2018
Pagpasan ng mga Pasanin ng Isa’t Isa
Hunyo 2018


“Pagpasan ng mga Pasanin ng Isa’t Isa”

Mula sa isang mensaheng ibinigay sa mga empleyado ng LDS Family Services noong Hunyo 2017. Iniangkop ni Elder Holland ang bersyon na ito para sa mas maraming tagapakinig.

Maaaring hindi natin mabago ang paglalakbay, ngunit maaari nating siguruhin na walang maglalakbay nang mag-isa. Siguradong iyan ang kahulugan ng magpasan ng mga pasanin ng isa’t isa.

walking with an elderly woman

Larawang kuha mula sa Getty Images

Isinulat ni Apostol Pedro na ang mga disipulo ni Jesucristo ay dapat maging “madamayin” (I Ni Pedro 3:8). Marami sa inyo ang tumutupad sa kautusang iyan nang marangal at kahanga-hanga sa araw-araw ng inyong buhay. Siyempre, ang pangangailangan sa habag ay malaki ngayon katulad ng dati. Ipinahihiwatig ng kasalukuyang datos na may humigit-kumulang isa sa limang matatanda sa Estados Unidos (43.8 milyong katao) ang nagkakaroon ng karamdaman sa pag-iisip taun-taon.1 Laganap ang pornograpiya, na ang isang website ay binibisita ng mahigit 23 bilyong beses noong 2016 lang.2 “[Mabilis] ang pagbaba ng bilang ng mga sambahayan sa Estados Unidos na magkasama ang mga magulang habang tumataas naman ang bilang ng mga nagdidiborsyo, … nagsasama nang hindi kasal, [at mga isinisilang sa mga magulang na hindi kasal]. … Ngayon, apat-sa-sampung isinisilang ay sa mga babaeng walang asawa o nakikisama sa isang lalaki nang hindi kasal.”3

Para matawag na mga tao ng Tagapagligtas at makatayo sa Kanyang Simbahan, kailangan tayong maging “handang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan; oo, at [maging] handang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay” (Mosias 18:8–9).

Para sa akin, ang pagpasan ng pasanin ng iba ay isang simple ngunit mabisang pakahulugan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag hinangad nating pagaanin ang pasanin ng iba, tayo ay “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion” (Obadias 1:21). Simboliko nating iniaayon ang ating sarili sa Manunubos ng daigdig at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Tayo ay “[nagpapagaling] ng mga bagbag na puso, … [nagtatanyag] ng kalayaan sa mga bihag, at … [nagbubukas] ng bilangguan sa nangabibilanggo” (Isaias 61:1).

Banal na Pagdamay

young man in wheelchair laughing

Pag-usapan natin sandali ang Pagbabayad-sala ni Cristo. Kung tama ang pagkaunawa ko sa doktrina, sa pagdanas ng Pagbabayad-sala, naranasan ni Jesucristo—at pinasan—ang mga kasalanan at kalungkutan at problema at luha ng buong sangkatauhan, mula kina Adan at Eva hanggang sa katapusan ng mundo. Dito, hindi talaga Siya ang mismong nagkasala, ngunit nadama Niya ang sakit at kinahinatnan ng mga dumanas nito. Hindi Niya personal na naranasan ang pagkasira ng pagsasama ng mag-asawa, ngunit nadama Niya ang sakit at kinahinatnan ng mga dumaranas nito. Hindi Niya personal na naranasang magahasa o magkaroon ng schizophrenia o kanser o mawalan ng anak, ngunit nadama Niya ang sakit at kinahinatnan ng mga dumaranas nito, at kung anu-ano pang iba’t ibang mga pasanin at kasawian sa buhay.

Ang pananaw na iyon kung paano gumagana ang Pagbabayad-sala ay nagpapahiwatig ng isang tunay na banal na halimbawa ng pagdamay na alam ng mundo. Malinaw na walang salitang nagpapaliwanag nang sapat sa pinakamahalagang nagawa sa sansinukob, ngunit ngayo’y wala akong mas magandang panghalili, kaya iyan ang gagamitin ko.

Ang ibig sabihin ng pagdamay ay “pag-unawa … at pagdanas ng mga damdamin, ideya, at karanasan ng ibang tao sa nakaraan man o sa kasalukuyan.”4 Tulad ng nabanggit, totoong magandang pahayag iyan tungkol sa proseso ng pagbabayad-sala, lalo na kung idaragdag natin ang “kinabukasan” sa “nakaraan” at “ngayon.”

