Ang Bahaging para sa Atin
Naantig ng mga Salita ng Isang Buhay na Propeta
Noong 15 taong gulang ako, nakakita ako ng dalawang missionary sa harapan ng isang supermarket. Inanyayahan ako ng isa sa kanila na magsimba. Hindi ako gaanong interesado, kaya sinabi ko sa kanila, “Siguro balang araw,” at lumakad ako palayo.
Nang sumunod na araw, tumawag ang tita ko at pinapunta ang nanay ko sa bahay niya para pakinggan ang isang espesyal na mensahe. Nagpunta kami roon ng nanay ko at nakita namin ang mga missionary na nakita ko noong makalawa na nakaupo sa bahay ng tita ko! Interesado ang nanay ko sa kanilang mensahe, at nagsimula na rin akong makinig. Gayunman, nang itanong ng mga missionary kung naniniwala ako sa isang buhay na propeta, matigas akong humindi. Ipinakita ng isa sa mga elder ang larawan ni Thomas S. Monson at pinatotohanan na si Pangulong Monson ay isang propeta. Inanyayahan nila akong dumalo sa pangkalahatang kumperensya kinabukasan para makapagpasiya ako para sa aking sarili. Dahil gusto kong mag-usisa, pumayag akong dumalo.
Kinabukasan, dumating kami sa chapel na patapos na ang pambungad na panalangin. Pagpasok ko sa chapel, nakita ko si Pangulong Monson na lumabas sa screen. Ngumiti siya at nagsabing, “Mahal kong mga kapatid, binabati ko kayo …”
Nang magbuka na ng bibig si Pangulong Monson, nagkaroon ako ng pagbugso ng damdamin, na nagpapatunay na siya ay isang propeta ng Diyos. Nang matapos ang kumperensya, sinabi ko sa mga missionary, “Gusto kong magpabinyag!” Mula noon ay nakapaglingkod na ako sa mission at naituro ko sa maraming iba pa ang kagila-gilalas na mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Alam ko na pinagpala tayo ng Diyos sa muling pagtawag ng mga propeta. Mahal tayo ng Diyos at nangungusap Siya sa atin sa pamamagitan ng mga makabagong propeta.
Maicon B., São Paulo, Brazil
Hindi Ko Ikinahihiya
Noong nasa boarding school ako, tumira ako sa isang hostel kasama ng iba pang mga estudyante. Ginawa ko ang lahat para maipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa pamamagitan ng madalas na pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Isang araw, napansin ng isang kaklase ko na nag-aaral ako ng Aklat ni Mormon sa aking higaan. Pagalit niyang inilista ang lahat ng dahilan kung bakit naisip niya na hindi totoo ang simbahan. Pagkatapos ay sinabi niya sa lahat ng nasa hostel ang tungkol sa aking mga “kakaibang” paniniwala. Sinimulan akong kutyain ng ilang kaklase ko pati na ang relihiyon ko; ang iba naman ay iniwasan na lang ako. Sa huli ay itinago ko ang Aklat ni Mormon sa ilalim ng kahon ng mga damit ko at pinag-aralan ko na lang ang Biblia para tigilan na ng mga kaklase ko ang panunuya sa akin.
Nagpatuloy ako sa pag-aaral ng Biblia hanggang sa mabasa ko ang Mga Taga Roma 1:16, na nagsasabing: “Sapagka’t hindi ko ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo]: sapagka’t siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa’t sumasampalataya.” Natanto ko na sa pagtatago ng Aklat ni Mormon, ipinapakita ko sa mga kaklase ko na ikinahihiya ko ang aking mga paniniwala. Muli kong kinuha ang aking Aklat ni Mormon at humingi ako ng tawad sa Ama sa Langit. Pagkatapos ay pinuntahan ko ang mga kabarkada ko at pinatotohanan ko ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Karamihan sa kanila ay tumigil sa pag-insulto sa akin at naging mga kaibigan kong muli.
Alam kong nauunawaan ng Diyos ang mga pagsubok na pinagdaraanan natin. Kapag pinanindigan natin ang ating mga paniniwala at ipinakita na “hindi [natin] ikinahihiya ang evangelio [ni Cristo],” pagkakalooban Niya tayo ng kapangyarihan, proteksyon, at patnubay.
Pamela O., Abuja, Nigeria
Paglilingkod sa pamamagitan ng Senyas
Noong anim na buwan pa lang ako, ang una kong isinenyas ay “gatas” at, pagkaraan ng ilang linggo, nabigkas ko na ang “panda.” Nakakarinig ako, pero ang una kong wika ay ang American Sign Language. Naglingkod ang aking ina sa isang ASL mission at pagkatapos ay patuloy na nag-aral ng sign language sa eskuwela, at gusto niyang matuto rin ako nito.
Ang sign language ay naging napakalaking pagpapala sa buhay ko. Tinulutan ako nitong makakita at matuto ng mas marami pang bagay na hindi ko matututuhan kung wala ito. Pinaglalapit nito ang mga tao sa isa’t isa. Gustung-gusto kong ituro sa mga tao ang nalalaman ko sa pamamagitan ng isahang pagtuturo at pagbibigay ng mga presentasyon sa paaralan at sa simbahan. Masaya rin talagang manood ng pangkalahatang kumperensya at iba pang mga video sa Simbahan sa sign language na kasama ng aking ina.
Ang pagkakaroon ng sign language sa buhay ko ay lubhang nagpatatag sa aking patotoo. Mas marami akong nakikilalang anak ng Diyos na hindi ko makikilala kung wala ito, at napakaganda ring kasangkapan nito para mapaglingkuran ang iba. Nagpapasalamat ako sa pagpapalang ito sa buhay ko at sa kahanga-hangang mga taong nakilala ko at napulutan ko ng aral.
Israel H., Oregon, USA