“Palagi kong ikinukumpara ang sarili ko sa iba, lalo na sa mga taong tila perpekto ang buhay. Paano ako higit na magtitiwala sa aking sarili?”
Ipagdasal na Malaman ang Iyong mga Kaloob
Marami kang mga talento at espirituwal na kaloob na ibinigay mismo sa iyo ng Ama sa Langit. Mayroong mga paraan na tanging ikaw lamang ang makapagpapala sa buhay ng ibang tao. Ito ang plano ng Ama sa Langit. Ipagdasal na malaman kung anong mga kaloob ang ibinigay sa iyo, at kung kailangan mo pa ng patnubay, tanungin ang mga malalapit sa iyo. Sa pamamagitan ng pakikinig sa Espiritu at pagsisikap na tuklasin at paunlarin ang iyong mga talento at mga banal na katangian, magkakaroon ka ng tiwala sa sarili na maaaring hindi pa napasaiyo noon.
Amy P., edad 17, Kentucky, USA
Mas Kilalanin Pa Sila
Sa tuwing nakikita kong inihahambing ko ang aking sarili sa iba, sinusubukan kong mas kilalanin pa sila. Kapag mas nakilala ko na ang aking “idol,” masakit tanggapin na ang bawat tao sa mundo ay nahaharap sa mga pagsubok sa kanilang buhay. Habang mas kinakausap ko ang taong iyon, mas lalo ko silang itinuturing bilang kaibigan at hindi bilang isang mukhang perpektong tao.
Amelia C., edad 15, Idaho, USA
Opinyon Lamang ng Ama sa Langit ang Mahalaga
Sa kanyang talumpating “Sapat na ba ang Kabutihan ko? Magiging Karapat-dapat ba Ako?” noong Oktubre 2016, sinabi ni Elder Devn Cornish ng Pitumpu, “Ang opinyon na tanging mahalaga sa atin ay ang iniisip sa atin ng ating Ama sa Langit. Mangyaring taimtim na itanong sa Kanya kung ano ang iniisip Niya tungkol sa atin. Tayo ay [mamahalin at] itatama Niya ngunit hindi kailanman [pahihinain ang ating loob].” Kapag iniisip ko na hindi ako kailanman magiging kasinggaling ng mga taong nakapaligid sa akin, bumabaling ako sa aking Ama sa Langit at sinusubukan kong alalahanin na ako ay anak ng isang mapagmahal na Diyos na handang tumulong na maabot ko ang aking ganap na potensyal at maging katulad ng alam Niyang kaya kong maging kung hahanapin ko Siya.
Amanda M., edad 19, Paraná, Brazil
Ipagdasal na Magkaroon ng Tiwala sa Sarili
Madalas kong ikumpara noon ang sarili ko sa iba na akala ko’y lubhang nakahihigit sa akin, lalo na sa mga taong mas angat ang kabuhayan. Tuwing magdarasal ako sa Ama sa Langit, pinagkakalooban Niya ako ng tiwala sa sarili. Nalaman ko na anuman ang hamon, tutulungan ako ng Diyos dahil hindi Niya tayo binibigyan ng isang tungkulin nang hindi Siya naghahanda ng paraan para magawa natin ito (tingnan sa 1 Nephi 3:7; 17:3).
Joshua O., edad 19, Lagos, Nigeria
“Gumugugol tayo ng maraming oras at lakas sa paghahambing ng ating sarili sa iba. … Itinutulak tayo nito na asahan sa ating sarili ang mga bagay na imposibleng magawa. …
“… Nais Niya tayong maging perpekto, at kung mananatili tayo sa landas ng pagkadisipulo, balang-araw ay mangyayari iyon. Ayos lang na hindi pa kayo perpekto. Patuloy itong pagsikapan, ngunit huwag parusahan ang inyong sarili.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Huwag Mo Akong Kalimutan,” Liahona, pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2011.
Ano Ba ang Nasa Isip Mo?
“Paano ako hindi magagambala ng aking mga electronic devices, lalo na sa simbahan at sa seminary?”
Isumite ang iyong sagot at, kung nais mo, magsama ng isang high-resolution na retrato bago sumapit ang Hulyo 15, 2018, sa liahona.lds.org (i-klik ang “Submit an Article or Feedback”).
Ang mga sagot ay maaaring i-edit para paikliin o linawin pa ito.