Maging Mapagbantay
Ito ang kabanata 4 ng bagong apat-na-tomong salaysay ng kasaysayan ng Simbahan na pinamagatang Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw. Ang aklat na ito ay ililimbag sa 14 na wika, sa bahaging Church History ng Gospel Library app, at sa mgabanal.lds.org. Ang susunod na ilang kabanata ay ilalathala sa mga susunod na isyu hanggang sa mai-release ang tomo 1 bago matapos ang taong ito. Ang mga kabanatang iyon ay mababasa sa 47 wika sa Gospel Library app at sa mgabanal.lds.org.
Unang narinig ng dalawampu’t isang taong gulang na si Emma Hale ang tungkol kay Joseph Smith nang nagtrabaho ito para kay Josiah Stowell noong taglagas ng 1825. Inupahan ni Josiah ang binatang ito at ang ama niya upang tulungan siyang hanapin ang nakabaong kayamanan sa kanyang ari-arian.1 Ayon sa mga usap-usapan sa bayan, may isang pangkat ng mga explorer na nakapagmina ng deposito ng pilak at itinago sa lugar na iyon ang kayamanan ilang daang taon na ang nakararaan. Dahil alam niyang pinagkalooban si Joseph ng kakayahang gumamit ng bato ng tagakita, inalok ni Josiah si Joseph ng mataas na sahod at porsyento sa matatagpuang yaman kung tutulong ito sa paghahanap.2
Sinuportahan ng ama ni Emma, si Isaac, ang pakikipagsapalarang iyon. Nang dumating si Joseph at ang kanyang ama sa sakahan ng Stowell sa Harmony, Pennsylvania—isang nayon na 150 milya sa timog ng Palmyra—nagsilbing saksi si Isaac nang magpirmahan sila ng kontrata. Pinahintulutan din niyang manirahan sa kanyang tahanan ang mga manggagawa.3
Nakilala ni Emma si Joseph pagkatapos. Mas bata si Joseph kay Emma, mahigit anim na talampakan ang taas, at mistulang isang taong sanay sa mahirap na trabaho. Mayroon siyang asul na mga mata at maputi ang balat, at lumalakad siya na may bahagyang pag-ika. Hindi maayos ang pananalita niya, at kung minsa’y gumagamit siya ng masyadong maraming salita upang ipahayag ang kanyang sarili, ngunit maaaninaw sa kanya ang isang likas na katalinuhan kapag nagsasalita siya. Siya at ang kanyang ama ay mabubuting tao na mas nais sumamba nang sila lamang sa halip na magsimba kung saan sumasamba si Emma at ang kanyang pamilya.4
Kapwa gusto nina Joseph at Emma ang mga gawain sa labas ng bahay. Mula pagkabata, nasisiyahan si Emma na sumakay sa kabayo at mamangka sa ilog malapit sa kanyang tahanan. Si Joseph ay hindi isang bihasang mangangabayo, ngunit siya ay magaling sa pakikipagbuno at mga larong gamit ang bola. Siya ay kumportable sa pakikisalamuha sa iba, at palangiti, madalas magbiro o magkuwento ng nakakatawa. Si Emma ay mas mahiyain, pero mahilig magbiro at nagagawang makipag-usap kahit kanino. Hilig din niyang magbasa at kumanta.5
Nang lumipas ang mga linggo at unti-unting mas nakilala ni Emma si Joseph, nag-alala ang mga magulang niya sa pagiging malapit nila sa isa’t isa. Si Joseph ay isang maralitang manggagawa mula sa ibang estado, at inaasahan nila ang kanilang anak na babae ay mawalan ng interes sa kanya at magpakasal sa isa sa maunlad na pamilya na tagaroon sa kanilang lambak. Ang ama ni Emma ay naging mapagduda rin sa paghahanap ng kayamanan at naghihinala sa tungkulin ni Joseph dito. Tila hindi mahalaga kay Isaac Hale na sinubukan ni Joseph na kumbinsihin si Josiah Stowell na ihinto ang paghahanap nang naging malinaw na walang kahihinatnan ito.6
Gusto ni Emma si Joseph higit sa sinumang lalaki na nakilala niya, at siya ay hindi tumigil sa pagbibigay ng panahon sa kanya. Matapos siyang magtagumpay na kumbinsihin si Josiah na huminto sa paghahanap ng pilak, nanatili si Joseph na nagtatrabaho sa sakahan ni Josiah. Kung minsan, nagtatrabaho rin si Joseph kina Joseph at Polly Knight, isa pang pamilyang may sakahan sa lugar. Kapag siya ay wala sa trabaho, binibisita niya si Emma.7
Si Joseph at ang kanyang batong tagakita ay naging usap-usapan sa Harmony. Ilan sa mga nakatatanda sa bayan ay naniniwala sa mga tagakita, ngunit marami sa kanilang mga anak at apo ang hindi. Ang pamangkin ni Josiah, na nagsasabing pinagsamantalahan nito ang kanyang tiyuhin, ay dinala ang binata sa hukuman at pinaratangan siya ng panloloko.
