2018
Ang Nakakabalanseng Epekto ng Pagtitiis
Hunyo 2018


Ang Nakakabalanseng Epekto ng Pagtitiis

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “These Are Your Days,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Hunyo 9, 2015. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Pinatototohanan ko na maaari tayong maging “masaya hanggang wakas” kapag sinunod natin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, pinili ang mabuti kaysa masama, at binalanse ang ating mga responsibilidad.

balancing act

Kinausap ko kamakailan ang aking mga anak, pamangkin, at isang bata pang kaibigan para maunawaan ang mga tanong, hamon, kabiguan, at tagumpay na kinakaharap ng mga young adult ngayon. Pinagnilayan at ipinagdasal ko ang ibinahagi sa akin at ibinuod ko na ito sa mga puntong ibinabahagi ko ngayon sa pag-asang masagot ng mga ito ang ilan sa mga tanong at hamon na iyon.

Makinig sa Espiritu Santo

Taliwas sa nadarama ng ilan sa inyo paminsan-minsan, ipinapahayag ko na sinasagot nga ng ating Ama sa Langit ang ating mga dalangin sa Kanyang paraan. Isipin ang sumusunod na mga talata:

“Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan” (3 Nephi 14:78).

“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5).

“Masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (D at T 8:2).

Kung gayo’y paano tayo tatanggap ng mga sagot at paghahayag? Paano natin malalaman na iyon ang Espiritu Santo at hindi lang ang sarili nating iniisip? Magbabahagi ako ng dalawang karanasan sa buhay ko na naging mga huwaran.

Matapos kaming magdeyt ni Sister Teh sa loob ng maikling panahon, halatang-halata na gusto ko siyang makasama sa kawalang-hanggan. Natural, palaging iyon ang taimtim kong ipinagdasal at ipinag-ayuno. Walang sumunod na pagbabago sa damdamin ko. Wala akong nadamang pag-aalab sa puso ko. Gayunman, palaging maganda ang pakiramdam ko sa desisyon ko, kaya nagtiyaga ako. Iyon din ang sagot kay Sister Teh, kaya heto na kami. Mula nang maranasan ko iyon, marami akong napagdesisyunan sa gayon ding paraan (tingnan sa D at T 6:22–23).

Ihambing ninyo iyan sa mga karanasan ko ngayon tungkol sa partikular na mga tungkulin mula sa Korum ng Labindalawang Apostol na tumawag ng bagong stake president. Sa pagganap ko sa tungkuling ito nang may panalangin at pag-aayuno, biniyayaan ako ng malilinaw na impresyon na tumutulong sa akin na malaman kung sino ang dapat tawagin. Kung minsa’y dumarating ang mga pahiwatig bago, habang idinaraos, o matapos ang interbyu. Palagi akong nakadarama ng pag-aalab sa puso ko. Simula noo’y naunawaan ko na iyon ang paraan ng Espiritu Santo sa paggabay sa akin sa gayong mga tungkulin.

Bakit kaiba ang paraan ng pakikipag-ugnayan sa akin ng Espiritu Santo? Hindi ko alam. Ang mahalaga ay natutuhan kong kilalanin ang mga huwarang ito bilang mga paraan ng pagtanggap ko ng personal na paghahayag. Napapanatag at nagtitiwala ako sa sumusunod na payo: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10).

Piliin ang Mabuti kaysa Masama

Iniisip ng ilang tao na nagiging mas mahirap tukuyin ang tama sa mali. Mukhang mas lumalabo ang mga bagay-bagay. Marami sa mga mali ngunit popular na opinyon ng panahon ang mukhang may katuturan sa mga taong makitid ang pananaw. Ngunit ang lumang basurang ibinalot sa bagong pakete at sinuportahan ng malikhaing pag-aanunsyo ay basura pa rin.

Ang pagkilala sa tama at mali ay hindi kailangang maging kumplikado. Bago pa natin matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, biniyayaan tayo ng liwanag ni Cristo:

“Sapagkat masdan, ang Espiritu ni Cristo ay ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama; samakatwid, ipakikita ko sa inyo ang paraan sa paghatol; sapagkat ang bawat bagay na nag-aanyayang gumawa ng mabuti, at humihikayat na maniwala kay Cristo, ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos.

“Ngunit anumang bagay na humihikayat sa tao na gumawa ng masama, at huwag maniwala kay Cristo, at itinatatwa siya, at huwag maglingkod sa Diyos, kung magkagayon, malalaman ninyo nang may ganap na kaalaman na iyon ay sa diyablo; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang diyablo, sapagkat hindi niya hinihikayat ang sinumang tao na gumawa ng mabuti, wala, kahit isa; ni ang kanyang mga anghel; ni sila na nagpapasakop ng kanilang sarili sa kanya” (Moroni 7:16–17).

Ang isa sa pinakamalalaking pagsubok ng ating panahon ay ang pagsang-ayon sa buhay na propeta. Sasabihin ng karamihan sa atin, “Ah, madali iyan. Nagawa ko na. Tapos na.”

