Kilala Ka ng Ama sa Langit
Tuwing Linggo sa isang maliit na bayan sa Argentina, isang grupo ng mga tao ang nagtitipon sa ilalim ng puno para magbasa ng mga banal na kasulutan at matuto tungkol sa ebanghelyo. Ang ilan sa kanila ay mga miyembro ng Simbahan. Pero marami sa kanila ang hindi pa nabinyagan, at talagang gusto nilang mabinyagan!
Pero may problema sila. Malayo ang tirahan nila mula sa iba pang mga bayan. Ilang taon nang walang nakabisitang mga pinuno ng Simbahan sa bayan nila.
Pagkatapos ay nabalitaan nila na may ilang missionary sa isang bayan mga apat na oras mula sa kanila. Lahat sila ay nagbigay ng pera sa isang lalaki para magpabili ng tiket sa bus papunta sa bayan kung saan naroon ang mga missionary. Pagdating niya roon, naghintay siya sa istasyon ng bus. Akala niya iyon ang pinakamagandang lugar para mahanap ang mga missionary.
Pagkaraan ng ilang oras, may nakita siyang dalawang binata. Sila ang mga missionary! Nagkuwento siya sa kanila tungkol sa mga tao sa kanyang bayan. Kaya nagplanong bumiyahe ang mga missionary at ang mission president para makipagkita sa mga taong ito.
Sa araw ng pagdating ng mission president at mga missionary, maraming taong nagtipon para makita sila. Ngayo’y mabibinyagan na ang mga hindi pa nabibinyagan. Matapos silang maturuan ng mga lesson, handa na sila!
Napakalayo ng pinakamalapit na ilog, kaya nagbomba sila ng tubig mula sa isang poso at pinuno ang isang portable swimming pool. Tatlong oras ang inabot bago napuno ang pool! Sa kabuuan, 27 kababaihan, kalalakihan, at mga bata ang nabinyagan noong araw na iyon. Napuspos sila ng kagalakan!
Alam ng Ama sa Langit na gustong mabinyagan ng mga taong ito, at tinulungan Niya silang mahanap ang mga missionary. Kilala ka rin ng Ama sa Langit. Alam Niya kung nasaan ka at kung sino ka at kung ano ang kailangan mo. Dinirinig at sinasagot Niya ang iyong mga panalangin. Gaano ka man kalungkot, palagi Siyang naririyan. Hinding-hindi ka nag-iisa. Makakalapit ka palagi sa Kanya.