Sa kanyang pagharap sa pambayang hukom, inilahad ni Joseph kung paano niya natagpuan ang bato. Nagbigay-saksi si Joseph Sr. na palagi niyang itinatanong sa Diyos na ipakita sa kanya ang Kanyang kalooban para sa kagila-gilalas na kapangyarihan ni Joseph bilang isang tagakita. Sa wakas, humarap si Josiah sa korte at sinabing hindi siya niloko ni Joseph.
“Tama ba ang pagkakaintindi ko,” sabi ng hukom, “na sa palagay mo ang bilanggo ay maaaring makakita sa tulong ng isang bato?”
Hindi lang iyan, giit ni Josiah. “Talagang alam kong totoo ito.”
Si Josiah ay isang iginagalang na tao sa komunidad, at tinanggap ng mga tao ang kanyang sinabi. Sa huli, ang paglilitis ay walang nailabas na ebidensya na niloko siya ni Joseph, kung kaya’t ipinawalang-saysay ng hukom ang kaso.8
Noong Setyembre 1826, bumalik si Joseph sa burol para sa mga lamina, subalit sinabi ni Moroni na hindi pa siya handa para sa mga ito. “Humiwalay ka mula sa mga naghahanap ng kayamanan,” sabi sa kanya ng anghel. May masasamang tao sa kanila.9 Binigyan siya ni Moroni ng isa pang taon upang iayon ang kanyang kalooban sa Diyos. Kung hindi niya ito gagawin, ang mga lamina ay hindi na ipagkakatiwala sa kanya.
Sinabi rin sa kanya ng anghel na magsama siya ng isang tao sa susunod. Ito rin ang iniutos niya noong huling pagpunta ni Joseph sa burol. Subalit dahil pumanaw na si Alvin, nagulumihanan si Joseph.
“Sino ang taong dapat kong isama?” tanong niya.
“Malalaman mo,” wika ni Moroni.
Humingi si Joseph ng patnubay sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang bato ng tagakita. Ang tamang tao, nalaman niya, ay si Emma.10
Si Joseph ay naakit kay Emma mula nang nakilala niya ito. Tulad ni Alvin, siya ang makatutulong sa kanya na maging uri ng tao na kailangan ng Panginoon upang maisagawa ang Kanyang gawain. Subalit higit pa roon si Emma. Iniibig niya ito at nais niya itong pakasalan.11
Noong Disyembre, sumapit ang pagtuntong ni Joseph sa kanyang ika-dalawampu‘t isang taon. Noon, hinayaan niyang maimpluwensyahan siya sa iba-ibang paraan ng mga inaasahan ng mga taong nais samantalahin ang kanyang kaloob.12 Subalit matapos ang kanyang huling pagpunta sa burol, batid niyang higit pa ang kailangan niyang gawin upang maihanda ang sarili sa pagtanggap ng mga lamina.
Bago bumalik sa Harmony, nakipag-usap si Joseph sa kanyang mga magulang. “Nakapagpasiya na po ako na mag-aasawa na,” sinabi niya sa kanila, “at, kung walang kayong pagtutol, si Binibining Emma Hale ang pinili ko.” Nasiyahan ang kanyang mga magulang sa kanyang desisyon, at hinimok siya ni Lucy na pumisan sa kanila matapos silang ikasal.13
Noong taglamig na iyon ay dinalasan ni Joseph ang pagdalaw kay Emma, kung minsan ay humihiram sa mga Knight ng paragos o sleigh kapag nahihirapang magpunta sa bahay ng mga Hale dahil sa niyebe. Subalit hindi pa rin siya gusto ng mga magulang ni Emma, at walang nangyari sa lahat ng pagsisikap na ginawa niya para gumaan ang loob sa kanya ng pamilya.14
Noong Enero 1827, binisita ni Emma ang tahanan ng mga Stowell, kung saan maaari silang magkasama ni Joseph nang wala ang masasamang tingin ng kanyang pamilya. Doon hiningi ni Joseph ang kamay ni Emma upang pakasalan ito, at noong una, tila nagulat si Emma. Alam niyang tututol ang mga magulang niya sa kasal.15 Subalit hinimok siya ni Joseph na pag-isipan ito. Maaari silang agad na magtanan.
