“Kahit Tumanda Ka na, ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang,” Liahona, Mar. 2023.
Pagtanda nang May Katapatan
Kahit Tumanda Ka na, ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang
Tinawag na maging Relief Society presidency sa kanilang katandaan, naghahatid ng karanasan at pag-unawa ang mga babaeng ito sa kanilang paglilingkod.
“Baka kami na ang pinakamatandang Relief Society presidency sa Simbahan,” sabi ni Sharon Alexander. Kamakailan lang siya nag-89 taong gulang. At ang mga tagapayo niyang sina Marlene Peterson at Dorothy Arnold naman ay 90 at 91.
“Kaya, nasa mga edad 90 kami,” natatawang sabi ni Dorothy.
Ang Relief Society presidency na ito ay naglilingkod sa isang branch sa isang pasilidad para sa independent living sa Ogden, Utah, USA. Ang pasilidad ay tahanan para sa maraming matatandang miyembro ng Simbahan, at madalas makita ang presidency na nakasandal sa kanilang mga walker habang palipat-lipat ng kuwarto, na binabati ang mga tao at tinitiyak na maayos ang lahat.
Minsan, bumisita ang mga tao mula sa mga lokal na ward para maglaan ng gayong paglilingkod. Pagkatapos ay nadama ng stake president na hikayatin ang branch presidency na itanong sa Panginoon kung sinong mga residente ang maaaring maglingkod at sa kung anong mga calling.
Napakapalad para Humindi
“Nang bigyan ako ng calling ng branch president na maging Relief Society president,” sabi ni Sharon, “naisip ko, napakarami ko nang natanggap na pagpapala para humindi.” Siya naman, sa kabilang dako, ay tumanggap ng inspirasyon kung sino ang dapat na maging mga counselor o tagapayo niya. “Unang pumasok sa isip ko si Marlene,” sabi niya. “Nagtulungan na kami sa stake level, sa paghahanda ng mga pangalan para sa gawain sa templo. Alam ko na hindi pa nagtatagal mula nang pumanaw ang kanyang asawa, at kahit nahihirapan siya rito, alam ko na siya ay tapat.”
At, pagkatapos ng sacrament meeting, tumingin si Sharon sa paligid ng kuwarto, na naghahanap ng inspirasyon. “Nakita ko si Dorothy. Ngumiti siya sa akin, at nabatid ko na siya ang isa pang tagapayo. Ginabayan ako ng Panginoon sa dalawang ito, at hindi Siya nagkamali sa isa man dito.”
Parang Isang Malaking Pamilya
Sinabi rin ni Sharon na nakikita niya ang kalamangan ng pagkakaroon ng mga tao mula sa pasilidad na naglilingkod sa iba sa pasilidad. “Mas malapit kami sa sitwasyon,” sabi niya. “Nauunawaan namin na kung minsa’y naiinis kami, kung minsa’y napakarami naming nalilimutan, at kung minsa’y hindi lang maganda ang pakiramdam namin. At alam namin kung paano tawanan ang mga problemang sama-sama naming kinakaharap.”
“Parang isang malaking pamilya na ang mga taong nakatira dito,” sabi ni Marlene. “Sama-sama kaming kumakain, kaya tatlong beses naming nakikita ang isa’t isa sa isang araw. Pagkatapos kung minsa’y magkakasama rin kami sa mga aktibidad. Kaya palagay ko nabigyang-inspirasyon ang stake president nang madama niya na may mga tao rito na maaaring maglingkod sa isa’t isa.”
“Alam namin ang nangyayari sa araw-araw. Alam namin kung may nangangailangan ng tulong o nagkakasakit,” sabi ni Dorothy.
Bukod pa sa paglilingkod at pagtulong sa iba na maglingkod, inoorganisa ng mga miyembro ng presidency ang pagtuturo sa Relief Society. Nagmumungkahi sila ng mga residente na maaaring tawagin para magturo, at inaakma nila ang mga assignment at iskedyul ayon sa indibiduwal na mga pangangailangan ng mga guro.
Tandaan, Mahal Kayo ng Tagapagligtas
“Pero ang pangunahin naming trabaho ay ipaalala sa iba pang mga residente na mahal sila ng Panginoon,” sabi ni Marlene. “At kapag ginagawa namin iyan, nadarama rin namin ang Kanyang pagmamahal.”
“Lahat tayo ay may mga pakikibaka,” sabi ni Sharon. “May mga problema ako ngayon na wala noong nakaraang limang buwan. Pero kapag naaawa ako sa sarili ko, iniisip ko, ‘Oy, wala iyan kumpara sa pinagdaanan ng Tagapagligtas.’ Narito tayo para umunlad at lumago. At kahit sa katandaan, kung hahayaan ninyong matuto kayo sa inyong mga karanasan, maaari kayong patuloy na matuto magpakailanman.”
Dahil nawalan na sila ng mga mahal sa buhay, marami ring natutuhan ang mga miyembro ng presidency tungkol sa pagkahabag. Alam nila kung paano tulungan ang mga nangangailangan ng pag-alo. Halimbawa, sa loob ng isang taon nawalan ng apat na kapamilya at isang matalik na kaibigan si Marlene.
“Dahil dumanas na kami ng mahihirap na bagay,” sabi niya, “matutulungan din natin ang iba na malampasan ang mahihirap na bagay. Kung nahihirapan ka sa isang bagay, kalimutan ang iyong mga sariling alalahanin sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Iyan ang naitulong sa akin ng calling na ito.”
Ang mga miyembro ng presidency ay nagdadala ng isang yaman ng karanasan at pag-unawa sa kanilang mga calling. Nanirahan at nagtrabaho sila sa maraming lugar—California, Ohio, Wyoming, at Utah. Naglingkod sila sa templo, sa mga calling sa ward at stake, sa Primary, Young Women, at humanitarian service. Pero hindi pa kailanman natawag si Dorothy sa Relief Society, hanggang nitong huli.
“Ano ang motto ng Relief Society?” sabi niya. “‘Ang Pag-ibig sa Kapwa-Tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang.’ Totoo iyan kapag bata ka pa, pero totoo rin ito kapag tumanda ka na. Bilang presidency, natututuhan namin iyan araw-araw.”
“Palagay ko talagang maayos ang pagtutulungan namin,” sabi ni Sharon, sabay kindat, “para sa isang presidency na mga nasa edad 90.”