“Ang Paalala ng Aking Bell Tower,” Liahona, Mar. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Paalala ng Aking Bell Tower
Kung tumugon ako sa pahiwatig, mas marami pa sana kaming oras para ituro kay Giuseppe ang ebanghelyo.
Isang preparation day, bumisita kami ng missionary companion ko sa isang katedral sa Parma, Italy. Habang namamangha sa magagandang painting doon, napansin ko ang isang monghe na nagbabasa sa malapit. Nakatanggap ako ng pahiwatig na kausapin siya tungkol sa Aklat ni Mormon, pero natakot ako.
Ano ang magiging reaksyon ng isang Katolikong monghe sa isang missionary na nangungumbinsi sa loob ng isang katedral? Muling dumating ang pahiwatig, pero muli kong binalewala iyon.
Makalipas ang ilang linggo, sinabi sa amin ng dalawa pang elder sa apartment namin na nakausap nila ang isang monghe na nagngangalang Giuseppe nang masalubong nila ito sa daan. Matapos nilang ituro rito ang isang lesson, tinanggap nito ang isang kopya ng Aklat ni Mormon.
Nang makausap ng mga missionary si Giuseppe pagkaraan ng isang linggo, marami na siyang nabasa sa aklat. Tuwang-tuwa siya tungkol doon.
Bago muling kinausap ng mga missionary si Giuseppe, nalipat ang companion ko, kaya sumama ako sa companionship nila. Nang puntahan namin si Giuseppe sa katedral para turuan, hindi ako nagulat na makita na siya rin ang mongheng ipinahiwatig sa akin na kausapin bago iyon.
Sinabi sa amin ni Giuseppe na binabasa niya ang aklat ni Alma, na ikinumpara niya kay Apostol Pablo. Nagpasiya kaming ituro sa kanya ang pangalawang lesson, na nagtapos sa isang paanyayang magpabinyag. Sa pagtatapos ng aming lesson, bago namin naanyayahan si Giuseppe na tularan ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag, nagsimulang tumunog ang mga kampana ng katedral, na nakagulat sa amin.
Nalimutan ni Giuseppe ang oras at sinabi na kailangan niyang sumama sa iba pang mga monghe para sa mga panalangin sa katanghaliang-tapat. Pagkatapos ay humingi siya ng paumanhin, na sinasabi na hindi namin siya makakausap sa hinaharap dahil pupunta siya sa isang retreat ng mga monghe. Susundan iyon ng kanyang ordinasyon bilang isang pari.
Nagulat kami sa biglang paglalaho ng mahalagang sandaling iyon. Kung nakatugon ako sa naunang pahiwatig sa akin, mas marami pa sana kaming oras na turuan si Giuseppe at nagkaroon sana siya ng oras na tapusin ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon. Ang alam ko, hindi na siya muling tinuruan ng mga missionary.
Pagkatapos ng karanasang iyon, ang tunog ng mga orasan sa bell tower ay nagpaalala sa akin kung gaano kahalaga at kaikli ang oras natin. Sa natitirang panahon ko sa misyon, tuwing may naririnig akong tunog ng bell tower, nagaganyak akong kausapin ang sinumang makausap ko tungkol sa ebanghelyo. Ngayon, sinisikap ko pa ring sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu.