2018
Ang Unang Araw Ko sa Elders Quorum
Hunyo 2018


Paghahanda para sa Buhay

Ang Unang Araw Ko sa Elders Quorum

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Bata pa ako noon at bagung-bagong elder. Ano ang maaari sanang maitulong ko sa elders quorum? Lumalabas na marami!

young men laughing

Hindi naman talaga ako kabadong sumali sa elders quorum dahil nadama kong tila alam ko kung ano ang mangyayari. Kilala ko rin ang lahat ng miyembro ng elders quorum ng aming ward. Sila ay mga tatay ng mga kaibigan ko at tinitingala ko na bilang mga mentor. Alam kong masaya sila na matulungan akong unawain ang mga bagay-bagay, kaya hindi ako kinabahang sumali sa kanila sa elders quorum.

Ang medyo nakakakaba ay ang mag-ambag sa mga lesson. Noong una nahirapan akong isipin na may maitutulong akong anuman sa kalalakihang higit ang karanasan sa buhay at mas marunong kaysa sa akin.

Naiiba Ito, Ngunit Magkapareho

Ang elders quorum ay talagang naiiba kaysa sa priests quorum. Sa halip na isang grupo ng mga lalaking kaedad mo, bigla kang napasama sa mga may edad na. Sa unang mga pagkakataong dumalo ako, hindi talaga ako nagsalita. Nag-alala ako na napakabata ko pa at walang sapat na alam para mag-ambag.

Pero habang lalong dumadalas ang pagdalo ko, lalo akong napapanatag, at lalo kong natanto na anuman ang edad mo, lahat ay may maiaambag. Lahat ay may iba’t ibang karanasan sa ebanghelyo at lahat ay may iba’t ibang antas ng pagkaunawa sa iba’t ibang alituntunin.

May Maibabahagi Ako

Minsa’y tinalakay namin ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, at nagtaas ako ng kamay. Sinabi ko lang na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, hindi lang tayo pinalalaya ni Jesucristo kundi matutulungan din Niya tayong mas mapalapit sa Kanya at sa Diyos. Nagsalita ako tungkol sa aking kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano ito napalakas nang lumago ang pagkaunawa ko sa Pagbabayad-sala. Pagkatapos ng klase, lumapit sa akin ang isang lalaki at nagpasalamat para sa aking mga komento. Sinabi niya sa akin na hindi niya naisip kailanman ang mga bagay-bagay sa paraan ng pagkasabi ko sa mga ito at talagang pinahalagahan niya ang aking kaalaman.

Ang Galing ng Home Teaching!

Sa elders quorum, hindi ka lang natututo mula sa isang guro; natututo ka rin mula sa Espiritu at sa lahat ng iba pa sa quorum. Lahat ng pananaw na iyon ay tinutulungan kang magkaroon ng mas malawak na kaalaman sa mga bagay na itinuro sa iyo. At tumutulong iyan para maging mas mahusay kang lingkod ng Panginoon. Halimbawa, simula nang maging elder ako, mas nagustuhan ko na ang home teaching! Sa palagay ko medyo mas sineseryoso ko ito dahil alam ko na kapag missionary ako sa loob ng ilang buwan, bibisita ako sa mga tao at magbabahagi sa kanila ng mga mensahe ng ebanghelyo tulad ng ginagawa ko kapag nagho-home teach ako. Sa halip na umupo lang at hayaan ang kompanyon ko na gawin ang lahat ng pagtuturo, nagsimula akong maghanda para sa aming mga pagbisita. Tinitiyak kong makapagsalita. Alam ko na magandang paghahanda ito para sa misyon ko, pero ginawa rin nitong mas makabuluhan ang home teaching para sa akin. Ngayon ay mas malaki na ang pagpapahalaga ko sa mga tao sa ward namin at sa mga taong hino-home teach ko.

Kung Kaya Ko, Kaya Ninyo

Hindi mo kailangang masindak sa elders quorum, pero talagang makakaasa kang makarinig ng karagdagang karunungan tungkol sa mga paksang pinag-aaralan mo. Makakaasa kang maging mas mabuting guro, lider, at lingkod ng Panginoon. At napakagaling noon!