Pinag-isipan ni Emma ang panukala. Ikalulungkot ng kanyang mga magulang ang pagpapakasal niya kay Joseph, ngunit ito ay kanyang desisyon, at mahal niya ito.16
Hindi nagtagal, noong Enero 18, 1827, ikinasal sila sa tahanan ng hukom sa bayan. Pagkatapos ay tumungo sila sa Manchester at nagsimula ng kanilang buhay bilang mag-asawa sa bagong tahanan ng mga magulang ni Joseph. Komportable ang bahay, ngunit sina Joseph Sr. at Lucy ay napasobra sa paggastos para dito, nahuli sa kanilang pagbabayad, at nailit ang ari-arian. Ngayon ay inuupahan nila ito sa mga bagong may-ari.17
Masaya ang mga Smith na kasama nila sa bahay sina Joseph at Emma. Subalit nag-aalala sila sa banal na tungkulin ng kanilang anak. Nabalitaan ng mga tao sa lugar ang tungkol sa mga laminang ginto at kung minsan ay hinahanap ang mga ito.18
Isang araw, may sinadya si Joseph sa bayan. Inaasahang makauuwi siya para sa oras ng hapunan, nag-alala ang kanyang mga magulang nang hindi siya nakabalik. Ilang oras silang naghintay at hindi makatulog. Sa wakas ay binuksan ni Joseph ang pintuan at sumalampak sa upuan na pagod na pagod.
“Bakit ka ginabi?” tanong ng kanyang ama.
“Sa buong buhay ko ngayon lang po ako nakastigo nang husto,” sabi ni Joseph.
“Sino ang kumastigo sa iyo?” tanong ng kanyang ama.
“Ang anghel ng Panginoon,” sagot ni Joseph. “Sabi niya ay naging pabaya ako.” Ang araw ng susunod na pagkikita nila ni Moroni ay papalapit na. “Kailangan ko nang maghanda at kumilos,” sabi niya. “Kailangan ko nang simulan ang mga bagay na ipinagagawa sa akin ng Diyos.”19
Matapos ang pag-aani sa panahon ng taglagas, naglakbay sina Josiah Stowell at Joseph Knight patungo sa Manchester para sa isang layunin. Kapwa nila alam na ang ika-apat na taon ng pagpunta ni Joseph sa burol ay nalalapit na, at sabik silang malaman kung ipinagkatiwala na ni Moroni sa kanya ang mga lamina.
Alam din ng mga tagaroon na naghahanap ng kayamanan na panahon na upang kunin ni Joseph ang talaan. Kamakailan lamang ay isa sa kanila, isang lalaking nagngangalang Samuel Lawrence, ang pagala-gala sa burol na hinahanap ang mga lamina. Dahil nag-aalala na magdudulot ng problema si Samuel, pinapunta ni Joseph ang kanyang ama sa tahanan ni Samuel noong gabi ng Setyembre 21 upang bantayan ito at komprontahin kung tatangkain nitong pumunta sa burol.20
Inihanda na ni Joseph ang kanyang sarili upang kunin ang mga lamina. Ang kanyang taunang pagpunta sa burol ay magaganap kinabukasan, subalit upang malito ang mga naghahanap ng kayamanan, binalak niyang magtungo sa burol nang madaling-araw—habang nagsisimula pa lamang ang umaga ng Setyembre 22—sa oras na walang mag-aakalang pupunta siya roon.
Ngunit kailangan pa rin niyang makahanap ng paraan upang maprotektahan ang mga lamina kapag nakuha na niya ang mga ito. Nang makatulog na ang halos lahat ng kanyang kapamilya, tahimik siyang nagtanong sa kanyang ina kung mayroon itong lockbox. Wala nito si Lucy at nag-alala ito.
“Hayaan na ninyo,” sabi ni Joseph. “Kakayanin ko naman kahit wala iyon.”21
Maya-maya pa ay dumating na si Emma, nakasuot ng damit-pangabayo, at sila ni Joseph ay sumakay sa karwahe ni Joseph Knight at naglakbay nang gabing iyon.22 Nang dumating sila sa burol, naghintay sa karwahe si Emma habang inaakyat ni Joseph ang lugar na pinagtaguan ng mga lamina.