Ngunit kamangha-manghang makita kung paano ang reaksyon ng ilang tao sa ilan sa mga popular na opinyon ng panahon samantalang dapat sana ay sumasang-ayon sila sa buhay na propeta. Kapag naharap sa pamimilit ng barkada, ang ilan sa atin ay kumikilos na para bang o bumubuo ng mga opinyon na nagpapahiwatig na hindi natin alam na may buhay na propeta.

Hanapin ang Tamang Balanse

Marami ba kayong ginagawa kaya kayo nalilito sa lahat ng ipinagagawa sa inyo? Alam ba ninyo? Lalala lang iyan. Kaya ang tanong ay: Paano ninyo mahahanap ang tamang balanse?

Itatag bilang tanglaw ninyo ang kawalang-hanggan ng ating espiritu at ng inyong pagkatao bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos. Ituon ang inyong lakas sa katotohanang iyon at sa kahulugan niyon. Lahat ng iba pa ay maglalaho sa inyong buhay o mapupunta sa tamang lugar nito.1 Dalawang talata sa banal na kasulatan ang maaaring magsilbing gabay na mga alituntunin:

“Ngunit hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang kabutihan; at ang lahat ng bagay na ito ay idaragdag sa inyo” (3 Nephi 13:33).

“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:

“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso” (Mateo 6:20–21).

Maniwala man kayo o hindi, naranasan ko na ang inyong sitwasyon. May punto noon sa buhay ko na mayroon akong full-time na trabaho, nag-aaral ako sa gabi, at may pangalawa pa akong part-time na trabaho pagkatapos ng klase hanggang madaling-araw—habang pinalalaki namin ni Sister Teh ang mga anak namin. Dalawang oras lang ang tulog ko ilang araw sa isang linggo sa loob ng dalawang buwan. Bukod pa riyan, naglilingkod ako noon sa ward bishopric.

feeding a baby

Isa iyon sa mga pinaka-produktibong pagkakataon sa buhay ko. Palagay ko hindi ko nagamit kailanman ang 24-oras sa isang araw nang mahusay na tulad ng ginawa ko noong panahong iyon.

Ipinaalala sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na may responsibilidad tayo sa ating pamilya, sa ating pinagtatrabahuhan, sa Panginoon, at sa ating sarili.

Paano natin babalansehin ang mga responsibilidad na iyon? Sabi ni Pangulong Hinckley: “Palagay ko hindi mahirap iyan. Naglingkod ako sa maraming katungkulan sa Simbahang ito. Lima ang anak ko, na mga bata pa at lumalaki habang naglilingkod ako sa iba’t ibang paraan. … Masaya ang buhay namin. Mayroon kaming mga family home evening. Ginawa lang namin ang inaasahan sa amin ng Simbahan.”2

Maging Masaya Hanggang Wakas

Ang pagtitiis hanggang wakas ay hindi tungkol sa pagkumpleto ng isang checklist ng ebanghelyo at pagkatapos ay sasabihing: “Mahusay ako. Ang kailangan ko lang gawin ngayon ay mabuhay nang walang kahirap-hirap at manatiling gayon.” Sa halip, tungkol ito sa patuloy na pagkatuto at pag-unlad. Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tungkol sa patuloy na pagsisisi at pagbabago—ito ay isang mahirap na pag-akyat sa halip na isang pamamasyal sa parke.

Sabi ni Haring Benjamin, “Tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas” (Mosias 4:27).

Tinanggap ng ilang miyembro ang talatang ito bilang isang pagbibigay-katarungan sa pagtanggi nilang higit na magsikap o gawin ang lahat ng kanilang makakaya. Ang problema ay nakatuon lamang sila sa unang kalahati ng talata.

Narito ang pangalawang kalahati: “Kinakailangang siya ay maging masigasig, nang sa gayon siya ay magkamit ng gantimpala, anupa’t ang lahat ng bagay ay dapat na gawin nang maayos.” Nililinaw ng dalawang kalahating magkasama ang tunay na kahulugan ng gawin ang mga bagay sa karunungan at kaayusan.

trophy

Sinabi sa akin ng isang kaibigan kong kabataang atleta na ang pangyayaring ito ay tinatawag na ikalawang bugso ng hangin, na isang damdamin ng panibagong lakas na nagbibigay sa inyo ng lakas na magpatuloy kahit pagod na kayo.

Tungkol sa pagkakaroon ng pangalawang bugso ng hangin sa iba pang mga aspeto ng kanyang buhay, sabi ng kaibigan ko: “Bilang estudyante sa kolehiyo, talagang madaling umuwi nang gabi na at gawing dahilan ang masyado na kayong pagod para manalangin o magbasa ng mga banal na kasulatan o kahit regular na bumisita sa templo. Maaaring magkaroon ng maraming dahilan para hindi gawin ang mga bagay na ito, lalo na sa mga estudyante sa kolehiyo. Ngunit sa huli, kailangan nating hanapin ang ating ikalawang bugso ng hangin at gawin ang maliliit na bagay na iyon.”

Baka sa halip na magtiis hanggang wakas, matatagpuan natin ang ating ikalawang bugso ng hangin—ang ating espirituwal na hangin—at maging masaya hanggang wakas. Pinatototohanan ko na magagawa natin ito kapag sinunod natin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo, pinili ang mabuti kaysa sa masama, at binalanse ang ating mga responsibilidad.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Ezra Taft Benson, “The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4.

  2. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 33.