2018
Pinagpala sa Pagpapahayag ng Aking Pananampalataya
Hunyo 2018


Pinagpala sa Pagpapahayag ng Aking Pananampalataya

Kristin McElderry, Massachusetts, USA

friends walking around campus

Paglalarawan ni Dilleen Marsh

Nabinyagan ako noong 19 anyos ako. Hindi tinanggap ng marami sa mga kapamilya at kaibigan ko ang desisyon kong sumapi sa Simbahan, pero hindi iyon nakapigil sa akin. Makalipas ang dalawang linggo, nagsimula ako sa ikalawang taon ko sa kolehiyo. Pagbalik ko sa kampus, kinabahan ako tungkol sa bago kong relihiyon.

Nagsimula akong mag-alala na baka hindi ako magkaroon ng lakas-ng-loob na manindigan para sa aking relihiyon. Pakiramdam ko’y nag-iisa ako. Wala pa akong nakikilalang miyembro ng Simbahan sa kolehiyo, at hindi ko alam kung saan matatagpuan ang meetinghouse, o kung may ward o branch man lang na malapit. Ipinagdasal ko na pagkalooban ako ng Ama sa Langit ng lakas-ng-loob. Ipinagdasal ko na magkaroon ako ng tiwalang manindigan para sa bago kong mga paniniwala.

Makalipas ang ilang araw, tinulungan kong maglipat ang ilang tao. Nakilala ko ang binatang si Brian at naging magkaibigan kami. Naglalakad kami sa kampus isang araw nang tanungin niya ako kung ano ang mga plano ko para sa Linggo. Sinabi ko sa kanya na magsisimba ako.

“Ah, saan ka ba nagsisimba?” tanong niya.

Sa kabila ng pagkabalisang nadama ko sa tiyan ko, tumayo ako nang tuwid at sinabi kong, “Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

Natuwa ako sa sarili ko! Kinabahan din ako sa magiging tugon ni Brian. Sa sandaling iyon, nakita ko ang mga missionary. Bago nakapagsalita si Brian, sinabi ko sa kanya na babalik ako kaagad. Pinuntahan ko ang mga missionary. Masaya silang makilala ako at ibinigay nila sa akin ang lahat ng detalyeng kailangan ko para makasimba kinabukasan.

Binalikan ko si Brian at ipinaliwanag ko ang nangyari. Nagkuwento rin ako nang kaunti sa kanya tungkol sa Simbahan, at patuloy kaming naglakad tulad ng dati, maliban sa paluksu-lukso ang paghakbang ko. Nadama ko rin ang sigla at kapayapaan na Espiritu lamang ang makapagdudulot. Matagal akong nag-alala tungkol sa pag-iisa ko at hindi ko alam kung saan magsisimba. Ngunit naniniwala ako na ang pagdating ng mga missionary na iyon sa mismong lugar na iyon sa oras na iyon ang paraan ng Ama sa Langit para pagpalain ako sa pagpapahayag ng aking pananampalataya.

Mahigit 10 taon na ang nakalipas, at simula noon ay hindi na ako natakot pang sabihing, “Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw!”