Tuklasin ang Iyong mga Kaloob
Ang awtor ay naninirahan sa Rhineland-Palatinate, Germany.
Tila laging sinasabi ng lahat na, “Kung alam mo lang kung gaano ka kagaling.” Ang totoo, kung minsa’y talagang hindi mo lang alam kung gaano ka kagaling. Kapag pakiramdam natin ay hindi tayo ang pinakamatalino, pinakamabait, pinakamaganda, pinaka-nakakatawa, at may pinakamaraming talento, parang naglalaho ang tiwala natin sa sarili.
Pero isipin mo ito: lahat tayo ay mga espiritung anak na lalaki at babae ng Ama sa Langit. Dahil doon, binigyan niya tayo ng mga natatanging kaloob at talento para tulungan tayong maabot ang ating banal na potensyal. Habang natutuklasan natin ang ating mga kaloob, maaalala natin ang ating banal na kahalagahan bilang Kanyang mga anak, at mapapalapit tayo sa Kanya at matutulungan natin ang iba na gawin din iyon.
Tuklasin ang Iyong mga Kaloob
Narito ang siyam na ideyang makakatulong sa iyo na tuklasin ang ilan sa iyong di-gaanong-halatang mga kaloob.
-
Hilingin sa iba na ipaalam ito sa iyo.
Kung minsa’y hindi natin nakikita sa ating sarili ang nakikita ng iba sa atin. Hilingin sa isang kaibigan, kamag-anak, o lider ng Simbahan na sulatan ka tungkol sa isang kaloob o talento na nakikita nila sa iyo.
-
Hanapin ang mga kaloob sa oras ng pagsubok.
Sa mga paghihirap mapipili nating ilabas ang pinakamabubuting katangian natin o ang pinakamasasamang katangian natin. Kapag mahirap ang panahon, magtuon sa pagtuklas at paggamit ng iyong pinakamabubuting katangian at kaloob.
-
Ipagdasal na tulungan kang malaman ang iyong mga kaloob.
Alam ng Ama sa Langit ang ating banal na potensyal. Kung nahihirapan tayong makita iyan sa ating sarili, makakatulong Siya. Maaari kang humingi ng tulong sa panalangin na malaman ang iyong mga kaloob.
-
Huwag matakot na sumubok ng iba.
Pinauunlad lang ba natin ang mga kaloob na alam na nating taglay natin dahil takot na takot tayong gumawa ng isang bagay na hindi pa natin nagagawa noon? Panahon na para sumubok ng iba at tuklasin ang mga hindi pa natin nakikitang mga kaloob.
-
Saliksikin ang salita ng Diyos.
Tinutulungan tayo ng Ama sa Langit na matuklasan at mapaunlad ang ating mga kaloob sa pamamagitan ng mga tanda na matatagpuan sa mga banal na kasulatan—kadalasa’y sa pamamagitan ng mga paanyayang kumilos. Kagaya halimbawa ng talatang ito: “Tumigil sa pakikipagtalo sa isa’t isa; tumigil sa pagsasalita ng masama sa isa’t isa” (D at T 136:23). Anong mga kaloob ang mapapaunlad mo mula sa paanyayang ito? Ang kaloob na magsalita ng may kabaitan, ang kaloob na panatagin ang iba, ang kaloob na magpigil, at marami pang iba. At isang talata pa lang ang pinanggalingan niyan! Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdinig sa mga paramdam ng Espiritu ay makakatulong sa iyo na matuklasan ang iyong mga kaloob.
-
Huwag magtuon sa sarili.
Kung minsa’y lumalabas ang pinakamabubuting katangian natin kapag hindi tayo nakatuon sa ating sarili kundi sa halip ay nakatuon tayo sa kung paano tayo makikipagtulungan at makakatulong sa iba. Kapag ginawa natin iyan, makikita natin na marami tayong mga kaloob na katulad ng kay Cristo.
-
Isipin ang mga taong tinitingala mo.
Sino ang ilan sa iyong mga huwaran? Maaari kang gumawa ng listahan ng lahat ng kaloob na taglay ng iyong mga huwaran at, sa halip na magtuon sa kung aling mga kaloob ang mayroon siya na wala ka, matuwa sa pagtuklas sa mga kaloob na mayroon kayo pareho.
-
Magnilay tungkol sa iyong pamilya.
Anong mga kaloob ang mayroon ka na mayroon din ang iyong mga kapatid, magulang, o lolo’t lola? Magsaliksik pa! Saliksikin ang family history, tuklasin ang mga kuwento, at tukuyin ang iba pang mga kaloob na mayroon ka na mayroon din ang iyong pamilya.
-
Tanggapin o basahin ang iyong patriarchal blessing.
Maaaring mabanggit sa iyong blessing ang mga kaloob na mayroon ka o dapat mong paunlarin, at maaari din nitong ituro sa iyo ang landas na aakay sa iyo na tumuklas ng iba pang mga bagong kaloob at talento.
Maging Ganap sa Kanya
Hindi tayo kailangang maging pinakamagaling sa lahat ng bagay para malaman na tayo ay kapaki-pakinabang na mga anak ng Diyos. Kailangan lang tayong maging tapat sa pagtuklas at pagpapaunlad ng ating mga kaloob at talento—sa gayon, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong maging ganap sa Kanya (tingnan sa Moroni 10:32).