Bawat Pahina ay nagsasaad na Naniniwala Kami
Nang sabihin ng kaklase ko na hindi naniniwala ang mga Mormon kay Cristo, nagpasiya akong basahin ang Aklat ni Mormon sa lubos na panibagong paraan.
“Hindi Kristiyano ang mga Mormon.”
Nagulat ako sa pahayag ng isa sa mga kaklase ko sa high school.
“Siyempre Kristiyano kami,” sabi ko.
“Kung gayon, bakit mo binabasa ang Aklat ni Mormon?” sabi niya habang papalayo, kaya nawalan ako ng pagkakataong makasagot.
Pinag-isipan ko nang husto ang kanyang tanong. Ang sagot, siyempre pa, ay na ang mga Mormon ay mga Kristiyano at ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Binabasa namin ito kasama ng Biblia para mas matuto kami tungkol sa Tagapagligtas.
Nabasa ko na ang Aklat ni Mormon noon. Alam kong ito ay totoo. Ngunit dahil sa tanong ng kaklase ko, nahikayat akong pag-aralan ito sa panibagong paraan, na itinatala kung gaano kadalas binabanggit dito si Jesucristo. Nang gawin ko ito, namangha ako.
Hindi ko pa nabubuklat nang husto ang aklat nang mabasa ko sa pahina ng pamagat na ang Aklat ni Mormon ay isinulat upang kumbinsihin ang mga mambabasa “na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.”
Sa pambungad ng Aklat ni Mormon, nabasa ko, “Ang ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa mga Nephita pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na mag-uli ang pinakatampok na pangyayaring natala sa Aklat ni Mormon.” Sinabi rito na ang mga nagtatamo ng patotoo mula sa Espiritu Santo na ang talaan ay totoo ay “malalaman din sa pamamagitan ng yaon ding kapangyarihan na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Bumaling ako sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi” na nagsabing isang anghel ang nagpakita ng mga laminang ginamit sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at na “nalalaman namin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, kung kaya’t aming namasdan ito at nagpapatunay kami na ang mga bagay na ito ay totoo.”
Sumunod, ikinuwento sa “Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith” ang pagbisita ng anghel na si Moroni, na nagsabing ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo “na ibinigay ng Tagapagligtas sa mga sinaunang tao” sa Amerika.
Wala pa man ako sa 1 Nephi, marami na akong nakita!
Patuloy akong nagsaliksik. Sa 1 Nephi, natuklasan ko na alam ni Lehi na paparito ang Mesiyas (tingnan sa 1 Nephi 1:19). Binasa ko ang kanyang mga propesiya tungkol sa Manunubos, “na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan” (tingnan ang 1 Nephi 10:10; tingnan sa mga talata 4–10). Binasa ko ang paglalarawan ni Nephi sa pagsilang ni Jesucristo, sa Kanyang ministeryo, kamatayan, Pagkabuhay na Mag-uli, at pagbisita sa hinaharap sa sinaunang Amerika (tingnan sa 1 Nephi 10–12).
Nabasa ko ang mga propesiya na patutunayan ng Aklat ni Mormon ang mga katotohanan sa Biblia na “ang Kordero ng Diyos ang Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan; at na ang lahat ng tao ay kinakailangang lumapit sa kanya” (1 Nephi 13:40). At nabasa ko ang patotoo ni Nephi na “lahat ng bansa, lahi, wika, at tao ay mamumuhay nang matiwasay sa Banal ng Israel kung sila ay magsisisi” (1 Nephi 22:28).
Pagkaraan ng isang araw, nasa pahina 53 na ako. Isa lang sa mga aklat sa Aklat ni Mormon ang natapos ko, pero nakatanggap na ako ng malalakas na patotoo!
Sa mga sumunod na linggo, natuklasan ko sa bawat pahina ang mga patotoo tungkol kay Jesucristo, ang mga pangitain kung saan nagpakita Siya sa mga propeta, at ang detalyadong paglalarawan ng Kanyang ministeryo sa mga sinaunang tao sa Amerika. Tinapos ko ang aking pagbabasa ng malakas na patotoo ni Moroni tungkol kay Jesucristo (tingnan sa Moroni 9); ang kanyang hamon na “itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang [Aklat ni Mormon ay] totoo” (Moroni 10:4; idinagdag ang pagbibigay-diin); at, sa huling pahina, ang kanyang magiliw at nakakahikayat na paanyayang “lumapit kay Cristo” (Moroni 10:30, 32).
Nalaman ko na lubusang pinabulaanan ng Aklat ni Mormon ang pahayag ng kaklase ko. Kung ang Kristiyano ay isang taong naniniwala kay Jesucristo, bawat pahina ng Aklat ni Mormon ay nagsasabing, “Naniniwala kami!”
Kalaunan, nakita kong muli ang kaibigan ko. Ikinuwento ko sa kanya ang karanasan ko at inanyayahan ko siyang basahin ang Aklat ni Mormon. Magalang siyang tumanggi at sinabing masaya siya na tinatanggap ko si Jesucristo bilang aking Tagapagligtas. At pagkatapos naming mag-usap, palagay ko mas nauunawaan na niya ang ibig kong sabihin kapag sinasabi kong, “Siyempre Kristiyano kami.”