2023
Ang Tanawin Ko mula sa Itaas
Marso 2023


“Ang Tanawin Ko mula sa Itaas,” Liahona, Mar. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Tanawin Ko mula sa Itaas

Muntik ko nang itapon ang mismong bagay na kailangan ko para maabot ang aking mithiin.

lugar ng Roy’s Peak

Larawan ng lugar ng Roy’s Peak na kuha ng awtor

Kamakailan, nagpunta ako sa isang bantog na hiking paakyat ng Roy’s Peak sa magandang kabundukan ng South Island sa New Zealand. Dahil tumagal nang ilang oras ang hiking, ang kailangan ko lang ang dinala ko: kaunting meryenda at maraming tubig.

Nang magsimula ako, nabigatan na ako sa backpack ko. Nang maka-kalahating oras na ako sa hiking, lalo pa akong nabigatan sa backpack na nakasakbit sa aking mga balikat at likod. Sandali kong naisip na itapon ang kaunti sa tubig ko. Pero agad kong nabatid na kakailanganin ko iyon.

Isang oras at kalahati bago ako nakarating sa tuktok ng bundok, naging mas matarik ang landas at natatakpan ng snow o niyebe. Naisip ko na hindi ako makakaabot sa tuktok, pero naganyak ako ng aking mithiin na magpatuloy.

Nang sa wakas ay makaabot ako sa tuktok, parang mas gumaan ang backpack ko. Sa sandaling iyon nakain ko na ang mga meryenda ko at nainom ko na ang halos lahat ng tubig ko. Habang nagpapahinga at humahanga sa magandang tanawin mula sa itaas, pinagnilayan ko ang aking paglalakbay—patungo sa tuktok ng bundok at sa buhay.

Sa loob ng maraming oras, naglakad ako paakyat, pinakain at pinainom ko ang aking katawan kaya nagkaroon ako ng lakas na magpatuloy. Ang tila naging mabigat sa simula—ang tubig na nakapagliligtas ng buhay—ay nagpala sa akin para maabot ang aking mithiin.

Lahat tayo ay dumaranas ng mga pasakit at kalungkutan, ngunit tinutulungan tayo ng Espiritu Santo na gumawa ng mabubuting desisyon. Mahigit kalahating litrong tubig halos ang natira sa akin habang daan, pero naisip kong huwag itapon iyon.

Luhaan ang mga mata, pinasalamatan ko ang aking Ama sa Langit sa mga naisip kong ito. Ang makarating sa mga bundok na natatakpan ng niyebe noong araw na iyon ay nagbigay-inspirasyon sa akin na suriin ang buhay ko, mga desisyon ko, mga mithiin ko, at personal na dalahin ko sa buhay.

Bago ako nag-hiking, puno ako ng kawalang-katiyakan tungkol sa buhay ko at sa trabaho ko sa ibang bansa. Pero ngayon pakiramdam ko ay magiging maayos ang lahat. Alam ko na pangangalagaan ako ng Panginoon.

Sa patnubay ng Espiritu, alam ko na makakagawa ako ng mga tamang desisyon na magpapasigla sa aking isipan, katawan, at espiritu. At kapag nabibigatan ako, maaari akong bumaling sa ating Tagapagligtas, ang pinagmumulan ng “tubig na buhay” (Juan 4:10). Alam ko na palulusugin Niya ako at pagagaanin ang aking dalahin (tingnan sa Mateo 11:28–30).