Nagpakita si Moroni, at kinuha ni Joseph ang mga gintong lamina at mga bato ng tagakita o seer stone mula sa kahong bato. Bago bumaba sa burol si Joseph, ipinaalala sa kanya ni Moroni na huwag ipakita ang mga lamina kaninuman maliban sa mga hinirang ng Panginoon, nangangako sa kanya na ang mga lamina ay mapoprotektahan kung gagawin niya ang lahat sa abot ng kanyang makakaya na pangalagaan ang mga ito.
“Dapat kang maging mapagbantay at tapat sa ipinagkatiwala sa iyo,” sabi sa kanya ni Moroni, “kung hindi ay magagapi ka ng masasamang tao, sapagkat sila ay bubuo ng mga plano at pakana upang magawa nilang maagaw ang mga ito mula sa iyo. At kung hindi ka patuloy na makikinig, magtatagumpay sila.”23
Dinala ni Joseph ang mga lamina pababa sa burol, ngunit bago siya bumalik sa karwahe, itinago niya ang mga lamina sa isang troso na may guwang o malaking butas kung saan mananatiling ligtas ang mga ito hanggang sa makahanap siya ng lockbox. Pagkatapos ay pinuntahan na niya si Emma, at umuwi na sila habang papasikat na ang araw.24
Sa tahanan naman ng mga Smith, nag-aalalang hinihintay ni Lucy sina Joseph at Emma habang ipinaghahain niya ng almusal sina Joseph Sr., Joseph Knight, at Josiah Stowell. Nagsimulang bumilis ang pintig ng kanyang puso habang siya ay nagtatrabaho, kinakabahan na babalik si Joseph na hindi dala ang mga lamina.25
Makalipas ang ilang saglit, pumasok sa bahay sina Joseph at Emma. Tiningnan ni Lucy kung dala ni Joseph ang mga lamina, ngunit nanginginig na lumabas ng kuwarto nang makita niyang walang dala ito.
Sinundan siya ni Joseph. “Inay,” sabi niya, “huwag po kayong mag-alala.” May iniabot siyang bagay na nakabalot ng panyo. Sa tela, nakapa ni Lucy ang tila isang malaking pares ng salamin sa mata. Ito ang Urim at Tummim, ang mga bato ng tagakita na inihanda ng Panginoon upang maisalin ang mga lamina.26
Masayang-masaya si Lucy. Si Joseph naman ay tila nabawasan ng mabigat na pasanin sa kanyang mga balikat. Subalit nang puntahan na niya ang iba sa loob ng bahay, nagkunwari siyang malungkot at kinain nang tahimik ang kanyang almusal. Matapos niyang kumain, malungkot niyang sinapo ang kanyang ulo. “Nabigo ako,” sabi niya kay Joseph Knight.
“Ah,” wika ng matandang lalaki, “Ikinalulungkot ko.”
“Talagang napakalungkot ko,” sabi ni Joseph, na ang ekspresyon ay naging isang ngiti. “Sampung beses itong nakahihigit kaysa sa aking inaasahan!” Nagpatuloy siyang ilarawan ang laki at bigat ng mga lamina at tuwang-tuwang ikinuwento ang tungkol sa Urim at Tummim.
“Kahit ano ay nakikita ko,” wika niya. “Nakamamangha ang mga ito.”27
Isang araw matapos niyang matanggap ang mga lamina, nagtungo si Joseph sa kalapit na bayan para kumpunihin ang isang balon upang makaipon ng pera para sa isang lockbox. Nang umaga ring iyon, habang may inaasikaso sa lugar na isang burol lang ang layo mula sa tahanan ng mga Smith, narinig ni Joseph Sr. ang isang pangkat ng mga lalaki na nagbabalak nakawin ang mga gintong lamina. “Makukuha natin ang mga lamina,” sabi ng isa sa kanila, “kahit humadlang si Joe Smith o lahat ng demonyo sa impiyerno.”
Nababahalang umuwi si Joseph Sr. at sinabi ito kay Emma. Sinabi niya na hindi niya alam kung nasaan ang mga lamina, ngunit nakatitiyak siyang protektado ni Joseph ang mga ito.
“Oo, tama ka,” sabi ni Joseph Sr., “ngunit tandaan mo na dahil lang sa maliit na bagay ay nawala kay Esau ang kanyang basbas at karapatan. Maaaring mangyari ito kay Joseph.”28
Upang masiguro na protektado ang mga lamina, sumakay si Emma sa kabayo at naglakbay nang higit sa isang oras patungo sa bukirin kung saan nagtatrabaho si Joseph. Natagpuan niya ito sa balon, madumi at pawis na pawis mula sa buong araw na pagtatrabaho. Nang marinig ang panganib, tumingin si Joseph sa Urim at Tummim at nakita niyang ligtas ang mga lamina.
