2018
Pinagpala sa Lahat ng Paraan na Posible
Hunyo 2018


Pinagpala sa Lahat ng Paraan na Posible

Si Elder Edward Dube ay isinilang sa Zimbabwe, at sila ng kanyang asawang si Naume ay may apat na anak.

Kaylaki ng pagpapala ng paghahayag sa akin, sa pamilya ko, at sa Simbahan sa Africa.

Nang una kong mabalitaan ang pagbabawal sa mga lalaking itim na magtaglay ng priesthood, nasa misyon ako. Nabinyagan ako noong 1984, nang matapos na ang pagbabawal. Makalipas ang dalawang taon tinawag akong maglingkod sa South Africa Johannesburg Mission.

Habang naka-assign sa Bulawayo, Zimbabwe, binisita namin ng kompanyon kong si Elder Francis Jack ang isang di-gaanong aktibong miyembrong babae. Ang asawa nito ay isang theological professor sa ibang simbahan. Tinanong niya kami kung bakit ipinagkait ang priesthood sa mga lalaking may lahing itim na African. Marami siyang sinabi na nakabagabag sa akin—mga bagay na noon ko lang narinig. Paglabas ko ng silid na iyon, pakiramdam ko’y napakahamak ko at labis akong pinanghinaan ng loob.

Nagbisikleta kami ni Elder Jack pabalik sa apartment namin nang walang imikan. Pagdating namin doon, tiningnan niya ako at sinabing, “Elder Dube, ano’ng nangyari sa iyo? Parang masyado kang naguguluhan.”

Hindi mo ba narinig ang sinabi niya?” sagot ko “Paano ito nangyari?”

“Elder, naniniwala ka ba na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagpakita sa batang si Joseph?”

“Oo,” sabi ko. “Pero ano ang kinalaman niyon dito?”

“Lahat ng iyon ay may kinalaman dito,” sagot ni Elder Jack. “Naniniwala tayo sa paghahayag, ’di ba?”

Pinag-isipan ko ang sinabi niya at ng propesor. Nang gabing iyon nagising ako sa hatinggabi. Masaya ako at payapa.

Ang sagot sa bawat tanong tungkol sa ebanghelyo ay may kaugnayan sa nangyari noong 1820. Ang pagkaalam na nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith ay nangangahulugan na siya ay isang propeta at na ito ang Simbahan ng Panginoon. Kung nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa batang si Joseph, lahat ng alituntunin ng ebanghelyo at mga tanong ay may katuturan. Ito ay isang simbahan ng paghahayag, at inihahayag ng Panginoon ang ilang proseso sa ilang pagkakataon sa Kanyang mga lingkod, na mga propeta, at iyan ang naghatid ng kapayapaan sa akin.

Nagsimula akong magtatalon at nagising ang kompanyon ko sa kasisigaw ng, “Tama, tama! Tama ka, Elder Jack! Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa batang si Joseph! Ito ang Simbahan ng Panginoon!”

Ang pag-aalis ng pagbabawal na ito ay naging pagpapala sa mga miyembro sa buong Africa. Ako at ang pamilya ko ay napagpala ng priesthood sa lahat ng paraan na posible. Nagkaroon ako ng matinding lakas sa pagkakaroon ng mga pagpapala ng templo, ng pagpapalang malaman na magkakasama-sama tayo bilang mga pamilya sa kawalang-hanggan.

Ang pagkakaroon ng priesthood ay nagpala sa Africa. Masaya at positibo na ang mga tao rito, ngunit nakaragdag dito ang ebanghelyo. Ang mga pamilya ay napakahalaga sa Africa. Kaya ang templo ay itinuturing na malaking pagpapala. Napakabilis ng paglago ng Simbahan dito.

family sitting in living room

Nakikinig ang mga miyembro dito sa kalooban ng Diyos at humahayo kami at sinusunod ito. Napagpala nito ang mga miyembro. Noong panahon na 90 porsiyento ang walang trabaho sa ilang lugar sa Africa, tila maayos ang kalagayan ng ating mga miyembro dahil sila ay self-reliant. Ang priesthood at patnubay mula sa mga lider ng priesthood ay nagpala sa amin.

Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pagkakataong magtaglay ng priesthood, sa pagpapala nito sa aking buhay, at kung paano nito napagpala ang mga miyembro sa buong kontinente ng Africa.