Alam nating lahat na napakarami sa mga anak ng Diyos ang nagdurusa nang tahimik at mag-isa. Gawin nating halimbawa ang isang kabataang lalaking sumulat sa akin ng napakagandang liham na nagpapahayag ng kanyang patotoo ngunit pagkatapos ay idinagdag na nalulungkot siya dahil wala siyang nakikitang anumang katuparan o kagalakan sa hinaharap para sa kanya bilang isang taong naaakit sa kapwa niya lalaki:

“Humaharap ako sa isang buhay na malulungkot ang gabi at mapapanglaw ang umaga. Palagi akong dumadalo sa aming YSA ward at bawat linggo ay umaalis ako ng Simbahan na batid na hindi talaga ako makakabilang. Hindi ko kailanman tuturuan ang anak kong lalaki na magbisikleta. Hindi ko kailanman madarama ang paghawak ng anak kong babae sa daliri ko habang nag-aaral siyang lumakad. Hindi ako kailanman magkakaroon ng mga apo.

“Uuwi ako sa isang bahay na walang tao, araw-araw, buwan-buwan, deka-dekada, na pinatatatag lamang ng aking pag-asa kay Cristo. Kung minsan ay iniisip ko kung bakit Niya gagawin ito sa akin at bakit Niya ako pinagagawa ng napaka-imposibleng sakripisyo. Umiiyak ako sa gabi kapag walang nakakakita. Hindi ko pa sinasabi kaninuman, kahit sa mga magulang ko. Itatakwil nila ako at ng aking mga kaibigan … kapag nalaman nila, tulad noong itakwil nila ang lahat ng taong gayon bago ako nagkagayon. Maiiba sa lahat ang buhay ko. May opsiyon akong maging maligalig at iwasan ng iba dahil wala akong asawa, o kaawaan at hindi pansinin kapag sinabi ko ang dahilan. Mukhang magiging miserable ako habambuhay. Wala bagang balsamo sa Galaad?”5

Sa labis na sakit at kalungkutan, labis na kawalan ng pag-asa, ang isang bagay na siguradong dapat nating subukang ibigay sa isang taong nasa gayong katayuan ay ang muling tiyakin na hindi siya nag-iisa. Dapat tayong maging matatag sa pagbibigay-diin na kasama niya ang Diyos, kasama niya ang mga anghel, at kasama niya tayo.

Pagdamay. Mukhang kulang, ngunit puwede nang maging simula. Maaaring hindi natin mabago ang paglalakbay, ngunit maaari nating siguruhin na walang maglalakbay nang mag-isa. Siguradong iyan ang kahulugan ng magpasan ng mga pasanin ng isa’t isa—ito ang mga pasanin. At sino ang nakakaalam kung kailan o kung mapagagaan ang mga pasaning ito sa mortalidad. Ngunit maaari tayong sama-samang maglakad at maghati-hati sa bigat. Mapagagaan natin ang mga pasanin ng ating mga kapatid tulad ng pagpapagaan ni Jesucristo sa ating mga pasanin (tingnan sa Alma 7:11–13).

At sa pamamagitan ng lahat ng ito, tiyak na nagkakaroon tayo ng bago at mas magandang pagpapahalaga sa ginagawa ng Tagapagligtas sa huli para sa atin. Tulad ng sinabi ko noon:

“Sa pagpupunyaging magkaroon ng kaunting kapayapaan at pag-unawa sa mahihirap na bagay na ito, mahalagang tandaan na nabubuhay tayo—at pinili nating mabuhay—sa isang mundong puno ng kasalanan kung saan dahil sa mga banal na layunin ay paulit-ulit na susubukan at patutunayan ang ating pagsisikap na maging banal. Ang malaking katiyakan sa plano ng Diyos ay ang ipinangakong isang Tagapagligtas, isang Manunubos, na sa pamamagitan ng pananampalataya natin sa Kanya ay matagumpay nating malalagpasan ang mga pagsubok na iyon, bagama’t hindi lubos na maaarok ng isipan natin ang Ama na nagsugo sa Kanya at ang Anak na pumarito. Tanging sa pagpapahalaga sa banal na pagmamahal na ito natin makakayanan ang mas magaan nating pagdurusa, pagkatapos ay mauunawaan na natin ito, at sa huli ay matutubos tayo.”6

Mabilis nating natututuhan na ang ating pinakamahusay at di-makasariling mga serbisyo ay kadalasang hindi sapat para maaliw o mapalakas ang loob ng mga tao sa paraang kailangan nila. O kung nagtagumpay tayong minsan, kadalasa’y tila hindi na natin makayang ulitin ito. Hindi rin naman tayo mga superhero para maiwasan na magalit ang mga taong mahal natin. Ito ang dahilan kaya tayo kailangang bumaling kay Jesucristo sa huli at umasa sa Kanya (tingnan sa 2 Nephi 9:21).