Sa kanilang tahanan, pabalik-balik na naglalakad si Joseph Sr. sa labas ng kanilang bahay, tumitingin kada minuto sa daan hanggang sa makita niya sina Joseph at Emma.
“Itay,” sabi ni Joseph sa pagbaba nila mula sa kabayo, “ligtas ang lahat—walang dahilan upang mangamba.”29
Subalit oras na upang kumilos.
Nagmamadaling nagtungo sa burol, hinanap ni Joseph ang troso kung saan nakatago ang mga lamina at maingat na binalot ang mga ito sa isang kamiseta.30 Payuko siyang nagpunta sa kakahuyan at tinahak ang daan pauwi, alerto ang mga mata sa anumang panganib. Ikinubli siya ng kagubatan mula sa mga tao sa pangunahing kalsada, subalit binigyan nito ang mga magnanakaw ng maraming lugar na mapagtataguan.
Nahihirapan sa pagdadala ng mabibigat na talaan, naglakad nang mabilis sa gitna ng kakahuyan si Joseph sa abot ng kanyang makakaya. Isang natumbang puno ang nakaharang sa kanyang daraanan, at sa pagtalon niya sa ibabaw nito, naramdaman niyang may matigas na bagay na tumama sa kanya mula sa likod. Pagpihit niya, nakita niya ang isang lalaking papalapit sa kanya, hawak ang baril at ipanghahampas sa kanya.
Mahigpit na hawak ang mga lamina na nakaipit sa isang braso, sinuntok ni Joseph ang lalaki na napahandusay sa lupa at nagmadali siyang tumakbo sa mas masukal na bahagi ng kakahuyan. Halos kalahating milya na siyang nakatakbo nang may isa pang lalaki ang biglang sumulpot mula sa likod ng isang puno at hinampas siya gamit ang hawakan ng baril nito. Nilabanan ni Joseph ang lalaki at mabilis na tumakbo, desperadong makalabas sa kakahuyan. Ngunit bago pa man siya makalayo ay may pangatlong lalaking sumalakay, sinuntok siya nito nang malakas kaya umikot ang kanyang paningin. Tinipon ni Joseph ang kanyang lakas, sinuntok niya nang malakas ang lalaki at tumakbo pauwi.31
Pagbalik sa bahay, kaagad pumasok si Joseph sa pintuan na nakaipit sa isang bisig ang mabigat na balutan. “Itay,” sigaw niya, “nakuha ko na ang mga lamina.”
Ang kanyang kapatid na labing-apat na taong gulang, si Katharine, ay tinulungan siyang ilagay ang balutan sa ibabaw ng mesa habang nakapalibot sa kanya ang kanyang pamilya. Alam ni Joseph na nais ng kanyang ama at nakababatang kapatid na si William na alisin ang balot ng mga lamina, subalit pinigilan niya ang mga ito.
“Hindi ba namin maaaring makita ang mga ito?” tanong ni Joseph Sr.
“Hindi po,” sagot ni Joseph. “Sumuway ako noong unang beses, ngunit desidido na akong maging tapat ngayon.”
Sinabi niya na maaari nilang kapain ang mga lamina nang nakabalot sa tela, at binuhat ni William ang balutan. Mas mabigat ito kaysa sa bato, at masasabi ni William na may mga pahina ito na maililipat-lipat tulad sa mga pahina ng isang aklat.32 Inutusan din ni Joseph ang kanyang bunsong kapatid, si Don Carlos, na humingi ng lockbox kay Hyrum, na nakatira malapit sa kanila kasama ang kanyang asawa, si Jerusha, at ang kanilang bagong silang na anak na babae.
Agad na dumating si Hyrum, at nang matiyak na ligtas na nailagak ang mga lamina sa kahon, humandusay sa malapit na kama si Joseph at nagsimulang magkuwento sa kanyang pamilya tungkol sa mga lalaki sa kakahuyan.
Habang nagsasalita siya, naramdaman niyang masakit ang kanyang kamay. Noong salakayin siya, nalinsad niya ang kanyang hinlalaki.
“Ititigil ko muna ang pagkukuwento, Itay,” bigla niyang sinabi, “at hihilingin ko po sa inyo na ibalik sa dati ang nalinsad kong hinlalaki.”33