimbawa, maaaring iniisip ng mga tao kung anong uri talaga ng pananamit ang nagpapakita ng wastong paggalang sa kanilang katawan. O maaaring iniisip nila kung ano talaga ang dapat nilang gawin sa araw ng Sabbath para mapanatili itong banal.
Ang mga pangkalahatang alituntunin ay maaaring gamitin sa iba’t ibang partikular na paraan ng iba’t ibang tao, pero maaari nating hingin ang patnubay ng Panginoon habang ginagawa natin ang sarili nating mga pagpapasiya upang mas mapalapit tayo sa Diyos.
Isang Makakatulong na Huwaran
Minsa’y ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano niya hinarap ang mga pagpapasiya tungkol sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath:
“Natutuhan [ko] mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2015 [Ensign o Liahona, Mayo 2015, 130]).
Ang paraan ng pagharap ni Pangulong Nelson sa partikular na tanong na ito ay maaaring magpakita sa atin ng pangkalahatang huwaran sa mga pagpapasiya tungkol sa mga kautusan at tuntunin. Narito ang isang paraan na maipapahayag mo ito:
Maaari mong sundin ang huwarang ito sa anumang kautusan o tuntunin—ang Word of Wisdom, media at libangan, musika, kadalisayan ng puri, at maging ang ikapu. Nangangailangan ito ng kaunting pagsisikap, pero sulit ito.
Habang pinag-aaralan mo ang mga bagay na ito, maaari mong basahin ang sinasabi sa mga banal na kasulatan at ng mga makabagong propeta tungkol sa mga ito, pagnilayan, at ipagdasal ito sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay matutulungan ka ng Espiritu Santo at mahihikayat kang gumawa ng mabubuting pasiya.
Paano Naman ang mga Pagpapasiya ng Iba?
Pansinin na hindi sinabi sa atin ni Pangulong Nelson kung ano ang partikular na mga pagpapasiyang ginawa niya tungkol sa araw ng Sabbath. Ipinakita niya sa atin kung paano tayo makakagawa ng sarili nating mga pagpapasiya. Maaari mo ring gawin ang marami sa mga pagpapasiyang ginawa niya. Pero ang pinakamahalaga ay sikaping mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng ating mga pagpapasiya.
Kung may napansin kang ibang tao sa Simbahan na hindi ginagawa ang lahat sa mismong paraan ng iyong paggawa, hindi mo kailangang alalahanin na iwasto sila. Tulad ng sinabing minsan ni Reyna I. Aburto, dating Pangalawang Tagapayo sa Relief Society General Presidency, “Tahakin natin ang landas ng Tagapagligtas at dagdagan ang ating pagkahabag, bawasan ang panghuhusga, at tigilan na ang pagiging mapanuri sa espirituwalidad ng iba” (pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2019 [Ensign o Liahona, Nob. 2019, 58]).
Maaari mong ipamuhay ang mga tamang alituntuning itinuturo ng mga propeta. Maituturo mo ang iba sa Tagapagligtas, sa Kanyang pagmamahal, sa Kanyang habag, at sa Kanyang mga utos. Maaari mong basahin ang gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari mong sikaping mamuhay nang tapat bilang disipulo ni Jesucristo, maging mabuting halimbawa, at ibahagi ang iyong mga espirituwal na karanasan.
Kung magtutuon ka sa pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa iba, gagabayan ka sa paggawa ng mga pasiyang magpapasaya sa iyo at sa iba.