Binigyan ng Malaking Respeto ang Priesthood
Ang awtor ay naninirahan sa Central Region, Ghana.
Paano napagpala ng paghahayag noong 1978 ang aming pamilya.
Una kong narinig ang tungkol sa Simbahan nang sumama ang aking ina sa grupo ni Brother Joseph W. B. Johnson noong 1968.1 Mga 10 taong gulang ako noon. Ang negosyo ng aking ama ay tinanggihan dahil sa coup d’état noong 1966, at dumaranas ng hirap ang pamilya noon. Kaya naisip ng aking ina na makabubuting humingi ng espirituwal na tulong.
Bago ang paghahayag noong 1978, hindi pa pormal ang Simbahan dahil hindi pa nabibigyan ng priesthood ang mga lalaking itim. Pagkatapos ng paghahayag, maaari nang itatag ang Simbahan nang may awtoridad ng priesthood. Nabinyagan ako noong ika-24 ng Pebrero 1979.2
Inabot ng dalawang taon ang pag-aaral ng asawa ko—at kaunting pakikipagtalo—bago sumapi sa Simbahan. Sa wakas ay nabinyagan din siya noong 1980, at nabigyan siya ng priesthood. Naging napakahinahon niyang tao, kaya hindi makapaniwala ang sarili niyang mga kapamilya sa laki ng kanyang ipinagbago. Maingat siya sa priesthood na taglay niya at para matiyak din na palagi niyang ginagawa ang tama sa harap ng Panginoon. Kung wala ang priesthood, minabuti na raw sana niyang tumanggap ng mga papuri at kaluguran ng tao. Ngunit sa priesthood, nalaman niya na ang mga bagay na pinakamahalaga ay ang pagsasama ninyong mag-asawa, ang inyong tahanan, inyong pamilya, at paglilingkod sa iba.
Sa aming bahagi ng mundo, kung ikaw ang ama, kailangang mangyari ang sinasabi mo. Ngunit hindi natin ginagamit ang priesthood sa ganyang paraan. Nagpupulong tayo sa family council. Ipinapaunawa ng mga ama sa kanilang asawa’t mga anak na ang itinuturo niya sa kanila ay tama.
Ang kalalakihang miyembro ng Simbahan ay naglilingkod sa kanilang asawa sa halip na ang kanilang asawa ang maglingkod sa kanila. Dahil dito ay nagmamahalan sila at hindi sila nag-aaway.
Una ko siyang nakitang nagbasbas ng sakramento noong magkaroon ng “freeze” dahil idinaos namin ang aming sacrament meeting sa bahay namin.3 Tuwang-tuwa kami nang magtaglay siya ng priesthood noong panahong iyon. Walang nagpunta sa bahay para magbasbas ng sakramento para sa amin; siya ang gumawa niyon. Espesyal iyon at gustung-gusto namin iyon.
Nang una akong makabasa ng literatura na hindi pinapayagang magtaglay ng priesthood ang mga itim ay noong may “freeze,” nang magsimulang pumasok ang mga babasahing anti-Mormon sa bayan. Hindi ako gaanong nabahala tungkol dito dahil alam ko na ang Simbahan ay totoo. Tinuturuan tayong huwag sumandig sa sinuman kundi ituon ang ating buhay kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kaya doon nga nakatuon ang aking pananampalataya.
Noong ika-17 ng Disyembre 1996, nakapunta kami sa Johannesburg South Africa Temple. Natuwa ako, lalo na nang marinig ko na ang aming panganay na anak, isang batang lalaki na namatay pagkaraan lamang ng ilang araw, ay mabubuklod sa amin. Akala ko patay na siya at wala na, kahit alam ko na siya ay walang-sala. Ngunit ang mabuklod siya sa amin ay isang espirituwal na karanasang hinding-hindi ko malilimutan.
Kaya kapag tinatanong ako ng mga tao kung ilan ang anak namin, sinasabi ko sa kanila na walo ang anak namin. Itinatanong nila, “Paano?” Sinasabi ko, “Oo, naghihintay sa amin ang una, kaya nasa amin na kung susundin namin ang mga utos ng Diyos at ipamumuhay ang mga ito para makabalik kami at magkasama-sama bilang pamilya.”
Ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos. Napakarami ko nang natanggap na pagpapala mula sa priesthood. Lagi akong nagagalak at sumisigla kapag humihingi ng priesthood blessing ang mga bata sa kanilang ama. Sa gayo’y alam ko na nagtitiwala sila sa kanya at tiwala sila na kumikilos ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng kanilang ama, na maytaglay ng priesthood. Malaki ang respeto namin sa priesthood sa aming tahanan. Ngayo’y may asawa na ang tatlo sa aming mga anak, at ginagamit nila ang priesthood sa kanilang pamilya.
Alam ko na ang priesthood ay totoo dahil ito ang kapangyarihan ng Diyos, at ito ay isang buhay na kapangyarihan dahil ang Ama sa Langit ay buhay. Ibinigay Niya ang bahagi ng kapangyarihang iyon sa Kanyang mga anak na lalaki sa lupa. Tayong mga babae ay may bahagi sa priesthood. Malaki ang respeto ko rito. Nakatulong ang priesthood sa aming pamilya at patuloy nitong ginagawa iyon.