Paglilingkod sa Simbahan
Kung Saan Kami Kailangan
Ang mga awtor ay naninirahan na ngayon sa Massachusetts, USA.
Isang pahiwatig na lumipat kami sa Brooklyn, New York, ang umakay sa amin sa paglilingkod at mga pagpapalang hindi namin sukat-akalain.
Noong 2013 ay nakatira kami sa Manhattan, New York, USA. Mahal namin ang ward namin. Dahil malapit nang isilang ang aming panganay, nagsimula kaming maghanap ng mas malaking apartment sa ward. May nakita kami na mukhang tamang-tama, pero hindi maganda ang pakiramdam namin.
Noong tagsibol na iyon, nadama ni Laura na dapat siguro kaming lumipat sa Brooklyn. Hindi gaanong sigurado si Wil. Wala kaming alam tungkol sa Brooklyn, at gusto ni Wil na mapalapit sa pinagtatrabahuhan niyang investment bank para, mahaba man ang oras niya sa trabaho, mas maikli naman ang biyahe niya. Nagpasiya kaming ipagdasal ito at pakinggan ang sagot sa oras ng pangkalahatang kumperensya.
Nang panoorin namin ang mga mensahe sa isang laptop computer sa aming studio apartment, nagbahagi si Elder Stanley G. Ellis ng Pitumpu ng isang karanasan niya bilang isang miyembro ng stake presidency. Sinabi niya na madalas itanong ng mga pamilyang lumilipat sa kanyang stake sa Texas, USA, kung aling ward ang pinakamaganda. Minsan lang sa loob ng 16 na taon may nagtanong na pamilya kung aling ward ang nangangailangan ng tulong.1
Naantig kami sa kuwento niya. Sinagot nito ang aming mga dalangin. Kaya, sa halip na manatili sa isang ward na mahal namin, na komportable kami, at na may magandang nursery at Primary, sineryoso namin ang payo ni Elder Ellis at ipinagdasal namin kung saan kami dapat lumipat.
Noong panahong iyon, naglilingkod kami bilang mga ordinance worker sa Manhattan New York Temple. Kabisado ng isa sa mga worker doon ang New York City. Nagmungkahi siya ng dalawang ward na inakala niyang matutulungan namin—parehong sa Brooklyn.
Napakalayo ng unang ward sa trabaho ni Wil. Mas malapit ang pangalawa, at nadama namin na nakita na namin ang tamang lugar nang bumisita kami sa sacrament meeting ng ward. Marami sa mga miyembro ay mga imigranteng Haitian. Dahil si Wil ay taga-Gabon at nagsasalita ng French, ipinalagay naming mabuti para sa amin ang manatili sa ward na iyon.
Mga Pambihirang Karanasan
Pagkaraan ng ilang linggo ay nakakita kami ng apartment at lumipat kami. Di-nagtagal ay tinawag si Wil na maglingkod sa iba’t ibang makabuluhang mga paraan. Medyo natagalan ang pag-unawa niya sa wika, ngunit nadama niya na pinalad siyang magkaroon ng sapat na kahusayan sa Haitian Creole para makapag-interpret para sa mga miyembro sa mga pulong at interbyu. Pinalad din si Laura na maglingkod sa iba’t ibang paraan, at nakibahagi kami sa gawaing misyonero.
Isa sa mga naging kaibigan namin ang binatang investigator na si Normil Romelus, na nagpunta mula sa Haiti para mag-aral. Bumibisita siya sa bahay namin na kasama ng mga missionary, at tinutulungan namin siya sa French at Creole. Nang mabinyagan na si Normil, sinuportahan namin siya sa Pathway program ng Simbahan, kung saan niya nakilala ang kanyang mapapangasawa. Nagpasalamat si Wil na makadalo sa kasal nila sa Manhattan Temple.
Nakilala rin namin ang isang tapat na sister na nagpunta sa New York mula sa Haiti para ipagamot ang kanyang kanser. Habang naroon siya, ginawa ng ward council ang lahat ng magagawa nila para tulungan siya at tiyaking mayroon siya ng mga kailangan niya, pati na ng transportasyon papunta at pauwi mula sa kanyang mga pagpapagamot. Pinalad kaming mapaglingkuran at mabisita siya sa panahong ito. Inasam naming gumaling siya, ngunit namatay siya.
Ang dalawang karanasang ito ay ipinapakita ang ginawa ng ward para sa mga tao—ang matulungan at mapasigla sila. Nagpapasalamat kami para dito at sa iba pang mga pambihirang karanasan.
Ang Tunay na Mahalaga
Nalaman namin na kapag naglilingkod tayo sa Panginoon at sa Kanyang mga anak, inaalagaan Niya tayo. Nakatulong ang aming mga karanasan sa Brooklyn para manatiling tama ang aming pananaw. Tinulungan nila lalo na si Wil na huwag gaanong pahalagahan ang karangyaan ng pagtatrabaho sa Wall Street at tandaan kung ano ang pinakamahalaga. Sa investment banking, halos lahat ng tao ay nagtatrabaho tuwing Linggo. Kinailangan ni Wil na tapusin ang kanyang trabaho mula sa bahay paminsan-minsan, ngunit pinagpala kami ng Panginoon para hindi na niya kailanganing pumasok sa opisina tuwing Linggo.
Nang lumipat kami sa Brooklyn, akala namin magiging isa kami sa dalawang pamilya lamang na may maliliit na anak sa ward. Ngunit nagbago ang mga hangganan ng ward dalawang linggo matapos kaming lumipat, at lumipat din ang ilang iba pang mga pamilyang may maliliit na anak.
Sa huli, nilayon naming lumipat sa Gabon. Nadarama namin na naihanda kami ng aming mga karanasan sa Brooklyn na mas makapaglingkod sa Simbahan at sa mga tao sa Africa. Nagpapasalamat kami na sinunod namin ang pahiwatig na lumipat. Pinagpala kami ng Panginoon—at patuloy kaming pinagpapala—sa mga paraang hindi namin sukat-akalain.