Ang Huling Salita
Laging Nariyan ang Liwanag
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2017, nang si Elder Uchtdorf ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan.
Sa mga flight ko noon sa iba’t ibang dako ng ating daigdig bilang airline captain, palagi akong namamangha sa kagandahan at kasakdalan ng mga likha ng Diyos. Gustung-gusto ko lalo na ang kaugnayan ng daigdig at ng araw. Itinuturing ko itong isang napakagandang object lesson tungkol sa kung paano umiiral ang kadiliman at liwanag.
Katulad ng alam nating lahat, sa loob ng bawat 24 na oras ay nagiging umaga ang gabi at nagiging gabi ang umaga.
Kaya, ano ang gabi?
Ito ay walang iba kundi anino.
Kahit na sa pinakamadilim na mga gabi, hindi tumitigil ang araw sa pagbibigay ng liwanag nito. Ito ay patuloy na nagliliwanag nang napakaliwanag tulad ng dati. Ngunit kalahati ng daigdig ay nasa kadiliman ng gabi.
Ang kawalan ng liwanag ay nagdudulot ng kadiliman.
Kapag sumapit ang kadiliman ng gabi, hindi tayo nawawalan ng pag-asa at nag-aalala na naglaho na ang araw. Hindi natin iniisip na ang araw ay wala na roon o patay na. Nauunawaan natin na nasa anino tayo, na patuloy na iikot ang daigdig, at kalaunan ay mararating tayong muli ng mga sinag ng araw.
Ang kadiliman ay hindi pahiwatig na wala nang liwanag. Kadalasan, ibig sabihin lang nito ay wala tayo sa tamang lugar upang tumanggap ng liwanag.
Patuloy na sumisikat ang espirituwal na liwanag sa lahat ng nilikha ng Diyos.
Tayo ang magpapasiya na pumaroon sa tamang lugar upang makita ang banal na liwanag at katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit sumapit na ang gabi at tila madilim ang mundo, mapipili nating lumakad sa liwanag ni Cristo, sumunod sa Kanyang mga kautusan, at matapang na magpatotoo tungkol sa Kanyang katotohanan at Kanyang kadakilaan.
Sa tuwing itinutuon ninyo ang inyong mga puso sa Diyos sa pagdarasal ng may pagpapakumbaba, nararanasan ninyo ang Kanyang liwanag. Sa tuwing hinahangad ninyo ang Kanyang salita at kalooban sa mga banal na kasulatan, lalong tumitindi ang liwanag. Sa tuwing napapansin ninyo ang isang taong nangangailangan at isinasakripisyo ang inyong sariling kaginhawahan upang makatulong nang may pagmamahal, lalong lumiliwanag at nadaragdagan ang liwanag. Sa tuwing tinatanggihan ninyo ang tukso at pinipili ang kadalisayan, tuwing naghahangad o nagbibigay kayo ng kapatawaran, tuwing matapang kayong nagpapatotoo tungkol sa katotohanan, itinataboy palayo ng liwanag ang kadiliman at inaakit ang iba na naghahangad din ng liwanag at katotohanan.