2018
Pagiging Tapat sa Aking Sarili—at sa Diyos
Hunyo 2018


Pagiging Tapat sa Aking Sarili—at sa Diyos

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nakapigil sa akin ang aking kayabangan na tanggapin ang pagtutuwid ng bishop bilang katotohanan—ngunit magagawa ko ba talagang makipagtalo sa Espiritu Santo?

sister missionaries meeting with bishop

Noong nasa kalagitnaan ako ng aking misyon, nahirapan kami ng kompanyon ko na makipagtulungang mabuti sa aming ward mission leader. Nagkaroon ng iba’t ibang di-pagkakasundo, kaya nagpasiya kaming kausapin ang bishop upang malaman kung ano ang dapat naming gawin. Sa loob-loob ko, umasa ako na kakausapin lang siya ng bishop at aayusin ang mga problema namin para sa amin.

Ngunit sa halip, sinabi sa akin ng bishop na mayabang ako at masyadong mapamintas sa iba. Nagdadabog akong umuwi dahil pakiramdam ko ay hindi niya ako naunawaan at nainis ako—paano niya nasabi iyon sa akin? May malasakit man lang ba siya tungkol sa mga paghihirap naming ibahagi ang ebanghelyo?

Habang naglalakad kami, naglabas ako ng sama-ng-loob sa kompanyon ko. Ngunit biglang pumasok sa isip ko ang isang pahayag: “Ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan” (1 Nephi 16:2). Napatigil ako. Damang-dama ko na nagmula sa Espiritu ang kaisipang iyon. Maaaring pinigilan ako ng aking kayabangan na tanggapin ang pagtutuwid ng bishop bilang katotohanan—ngunit magagawa ko ba talagang makipagtalo sa Espiritu Santo?

Ako ang may sala, at ipinapaalam iyon sa akin ng Diyos.

Padabog na Pangangatwiran ng Sarili

Sa oras na iyon, nakatutukso talagang balewalain ang mga maling bagay na ginagawa ko. “Walang sinuman sa atin ang gustong umamin kapag tayo ay nalilihis mula sa tamang landas,” pagsang-ayon ni Elder Dieter F. Uchtdorf, ng Korum ng Labindalawang Apostol. “… Dahil dito, kapag sinusuri natin ang ating buhay, ginagawa natin ito nang may pagkiling, mga dahilan, at mga kuwento sa ating sarili upang pangatwiranan ang di-marapat na mga pag-iisip at pagkilos.”1

Sa kaso ko, nakumbinsi ko ang sarili ko na nagrereklamo ako para sa ikabubuti ng gawaing misyonero sa aming area. At sa halip na tanggapin ang tapat na paglilingkod ng aming ward mission leader—bagama’t tila hindi perpekto para sa akin—bigla kong nakita na wala akong utang-na-loob, wala akong pasensya, at ang totoo, masungit ako. Dahil sa paramdam ng Espiritu, nakita ko kung ano talaga ang mga ginawa ko.

Isang Espirituwal na Pagsusuri sa Katotohanan

Ang pagtanggap ng gayong tuwirang pagtutuwid mula sa Espiritu ay masakit, ngunit sa napakainam na paraan. Dahil dito ay natanto ko na kailangan kong maging tapat sa aking sarili tungkol sa aking mga kapintasan.

Personal kong nalaman na ang Espiritu ay maaaring maging pinakamaganda kong kakampi sa prosesong iyon. Pakiramdam ko ay ako mismo ang kausap ni Elder Larry R. Lawrence ng Pitumpu nang anyayahan niya ang mga miyembro ng Simbahan na “mapagpakumbabang itanong ito sa Panginoon: ‘Ano po ang humahadlang sa pag-unlad ko?’ … Kung ikaw ay matapat,” sabi niya, “ang sagot ay magiging malinaw. Ito ay magiging paghahayag para sa iyo.”2 Alam ko na may kapangyarihan ako na hindi lamang tumanggap ng mga pahiwatig tungkol sa aking mga kahinaan kundi pagbutihin din ang mga iyon.

Mula sa Kahinaan tungo sa Kalakasan

Natutuhan ko mula sa aking karanasan na “kung ang [aking] mga kahinaan at pagkukulang ay patuloy [kong] ikakaila, hindi ito mapapagaling at magagawang kalakasan ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas.”3

Gayunman, kung sapat ang aking tapang para maging mahina at mapagpakumbaba kong tatanggapin ang aking mga kahinaan, matutulungan ako ng Diyos na gawing kalakasan ang mga ito sa pamamagitan ng Kanyang biyaya (tingnan sa Eter 12:27, I Ni Pedro 5:5).

Tutal, ang matapat na pagkilala sa ating mga kahinaan—o makita ang ating sarili sa kung sino talaga tayo—ang unang hakbang sa landas tungo sa positibong pagbabago. Kapag patuloy akong naging matapat at naghangad ng patnubay mula sa Espiritu, ipapaalam sa akin ng aking Ama sa Langit kung ano ang kailangan kong baguhin sa buhay ko. At kapag umasa ako kay Jesucristo, sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa Kanyang nagpapadalisay na kapangyarihan, makikita ko ang pagbabago sa sarili ko.

Bagama’t hindi kaaya-ayang aminin ang mga pagkakamali ko sa sandaling iyon ng pagtutuwid, alam ko na kapag pinili kong magpakumbaba at maging tapat sa sarili ko at sa Diyos, mas masaya ako at mas natatanggap ko ang sarili ko. Alam ko na sa kabila ng aking mga kapintasan, banal ang kahalagahan ko sa aking Ama sa Langit—ngunit gusto pa rin Niya akong magpakabuti. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Anak na si Jesucristo at sa taos-pusong pagsisisi, maaari akong maging mas mabuti kaysa pinapangarap ko.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Ako Baga, Panginoon?” Liahona, Nob. 2014, 58.

  2. Larry R. Lawrence, “Ano Pa ang Kulang sa Akin?” Liahona, Nob. 2015, 35.

  3. Dieter F. Uchtdorf, “Ako Baga, Panginoon?” 58.