Mula sa Misyon
Karagdagang Tulong
Ang awtor ay naninirahan sa Iowa, USA.
Sa misyon mo, maaari kang makakilala ng mga investigator na nangangailangan ng isang tao sa kanilang tabi, na handang sumisid sa proseso na kasama nila.
Sumisid ako ayon sa sarili kong bilis. Limang talampakan (1.5 m) … Nadama ko na itinutulak ako ng isang alon. Ngayo’y sampung talampakan. Biglang dumilim. Nadama kong nanikip ang aking paghinga. Ang malamig at malabong karagatang ito ay hindi katulad ng pool na pinagsanayan namin. Takot at may claustrophobia, mabilis akong pumaibabaw sa tubig.
“Ano’ng nangyari?” tanong sa akin ng assistant ng instructor. Napuno ng luha ang loob ng mask ko. Nasa kalagitnaan ako ng aking scuba-diving certification exam, nagsasagawa ng 30-talampakan (9 m) pagsisid, isa sa kailangang mga kasanayan para makapasa sa exam. Nakita ng assistant ang takot ko at tiniyak sa akin na magiging OK ako. Pinalalakas niya ang loob ko, pero hindi siya namimilit. Sa isang pagkakataon sinabi niya sa akin, “Hindi mo kailangang gawin ito.” Noon ko natanto na nais kong gawin iyon.
Natanto ko na kahit na mahirap ito para sa akin, nais kong maisagawa ito; nais kong makuha ang certification ko. Kaya nilabanan ko ang takot ko at kinumpleto ko ang natitirang mga kasanayan kasabay ang mga kaklase ko para makapasa sa exam. Mahirap, pero nagawa ko ito nang may magpalakas ng loob ko.
Pagkaraan ng ilang buwan noong naglilingkod ako bilang missionary sa Peru, naalala ko ang mahirap na karanasan ko sa scuba-diving nang anyayahan ko ang mga tao na palakasin ang pananampalataya nila at baguhin ang kanilang buhay. Ang isang pamilyang gustung-gusto naming puntahan ng kompanyon ko ay ang mga Rumay. Madalas kaming salubungin nina Carina at Enrique at ng dalawa nilang anak na babaeng tinedyer, sina Karen at Nicole, at nabihag nila kaagad ang aming puso. Hindi nagtagal ay tinangap nina Carina, Karen, at Nicole ang ebanghelyo at sumapi sa simbahan.
Gayunman, kinailangan ni Enrique ng kaunting karagdagang tulong. Naiiba ang mensahe namin mula sa kanyang kinalakhan, kaya natagalan bago namin nakuha ang kanyang tiwala. Iba’t iba ang mga alalahanin ni Enrique. Ang pangunahing aspeto ng ebanghelyo na bumagabag sa kanya ay ang Aklat ni Mormon. Hindi pa niya kailanman narinig ang tungkol sa aklat na ito at nahirapan siyang basahin at unawain ito. Dahil hindi pamilyar sa kanya, hindi makatiyak si Enrique.
Sa pagkakataong iyon, katulad ako ni Enrique nang pumaibabaw ako sa tubig: parang madaling nakasisid ang iba pa, samantalang nanginginig ako sa takot. Katulad ko rin, ang kinailangan lang ni Enrique para magtagumpay ay kaunting karagdagang tulong.
Ang tulong na ito ay dumating sa kanya sa iba’t ibang anyo. May mga missionary siya para tulungan siyang masagot ang kanyang mga alalahanin at madama niya ang Espiritu. May mga miyembro din ng ward na kumaibigan at nagturo sa kanya tungkol sa kanyang tungkulin bilang ama. Gayunman, ang pinakamalaking tulong sa lahat ay ang sariling pamilya ni Enrique.
Bago pa man sila nabinyagan, kinagawian ng mga Rumay na magdaos ng panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya. Binigyan nila si Enrique ng mga banal na kasulatan na mas malalaki ang titik at isang audio version para mas madali niyang mapag-aralan ang Aklat ni Mormon. Nakatulong nang malaki ang mga simpleng pagsisikap na ito kay Enrique. Hindi siya kailanman pinilit ninuman; sinuportahan lang nila siya. Sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, sinabi nila sa kanya, “Alam naming magagawa mo ito.”
Dahil sa tulong na ito natuklasan mismo ni Enrique ang kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Isang araw ibinalita niya na napakinggan na niya ang buong aklat at na alam niya na ito ang salita ng Diyos. Mga apat na buwan pagkatapos ng binyag ng kanyang asawa at mga anak, ginawa rin iyon ni Enrique at nabinyagan din siya.
Sinabi ni Enrique na nagpapasalamat siya para sa tulong at pagtitiyaga sa kanya na nagtulot sa kanya na maabot ang kinalalagyan niya ngayon. Bilang missionary, mapalad akong masaksihan ang halimbawa ng pagmamahal ng pamilyang ito nang tulungan nila ang kanilang asawa’t ama na madaig ang kanyang mga pagdududa. Nagpasalamat din akong magkaroon ng mahirap na karanasan sa scuba-diving na nagtulot sa akin na madama sa maliit na paraan ang nadama ni Enrique at ang maaaring madama ng iba pang mga investigator sa proseso ng pagbabalik-loob.
Kapag inanyayahan mong magsisi at magbago ang mga tao sa misyon mo, tandaan na kung minsa’y kailangan lang ng mga tao ng kaunting karagdagang pagpapalakas ng loob para magtagumpay. Maaaring kailanganin nila ng isang taong pinagkakatiwalaan at may karanasan sa kanilang tabi na nagsasabing, “Magiging OK ang lahat. Alam kong magagawa mo iyan. Bilib ako talaga sa iyo.” Maaaring umaasa sila na magiging kayo ang taong iyon na handang sumisid sa proseso na kasama nila, tulungan silang magkaroon ng mga bagong gawi at kasanayan, at tulungan silang makuha ang kanilang certification, na sa huli ay ang pagsang-ayon ng Panginoon.