Ang Tulong ng Panginoon sa Dalawang Operasyon sa Utak
Bryn Booker, Idaho, USA
Habang nasa physical therapy para sa pananakit ng likod, napansin ko na nanghihina at namamanhid ang kaliwang bahagi ng katawan ko. Nang ipaliwanag ko ang mga sintomas na ito sa aking physical therapist, nabahala siya at hinikayat niya akong magpatingin sa isang doktor.
Nakita sa MRI na lumaki ang utak ko sa bandang ilalim ng aking bungo at naipon nang ilang taon ang spinal fluid sa leeg ko. Nagdulot ito ng matindi at paulit-ulit na mga pagsakit ng ulo at kirot. Ang tanging opsiyon ay operasyon. Ngunit sa kabila ng operasyon, patuloy pa rin akong nakadama ng kirot.
Pagkaraan ng anim na buwan, bumalik ako sa aking doktor para sa karagdagang mga pagsusuri para lamang malaman na mas dumami ang naipong spinal fluid. Natakot akong magdaan sa isa pang masakit na operasyon. Humingi kaming mag-asawa ng opinyon sa ilang doktor at pagkatapos ay patuloy na nagpatingin sa isang doktor na may tiwala na makakatulong ang pagtanggal ng bahagi ng aking utak.
Ang pagpapagaling mula sa pangalawang operasyon ko sa utak ang pinakamasakit na karanasan ko sa buhay. Desperado kong hinangad na panatagin ako ng Espiritu. Nakinig ako sa mga mensahe at himno, patuloy na nagdasal, at tumanggap ng maraming basbas ng priesthood.
Sa aking masakit na pagpapagaling, alam ko na dininig ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin at ang mga panalanging inialay ng iba para sa akin. Nagpadala Siya sa akin ng mga tao nang kailanganin ko sila. Tinulungan ako ng isang nars sa aming ward na matutong inumin sa oras ang aking mga gamot. Dinala ako sa ospital ng tita at tito ko, na nakapansin sa mga tanda ng pagkaubos ng tubig sa aking katawan. At isang batang lalaki sa Primary, sa hangaring tumulong sa aming pamilya, ang nag-iwan ng mga laruan sa pintuan namin para sa anak kong lalaki. Sa karanasang ito at sa marami pang iba, nadarama ko na tinutulungan ako ng Tagapagligtas at mas lumalakas ang aking patotoo bawat araw. Pambihira at sagrado ang karanasang ito na nagmula sa totoong napakasakit na karanasan.
Bagama’t matagumpay ang pangalawa kong operasyon, patuloy akong nahirapan, at kinailangan kong matutong umakma sa isang buhay na pabalik-balik ang pananakit at magtiwala na may layunin ang Ama sa Langit dito. Ngunit may pag-asa ako sa Kanyang pangako na patuloy Niya akong palalakasin sa aking mga hamon, nang sabihin Niyang: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).