Kadalasa’y hindi tayo makatulong—o hindi man lang tayo makatulong nang tuluy-tuloy o hindi natin ito maulit kapag kung minsa’y nagtatagumpay nga tayo. Ngunit makatutulong si Cristo. Makatutulong ang Diyos Ama. Makatutulong ang Espiritu Santo, at kailangan nating patuloy na sikapin na maging Kanilang mga kinatawan, na tumutulong kung kailan at saan maaari.

Muling Patibayin ang Inyong Sarili

Para sa inyo na masigasig ang hangaring magpasan ng mga pasanin ng iba, mahalagang muling patibayin ang inyong sarili at patatagin ang inyong sarili kapag malaki ang inaasahan sa inyo ng iba at talagang pipigain nila kayo. Walang sinumang napakalakas na hindi sila kailanman napapagod o naiinis o kumikilala sa pangangailangang pangalagaan ang kanilang sarili. Tiyak na naranasan ni Jesus ang pagod na iyan, nadama ang pagkaubos ng Kanyang lakas. Nagbigay Siya nang nagbigay, ngunit may kapalit na halaga iyon, at nadama Niya ang mga epekto ng napakaraming umaasa sa Kanya. Nang hipuin Siya ng babaeng inaagasan ng dugo sa karamihan ng mga tao, pinagaling Niya ito, ngunit sinabi rin Niya “na may umalis na bisa sa kaniya” (tingnan sa Marcos 5:25–34).

Noon pa man ay namamangha na ako na nakakatulog Siya sa gitna ng bagyo sa Dagat ng Galilea na napakalakas at napakatindi kaya inakala ng Kanyang mga disipulong mahuhusay na mangingisda na lulubog ang barko. Pagod na pagod siguro Siya. Ilang sermon ang maibibigay ninyo at ilang basbas ang magagawa ninyo nang hindi kayo lubos na napapagod? Kailangan din namang alagaan ang mga tagapag-alaga. Kailangang mayroong gasolina ang tangke bago ninyo ito maibigay sa iba.

Sinabi minsan ni Rosalynn Carter, board president ng Rosalynn Carter Institute for Caregiving, “May apat na klase lang ng mga tao sa mundong ito: ang mga naging tagapag-alaga, ang mga kasalukuyang tagapag-alaga, ang mga magiging tagapag-alaga, at ang mga mangangailangan ng tagapag-alaga.”7

Malinaw na “ang kaugnayan ng tagapag-alaga sa inaalagaan ay [seryoso, at] sagrado pa nga.”8 Gayunman, habang dinaranas natin ang hamon na magpasan ng mga pasanin ng isa’t isa, naaalala natin na walang sinuman sa atin ang hindi tatablan ng epekto ng pagdamay sa hirap at pagdurusa ng isang taong mahal natin.

Manatiling Balanse

helping a woman put shoes on

Mahalagang makahanap ng mga paraan para maibalanse ang tungkulin ninyong mag-alaga sa ibang mga aspeto ng inyong buhay—kabilang na ang trabaho, pamilya, mga ugnayan, at mga aktibidad na nagpapasaya sa inyo. Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa paksang ito, sinikap kong “magpugay sa inyong lahat, sa lahat na maraming ginagawa at nagmamalasakit nang husto at nagsisikap ‘sa hangaring gumawa ng kabutihan.’ Napakaraming masyadong mapagbigay. Alam ko na ang ilan sa inyo [ay maaaring nahihirapan sa emosyonal o pinansiyal] sa sarili ninyong buhay at nakakakita pa rin kayo ng maibabahagi [sa iba]. Gaya ng babala ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao, hindi layon na tumakbo tayo nang higit na mabilis kaysa ating lakas at lahat ng bagay ay dapat gawin nang maayos (tingnan sa Mosias 4:27).”9 Ngunit sa kabila niyon, alam ko na marami sa inyo ang tumatakbo nang napakabilis at halos wala ka nang lakas para tulungan ang iba.

Kapag tila napakalaki ng mga problema, alalahanin ang mga linyang ito mula sa isang sanaysay ni David Batty:

“Ang pag-asa ay hindi isang damdamin—ito ay hindi isang malaking alon ng kagalakan sa gitna ng problema.

“… Ang pag-asa ay hindi ang magic wand na nagpapalaho sa problema. Ang pag-asa ay ang guhit ng buhay na makakahadlang upang hindi kayo madaig ng mga unos sa inyong buhay.

