2018
Oras ng Pagtulog para kay Felix
Hunyo 2018


Oras ng Pagtulog para kay Felix

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

“’Pag ako’y nakakatulong, napakasaya ko, dahil sarili ko’y natulungan ko.” (Children’s Songbook, 197).

Bedtime for Felix

Pinanood ni Anton na magload sa computer screen ang level six na tila pang-isang milyong beses na. Huminga siya nang malalim at nagsimulang gumalaw sa maze, na lumilipad sa ibabaw ng makukulay na spike at sa loob ng nag-aapoy na mga lagusan. Pumadyak siya nang mas mabilis habang palapit siya nang palapit sa finish line.

“Anton?” Boses ni Inay iyon. Parang may kailangan siya.

“Huwag ngayon!” naisip niya. Tinalon niya ang isa pang malaking spike at mabilis na tinawid ang isa pang lagusan. “Po?” sabi niya, na hindi inaalis ang mga mata sa screen.

“Puwede mo bang suotan ng pajama si Felix at basahan siya ng kuwento? Tinatapos ko pang linisin ang kusina.”

“Um … ,” Napakalapit na niya! Lumiko siya sa huling pasilyo na maraming malalaking spike, tumalon sa ibabaw ng isa pang apoy, lumagpas sa nangangaing halimaw, at … SA WAKAS! narating niya ang finish line.

Ini-load ng computer ang level seven. Mukhang mas mahirap ito, pero hindi makapaghintay si Anton na subukan ito. Pinaghirapan niya ng husto na marating ang level na ito. Pinindot ni Anton ang pause button at tumingala kay Inay, na karga ang kanyang maliit na kapatid na si Felix. “Puwede po bang maglaro pa ako nang ilang minuto? Kararating ko lang po sa level seven!”

“Kailangan ko talaga ang tulong mo,” sabi ni Inay. “Puwede kang maglaro ng isa pang level pagkatapos mong asikasuhin si Felix.”

Ngumiti si Felix. “Sige na?” sabi niya sa dalawang-taong-gulang niyang boses.

Tumingin si Anton sa computer screen at bumuntong-hininga. “Sige na nga.” Kailangan lang niyang magmadali para makabalik siya sa kanyang laro.

Binuhat niya si Felix at inakyat sa kuwarto nila.

“Sino ang paborito kong baby brother?” sabi niya, habang pinipindot ang malambot na tiyan ni Felix. Hinipan niya ang tiyan ni Felix at napangiti nang humiyaw si Felix sa pagtawa.

Binihisan ni Anton si Felix ng paborito niyang dinosaur pajamas. Pagkatapos ay binuhat niya si Felix sa kama at nagtungo na siya sa pinto. Sinabihan siya ni Inay na basahan din ng kuwento si Felix, pero nagawa na niya ang mahalaga. Siguro naman ngayon makakapasok na siya sa dalawa pang level bago siya matulog.

Nang maramdaman ni Anton na may humila sa T-shirt niya. Tumingin siya sa ibaba at nakita niya si Felix na bumaba ng kama.

“Bear?” tanong ni Felix. Tumakbo siya sa kanyang basket ng mga aklat at kinuha ang isang aklat na may polar bear sa harap.

“Naku, Felix, may gagawin pa ako!” sabi ni Anton. Itinaas ni Felix ang aklat sa kanyang ulo,habang nakatingin kay Anton ang kanyang malalaking matang kulay-brown.

Hindi mapigilang ngumiti ni Anton. “Hindi ka papayag na hindi, ano? Sige na nga.”

Umupo si Anton sa kama ni Felix, at kumandong si Felix sa kanya. Binuklat ni Anton ang unang pahina at nagbasa habang nakasandal si Felix sa kanya. Itinuro ni Felix ang bawat hayop sa pahina at nagpraktis na bigkasin ang pangalan nito. “Zee-ba … famingo … wah-wus.”

Pagkatapos nito, isinara ni Anton ang aklat at kinumutan si Felix. “Magandang gabi, Felix,” sabi niya, at hinalikan si Felix sa ulo at tumayo na para umalis.

Pero nang palabas na siya ng pinto, muli niyang narinig ang maliit na boses. “Yakap?”

Napangiti sa Anton. “OK. Usog ka. Dito muna ako sandali.”

Humiga si Anton sa unan. Sa ngayon, ayaw na muna niyang gumawa ng ano pa man. Napangiti siya nang humikab nang malakas at magpikit ng mga mata si Felix. Iyon ang pinakamasaya niyang sandali sa buong araw na iyon. Makapaghihintay ang kanyang laro.