Digital Lamang: Mga Ama sa mga Huling Araw
Ang Himalang Pinakamahalaga
Ang awtor ay naninirahan sa USA.
Ipinagdasal ko na mahabag sa amin ang Tagapagligtas at pagalingin ang aming anak na babae. Ang himalang natanggap namin ay hindi ang inasahan ko.
Maraming halimbawa ng pagkahabag ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan. Matapos pagalingin ang isang lalaking sinapian ng demonyo, sinabi ni Jesus, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya” (Marcos 5:19). Sa isang pagkakataon na kinailangan ng mga tao ng pagkain, si Cristo ay “[nahabag] sa maraming tao” (Marcos 8:2) at pinakain ng ilang tinapay at isda ang mga apat na libong tao (tingnan sa mga talata 1–9).
Ginusto rin naming mag-asawa ang mahimalang habag ni Jesucristo para pagalingin ang aming bagong-silang na anak. Natuklasan ng mga doktor ang isang malaking bukol sa tiyan niya. Nasuri nila na mayroon siyang infantile neuroblastoma. Dahil dalawang linggo pa lang siyang isinilang at malaki ang malignant (cancerous) na bukol, hindi naging maganda ang prognosis sa kanya.
Puspos ng pananampalataya sa kakayahan ni Cristo na pagalingin siya, binigyan ko siya ng priesthood blessing bago kami nagpunta sa children’s hospital. Sa karanasang iyon, hindi ko alam ang sasabihin. Blangko ang isipan ko. Nagtatangkang may masabi, ang tanging nakaya kong sambitin ay, “Nasa mga kamay ka ng Diyos.”
Nalulungkot sa karanasang iyon, nagtungo kami sa children’s hospital kung saan magsasagawa ng operasyon ang medical team para i-biopsy ang bukol, tingnan kung gaano na ito kumalat, at tingnan kung ano ang magagawa nila, kung mayroon man, para sa aming anak. Bago ang operasyon, muli kong binigyan ng priesthood blessing ang aking anak at gayon pa rin mismo ang naranasan ko; ang nasambit ko lang ay, “nasa mga kamay ka ng Diyos.”
Matapos iabot ang aming anak sa surgeon, umiyak kaming mag-asawa nang buong kapaitan. Nang wala na kaming mailabas na luha, napaupo ako sa lungkot. Nagsimula akong mag-isip kung hindi ibinigay ang mahabaging himalang hinangad namin dahil hindi sapat ang aking pananampalataya o pagkamarapat. Bakit nagsagawa ng napakaraming kamangha-manghang pagkahabag si Cristo para sa iba samantalang sa amin ay hindi?
Napakiramdaman kong basahin ang kuwento tungkol kay Lazaro na matatagpuan sa Juan 11. Ang pag-uugnayan sa pagitan nina Cristo at Marta ay namukod-tangi sa akin. Parang inasam din noon ni Marta ang inaasam ko, na hindi pa huli ang lahat para mahimalang gumaling ang aking anak. Bilang tugon sa hiling ni Marta, sinabi ni Jesucristo, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay mabubuhay.
“At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” (Juan 11:25–26)
Sa sandaling ito, pakiramdam ko ay kinakausap ako ni Jesucristo. Pakiramdam ko kung mayroon akong mga matang nakakakita, katabi ko sanang nakaupo si Cristo at naghihintay ng sagot ko sa Kanyang tanong. Nang pagnilayan ko ang aking sagot, napuspos ng pananalig ang aking kaluluwa, at sumagot ako ng, “Opo, naniniwala ako sa Anak ng Diyos at sa lahat ng inaalok Niya.”
Isa pang tanong ang pumasok sa isipan ko: “Ano ang ginawang posible ni Jesucristo para sa mga batang namatay bago sumapit ang edad ng pananagutan?”
Muli, sa aking isipan, isinagot ko, “Na lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa edad ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (Doktrina at mga Tipan 137:10).
“Naniniwala ka ba rito?” ang sagot niya. Muli, napuspos ng pananalig ang aking kaluluwa, at sumagot ako ng, “Opo.”
Pumasok ang ideya sa aking isipan, “Kung gayo’y nauunawaan mo na makakasama niya ang Diyos at maaari pa ring maging katulad ng Diyos. Ano pa ang gusto mo para sa kanya? Matatamasa mo rin ang buhay na iyon na kasama siya kapag nanatili kang tapat sa mga tipan sa templo na naihayag ni Jesucristo.”
Naisip ko na ang pinakadakilang himala sa buhay ko ay palaging magiging ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Wala na akong mas gusto para sa aking anak kaysa matanggap niya ang lahat ng pagpapalang nagawang posible ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo at ng mga sagradong ordenansa sa templo. Isang mahabaging himala ang ibinigay sa amin—ang himalang pinakamahalaga.