Paghahayag para sa Ating Panahon
Mga paggunita ng mga propeta at apostol tungkol sa paghahayag noong 1978
Ang Paghahanap
Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985)
Ika-12 Pangulo ng Simbahan
“Araw-araw akong pumupuntang mag-isa sa mga silid sa itaas ng templo nang may lubos na kataimtiman, at iniaalay ko roon ang aking kaluluwa at iniaalay ang aking mga pagpupunyagi na maisulong [ang programa]. Nais kong gawin ang nais [ng Diyos]. …
“Nagkaroon kami ng maluwalhating karanasan nang malinaw na tukuyin ng Panginoon na dumating na ang panahon na ang lahat ng karapat-dapat na kalalakihan at kababaihan saanmang dako ay maaaring maging mga tagapagmana at bahagi ng buong pagpapala ng ebanghelyo. Gusto kong malaman ninyo, bilang natatanging saksi ng Tagapagligtas, na dama kong napakalapit ko sa kanya at sa ating Ama sa Langit sa marami kong pagbisita sa mga silid sa itaas ng templo, na mag-isang nagpupunta roon nang ilang araw nang maraming beses. Nilinaw sa akin ng Panginoon ang nararapat gawin.”
Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 282, 283.
Ang Panalangin
Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018)
Ika-16 na Pangulo ng Simbahan
“Sa pagtatapos ng miting na kasama ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawa, nagkaroon kami ng espesyal na panalangin sa altar [sa templo] kung saan si Pangulong Kimball ang umusal. Ipinagdasal niya sa Panginoon na bigyan sila ng kaliwanagan at kaalaman sa usaping ito na napakaraming maaapektuhan. Pinagmulan ng malaking kaaliwan sa mga Kapatid na marinig ang kanyang abang mga pagsamo nang humingi siya ng patnubay sa kanyang napakataas na tungkulin. …
“Ang Unang Panguluhan ay nagpasalamat kalaunan na ‘ang diwa ng kapayapaan at pagkakaisa na umiral sa miting … ang pinakamaayos sa lahat at na ito [ay] katunayan na nalugod ang Panginoon sa aming talakayan.’ …
“… Isang sandali iyon ng malaking katuwaan, sapagkat narinig naming sinabi ng propeta ng Panginoon ang paghahayag ng Panginoon para sa panahong ito.”
Sa Heidi S. Swinton, To the Rescue: The Biography of Thomas S. Monson (2010), 393.
Ang Paghahayag
Elder Bruce R. McConkie (1915–85)
Ng Korum ng Labindalawang Apostol
“Sa tulong at awa ng Panginoon, ibinuhos Niya ang Espiritu Santo sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa. … Dumating ang paghahayag sa pangulo ng Simbahan; dumating din ito sa bawat indibiduwal na naroon. Sampung miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa at tatlo sa Unang Panguluhan ang nagtipon doon. Ang resulta ay na alam ni Pangulong Kimball, at alam ng bawat isa sa atin, hindi ng sinumang ibang tao, sa pamamagitan ng tuwiran at personal na paghahayag sa atin, na dumating na ang panahon para ipaabot ang ebanghelyo at ang lahat ng pagpapala nito at ang lahat ng obligasyon nito, pati na ang priesthood at ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon, sa bawat bansa, kultura, at lahi, pati na ang lahing itim. Walang anumang pag-aalinlangan kung ano ang nangyari o dumating na salita at mensahe.”
“All Are Alike unto God” (Brigham Young University devotional, Ago. 18, 1978), 4, speeches.byu.edu.
Ang Katiyakan
Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008)
Ika-15 Pangulo ng Simbahan
“Nagkaroon ng isang sagrado at pinabanal na diwa sa silid. Para sa akin, parang isang lagusan ang nagbukas sa pagitan ng luklukan ng langit at ng nakaluhod at nagsusumamong propeta ng Diyos na sinamahan ng kanyang mga Kapatid. Naroon ang Espiritu ng Diyos. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay dumating ang katiyakan sa propetang iyon na tama ang bagay na ipinagdasal niya, na dumating na ang tamang panahon, at ngayon ang kamangha-manghang mga pagpapala ng priesthood ay dapat igawad sa karapat-dapat na mga lalaki anuman ang kanilang lahi.
“Bawat lalaki sa bilog na iyon, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ay nalaman lahat ang bagay na iyon. …
“… Wala ni isa sa amin na naroon sa kaganapang iyon ang naging tulad ng dati pagkatapos noon. Kahit ang Simbahan ay di na tulad ng dati.”
“Priesthood Restoration,” Ensign, Okt. 1988, 70.