2023
Buhay sa Nayon ng Galilea noong Panahon ni Jesucristo
Marso 2023


Konteksto ng Bagong Tipan

Buhay sa Nayon ng Galilea noong Panahon ni Jesucristo

Ang malaman ang tungkol sa buhay sa nayon noong unang siglo kung saan nanirahan si Jesus ay higit na magpapanawa sa atin ng Kanyang mga turo at mas inilalapit tayo nito sa Kanya.

si Jesus sa baybayin ng Dagat ng Galilea

Nakatala sa Mga Ebanghelyo ng Bagong Tipan na ginugol ni Jesus ang halos buong buhay at ministeryo Niya sa mga nayon ng mga Judio malapit sa Dagat ng Galilea, isang lawang tubig-tabang sa hilaga ng Judea na napapalibutan ng mababang kaburulan at mga kapatagang pang-agrikultura.1

Hindi lamang nagbigay ang rehiyong ito ng pisikal, kultural, at relihiyosong mga tagpo ng kabataan ni Jesus, kundi doon din Niya tinawag ang pinakauna Niyang mga disipulo, isinagawa ang marami sa Kanyang mga himala, at sinimulang ipahayag ang “mabuting balita” ng kaharian.2

Ang malaman ang tungkol sa buhay sa nayon sa rehiyon noong unang siglo ay higit na magpapaunawa sa atin ng Kanyang mga turo at magbibigay-buhay sa mga kuwento ng ebanghelyo sa isang paraan na mas inilalapit tayo sa Kanya.

Mga Mamamayan

Ipinahihiwatig sa mga banal na kasulatan, pinagkukunan ng impormasyon tungkol sa kasaysayan, at nahukay ng mga arkeologo malapit sa Dagat ng Galilea na, bagama’t ang lugar na ito ay minsang tinirhan ng ilan sa mga lipi ni Israel sa hilaga,3 ang mga nayon ng Galilea noong panahon ni Jesus—tulad ng Nazaret, Cana, Nain, Capernaum, Corazin, at iba pa—ay tinirhan noong unang siglo bago isinilang si Cristo (BC), nang mandayuhan ang mga pamilyang Judio pahilaga bilang bahagi ng lumalawak na kaharian ng mga Hasmonean.

Pagsapit ng panahon ng Bagong Tipan, ang populasyon ng mga nayong ito ay mula ilang daan hanggang ilang libong mamamayan, na karamihan ay abala sa mga uri ng pagsasaka, pangingisda, at pangangalakal na madalas banggitin ni Jesus sa Kanyang mga talinghaga at sermon.4

Mga Gusali

Ang pang-araw-araw na buhay sa mga nayon ng Galilea ay medyo disente, lalo na kung ikukumpara sa mas malalaking lungsod ng rehiyon (tulad ng Jerusalem) sa kanilang estilong-Romanong lungsod, teknolohiya sa konstruksyon, at mga pasilidad.

Halimbawa, ang mga nayon ng Galilea ay karaniwang walang sentralisadong pagpaplano, sementadong mga kalsada o plaza, malalaking istruktura, o mga pasilidad sa pagpapadaloy ng tubig sa mga tubo papasok sa bahay. Sa halip, karamihan sa mga ito ay binubuo ng maliliit na grupo ng mga tahanan na may mga simpleng sala na nakapaligid sa iisang patyo (kaya maliit ang espasyo). Yari ang mga ito sa pinagpatung-patong na mga batong kinuha sa bukid na sinementuhan ng mortar at may mga bubong na pawid na pinatsehan.5 At nakatira doon ang magkakamag-anak na nagtulungan sa kanilang pagsasaka, pangingisda, craft, o mga aktibidad sa paghahanda ng pagkain.6

Habang lumalawak ang mga tahanan para tugunan ang lumalaking mga pangangailangan, likas na umunlad ang mga daanan at eskinitang hindi sementado, kaya naging maalikabok ang paligid sa tag-init at maputik sa maulan na taglamig.

Buhay sa Tahanan

Dahil mataas ang mga buwis sa panahong ito at halos babahagya nang nakakaraos sa pangangailangan ang mga pamilya, walang dekorasyon sa loob ang mga bahay sa mga nayon ng Galilea, kakaunti ang muwebles, at walang mga mamahaling gamit.

Karaniwa’y naghahanda ng pagkain ang mga miyembro ng pamilya gamit ang mga panggiling na bato at hurno; nakaupo at natutulog sa mga banig na nakatakip sa sahig na lupa ng bahay; at kumakain sa mga palayok at naghahati-hati sa pagkain sa pamamagitan ng pagsawsaw ng tinapay sa mga sopas o sabaw ng nilaga.

Malamang na kasama rin sa tipikal na mga kainan ang lokal na alak, olive oil, mga gulay na may buto (mga lentil, bean, at chickpea), mga prutas (mga ubas, olive, igos, at date), mga gulay (sibuyas, leeks, at repolyo), isda, at mga produktong yari sa gatas (keso mula sa kambing, mantikilya, at gatas).

Dahil walang pumapasok na tubig o mga paliguan sa mga pamayanang ito, malamang na mas marumi ang pamumuhay ng mga taganayon ng Galilea kaysa sa mga makabagong pamantayan.

Mga Kaugalian

Bukod pa sa pisikal na kapaligiran ng rehiyon, karamihan sa mga nayon ng unang siglong Galilea ay tinirhan ng mga pamilyang Judio na sumusunod sa kanilang relihiyon.

Aramaic ang salita nila (na marahil ay may kasamang mga salita at pariralang Hebreo paminsan-minsan), nagdiwang sila ng mga banal na araw tulad ng Sabbath (na sinasalubong nila gamit ang liwanag ng maliliit na ilawang langis) at sumunod sa mga batas ukol sa pagkain na nakasaad sa Torah,7 nag-alay ng mga panalanging Judio tulad ng Shema,8 pinanatili ang iba’t ibang antas ng ritwal sa kadalisayan,9 nagtipon sa maliliit na sinagoga,10 at ipinasa sa iba ang mga kuwento at turo sa banal na kasulatan.

Kasuotan

Karamihan sa mga taganayon ay hindi makapagsuot ng mahahabang damit o maraming patong ng kasuotan kundi sa halip ay nagsuot sila ng karaniwang kasuotan ng mga Romanong Palestino: isang simpleng tunika na walang manggas at hanggang tuhod at may sinturon sa baywang, katad na sandalyas, at isang balabal na nakapalibot sa mga balikat para sa karagdagang init sa panahon ng taglamig.

Bukod pa rito, ang mga lalaking Judio ay malamang na nagsuot ng mga sagradong palawit sa mga sulok ng kanilang mga balabal (at walang katibayan na nagsuot sila ng mga panakip sa ulo ayon sa relihiyon sa panahong ito), at ang mga babaeng may-asawa ay malamang na nakapusod ang buhok.11

Ang mga ito at ang iba pang mga aspeto ng pang-araw-araw na buhay ng mga Judio sa Galilea noong unang siglo ay nagbibigay ng mahalagang sulyap sa mundong kinamulatan ni Jesus, at ang pagsasaisip sa mga iyon habang binabasa natin ang mga tala ng ebanghelyo ay lubhang magbibigay liwanag sa ating pang-unawa sa kanyang mortal na ministeryo, mga mensahe, at pagtawag sa pagkadisipulo.