“Kapag umasa kayo kay Jesus, nagtitiwala kayo sa Kanyang mga pangako na hinding-hindi Niya kayo iiwan o pababayaan—na gagawin Niya ang pinakamabuti para sa inyo. Kahit maaaring nasa kalagitnaan kayo ng isang malaking problema, ang pag-asa ay nagbibigay-daan para kayo mapayapa, batid na si Jesus ang kasama ninyo sa bawat hakbang.”10

Gustung-gusto ko kung paano hinarap ni Pablo ang paghihirap at damdaming ito ng kakulangan. Sa mga banal na kasulatan, ipinaliwanag ng Panginoon na ang Kanyang biyaya ay sapat para kay Pablo at na ang Kanyang lakas, sa katunayan, ay talagang “nagiging sakdal sa kahinaan.” Pagkatapos ay isinulat ni Pablo, “Kaya’t bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo” (II Mga Taga Corinto 12:9).11

Magtiwala sa Ama at sa Anak

Kailangan nating magtiwala na tunay na nagmamalasakit ang ating Ama sa Langit at si Jesucristo sa atin at sa ating ginagawa, na gusto Nila tayong maging “sakdal sa kahinaan”—tulad ng gusto ninyo para sa mga taong mahal ninyo.

Pinatototohanan ko na alam ng Diyos ang ating mga pasanin at palalakasin tayo para palakasin ang iba. Hindi ito nangangahulugan na laging maglalaho ang ating mga problema o biglang mapapayapa ang mundo. Ngunit diringgin din naman ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin. At gayundin ang mga dalangin ng mga taong inaalagaan ninyo—ang balo, diborsyado, nalulumbay, natatakot, adik, maysakit, nawawalan ng pag-asa—lahat.12

Mga kapatid, ang paglilingkod na ibinibigay natin kapag nagpapasan tayo ng mga pasanin ng iba ay napakahalaga—literal na gawain ng Panginoon. Binibigyang-diin ng bilang ng mga liham na natanggap sa opisina ko kung gaano kalaking tulong ang kailangan. Ang tulong na iyon ay manna mula sa langit sa mga taong nahihirapan.

Sinabi kong minsan: “Kapag binabanggit natin ang mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, ipinapaalala sa atin na hindi lahat ng anghel ay nagmula sa kabila ng tabing o lambong. Ang ilan sa kanila ay nakakasama natin sa paglakad at nakakausap—dito, ngayon, at araw-araw. Ang ilan sa kanila ay nakatira sa sarili nating sambahayan. Ang ilan sa kanila ay nagsilang sa atin, at sa kalagayan ko, isa sa kanila ang pumayag na pakasalan ako. Tunay ngang tila hindi nagiging mas malapit ang langit kailanman kaysa kapag nakikita natin ang pagmamahal ng Diyos sa kabaitan at katapatan ng mga taong napakabuti at napakadalisay kaya parang anghel ang tanging mga salitang naiisip natin.”13

Para sa akin, kapag sinisikap ninyong pagaanin ang mga pasanin ng iba, kayo ay tunay na mga anghel ng awa sa pinakaliteral na kahulugan nito. Nawa’y maibalik sa inyo nang isandaang ulit ang lahat ng sinisikap ninyong ibigay.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Mental Health by the Numbers,” National Alliance on Mental Illness, nami.org.

  2. Tingnan sa “World’s Largest Porn Site Reveals the Most-Searched Porn Genre of 2016,” Fight the New Drug, Ene. 9, 2017, fightthenewdrug.org.

  3. “Parenting in America,” Pew Research Center, Dis. 17, 2015, pewsocialtrends.org; tingnan din sa D’Vera Cohn at Andrea Caumont, “10 Demographic Trends That Are Shaping the U.S. and the World,” Pew Research Center, Mar. 31, 2016, pewsocialtrends.org.

  4. Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 ed. [2003], “empathy.”

  5. Personal na liham.

  6. Jeffrey R. Holland, “Parang Basag na Sisidlan,” Liahona, Nob. 2013, 40.

  7. Tingnan sa rosalynncarter.org/UserFiles/Jensen.pdf; tingnan din sa Rosalynn Carter, sa Randi Kaplan, “How to Care for the Caregiver,” Mayo 13, 2015, health.usnews.com.

  8. Nancy Madsen-Wilkerson, “When One Needs Care, Two Need Help,” Ensign, Mar. 2016, 38.

  9. Jeffrey R. Holland, “A Handful of Meal and a Little Oil,” Ensign, Mayo 1996, 31.

  10. David Batty, “Finding Hope in the Midst of Life’s Problems,” livingfree.org.

  11. Tingnan sa Anne C. Pingree, “Making Weak Things Become Strong,” Ensign, Dis. 2004, 28–30.

  12. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Pinagpapahinga Niya ang Nangabibigatang Lubha,” Liahona, Nob. 2006, 6–9.

  13. Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng mga Anghel,” Liahona, Nob. 2008, 30.