2018
Mga Tortilla at Mag-amiga
Hunyo 2018


Mga Tortilla at Mag-amiga

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“Kung gusto mo ng kaibigan, magmalasakit ka” (Children’s Songbook, 262).

Tortillas and Amigas

Inip na si Adriana. Gusto niyang makipaglaro sa kakambal niyang si Diana. Pero isinama ng Mama niya si Diana para mamili sa palengke. Bumuntung-hininga si Adriana. Malungkot ang bahay. Sana pala sumama na lang siya sa kanila.

Nagpasiya si Adriana na bumisita sa kapitbahay nilang si Margarita. Matatanda na ang mga anak ni Margarita, at parang lola na ang turing ni Adriana sa kanya. Palagi silang masayang magkasama.

Pumunta sa labas si Adriana. Nasikatan siya ng mainit na araw habang naglalakad papunta sa bahay ni Margarita. Sumilip siya sa pintuan. “Aling Margarita, nariyan po ba kayo?”

Oo, narito ako sa kusina,” sigaw ni Margarita. Nakita siya ni Adriana na nakayuko sa mesa sa may kusina. Inangat niya ang kanyang ulo nang pumasok si Adriana.

“Hello, Adriana,” sabi ni Margarita. Ngumiti siya nang bahagya. Pero parang malungkot ang ngiting iyon.

“May problema po ba?” tanong ni Adriana.

Bumuntung-hininga si Margarita. “Wala kang dapat ipag-alala.”

“Paano ko mapabubuti ang pakiramdam niya?” naisip ni Adriana. Mukhang masaya palagi si Margarita kapag magkasama silang nagluluto. “Puwede po ba kitang tulungang gumawa ng mga tortilla?”

“Kagagawa ko lang ng ilan,” sabi ni Margarita. Inangat niya ang telang napkin para ipakita ang magkakapatong na tortilla.

“Kung gayon puwede po ba kitang tulungang kainin ang mga tortilla?” nakangiting tanong ni Adriana.

Tumawa si Margarita. “Siyempre naman. Mag-iinit lang ako ng kaunting beans na ilalagay dito.”

Tumayo si Adriana sa tabi ni Margarita sa may kalan at hinalo ang iniinit na pritong black beans sa kaserola. Nang mainit na ang beans, dinala niya ito sa mesa. Dinala ni Margarita ang mga tortilla at keso.

Kumuha si Adriana ng mainit na tortilla at nilagyan ito ng beans sa ibabaw. Pagkatapos ay binudburan niya ito ng keso sa ibabaw. Mukhang masarap ito! Hindi makapaghintay si Adriana na kumain! Pero may gusto muna siyang gawin.

“Puwede po ba akong magdasal?” tanong ni Adriana kay Margarita.

“Oo naman.”

Pumikit si Adriana at humalukipkip. “Ama sa Langit, salamat po sa pagkaing ito. Basbasan po Ninyo ito para magpalusog at magpalakas sa amin. At tulungan po Ninyo si Margarita sa anumang kailangan niya. Masaya po akong maging kaibigan siya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.”

Iminulat ni Adriana ang kanyang mga mata. Nakangiti nang husto si Margarita—totoong ngiti na ngayon. Habang kumakain sila, pinag-usapan nila ang eskuwela at isports at mga aklat. Gustung-gustong makipag-usap ni Adriana kay Margarita.

Pagkatapos nilang kumain, niyakap nang mahigpit ni Adriana si Margarita. “Salamat po sa meryenda. Masayang-masaya ako!”

Niyakap din ni Margarita si Adriana. “Salamat sa iyo, Adriana. Kinailangan ko ng kaibigan ngayon.”

Ngumiti si Adriana. “Natutuwa po ako na mag-amiga tayo.”

“Natutuwa rin ako na magkaibigan tayo,” sabi ni Margarita. “Bakit hindi mo na lang iuwi itong natirang mga tortilla? Busog na busog na ako.”

Paluksu-luksong umuwi si Adriana sa bahay niya. Busog na busog din siya—at hindi lang dahil sa mga tortilla! Punung-puno siya ng pagkakaibigan mula ulo hanggang paa.

Mga Tortilla ng Pagkakaibigan

Tamang-tama itong madaling gawing mga corn tortilla para makipagkaibigan at maibahagi sa mga kaibigan. Siguraduhing humingi ng tulong sa isang nakatatanda.

2 tasang masa farina (corn flour)

1 1/2 tasang mainit na tubig

  1. Paghaluin ang masa farina at ang mainit na tubig. Masahin ang dough hanggang sa lumambot.

  2. Bilugin nang maliliit ang dough. Ilagay ang isang binilog na dough sa pagitan ng dalawang waxed paper.

  3. Gamit ang isang pinggan o kawali, ilang beses na pipiin nang husto ang binilog na dough.

  4. Lutuin ang tortilla sa kawali sa katamtamang apoy. Kapag medyo maitim na ang paligid ng ibabaw, baligtarin para maluto ang kabila.

  5. Lagyan ng beans at keso sa ibabaw, at namnamin!