2018
Pagpapaabot ng mga Pagpapala ng Priesthood
Hunyo 2018


“Pagpapaabot ng mga Pagpapala ng Priesthood,” Liahona, Hunyo 2018

Paggunita sa Paghahayag noong 1978

Pagpapaabot ng mga Pagpapala ng Priesthood

Mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak at naglaan Siya ng paraan para ang bawat isa sa atin ay makabalik sa Kanya.

pamilyang naglalakad sa Ghana Temple

Naglalakad ang isang pamilya sa bakuran ng Accra Ghana Temple, isa sa walong templong ibinalita, kasalukuyang itinatayo, o gumagana sa Africa.

Itinuturo sa Aklat ni Mormon na “pantay-pantay ang lahat sa Diyos,” pati na ang “maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae” (2 Nephi 26:33). Dahil mahal tayong lahat ng Diyos, naglaan Siya ng paraan para ang bawat isa sa atin ay makabalik sa Kanya (tingnan sa Moises 5:9; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3). Sa buong kasaysayan ng Simbahan, ang mga tao sa bawat lahi at etniko ay nabinyagan para sa layuning iyon at namuhay bilang matatapat na miyembro ng Simbahan.

Mula noong kalagitnaan ng 1800s, hindi inorden ng Simbahan ang mga lalaking may lahing itim na African sa priesthood o pinayagan ang mga lalaki o babaeng itim na makibahagi sa endowment o mga ordenansa ng pagbubuklod sa templo.1 Sa paglipas ng mga taon, isinulong ang maraming teoriya para mabigyang-katwiran ang pagbabawal. Binigyang-diin na ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga teoriyang ibinigay sa pagtatangkang ipaliwanag ang mga pagbabawal ay “kuwento-kuwento” lamang na hindi dapat ipagpatuloy: “Gaano man kaganda ang intensyon ng mga paliwanag, palagay ko halos lahat ng ito ay hindi sapat at/o mali. … Hindi talaga natin alam kung bakit nakagawian … iyon.”2

Maraming propeta at mga Pangulo ng Simbahan, kabilang na si Brigham Young, ang nangako na darating ang araw na lahat ng lalaking karapat-dapat ay tatanggap ng priesthood. Batid ang mga pangakong ito at nasaksihan ang katapatan ng mga miyembrong itim, ang mga pinuno ng Simbahan noong kalagitnaan ng ika-20 siglo ay “nagsumamo nang matagal at taimtim … na nagsusumamo sa Panginoon para sa banal na patnubay.”3

Paghahayag mula sa Diyos

Dumating ang patnubay na iyan kay Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) “matapos ang mahabang pagninilay-nilay at panalangin sa mga banal na silid ng banal na templo.” Noong Hunyo 1, 1978, inihayag ng Panginoon sa Kanyang propeta at sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol na “ang matagal nang ipinangakong araw ay sumapit na kung kailan ang bawat matapat, karapat-dapat na lalaki sa Simbahan ay maaaring matanggap ang banal na pagkasaserdote, na may kapangyarihang gamitin ang banal na karapatang ito, at tamasahing kasama ng kanyang mga minamahal ang lahat ng pagpapalang umaagos mula roon, kasama na ang mga pagpapala ng templo.”4

Nang ibalita ang paghahayag, sinabi ng Unang Panguluhan, “Aming ipinahahayag nang may kahinahunan na ipinaalam ng Panginoon ngayon ang kanyang kalooban para sa pagpapala ng lahat ng kanyang mga anak sa lahat ng dako ng mundo.”5

Nang sumunod na pangkalahatang kumperensya, inilahad ng Unang Panguluhan ang paghahayag sa mga miyembro ng Simbahan, na tinanggap ito bilang “salita at kalooban ng Panginoon” at nagkaisang sang-ayunan ang Opisyal na Pahayag 2 bilang bahagi ng mga banal na kasulatan.

Ang Resulta ng Paghahayag

binatilyong nagtuturo

Nagtuturo ang isang binata sa isang quorum meeting sa Paris, France, kung saan karamihan sa mga ward ay may mga miyembro mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Napakalaki ng epekto ng paghahayag. Hindi lamang naipaabot ng Diyos ang mga pagpapala ng priesthood at ng templo sa lahat ng karapat-dapat na miyembro anuman ang lahi, kundi maaari ding isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa lahat ng taong nabuhay.

Dahil sa paghahayag dumating ang mga pagkakataong palawakin ang gawaing misyonero, at dumami ang mga miyembro sa maraming bansa, lahi, wika, at tao.

Mga Turo ng Simbahan

Habang patuloy ang gawain ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo, nagtamasa ang mga miyembro ng Simbahan ng isang panahon ng higit na pagkakaisa. Habang lalong nakikihalubilo ang mga miyembro ng Simbahan sa iba mula sa maraming nasyonalidad at kultura, binigyang-diin ng mga pinuno ng Simbahan ang kahalagahan ng pagmamahal at pagpapalakas sa isa’t isa at pag-aalis ng anumang uri ng panghuhusga at pagkapoot sa lahi.

“Kailangan nating yakapin ang mga anak ng Diyos nang may habag at alisin ang anumang panghuhusga, pati na ang pagkapoot sa lahi, diskriminasyon sa kasarian, at nasyonalismo,” pagtuturo ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Hayaang masabi na tunay tayong naniniwala na ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay para sa bawat anak ng Diyos.”6 Tungkol sa walang-hanggang pamilya ng Diyos, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Pag-unawa lamang sa tunay na Pagkaama ng Diyos ang makapagdudulot ng lubos na pagpapahalaga sa tunay na kapatiran ng tao. Ang pag-unawang iyan ay nagbibigay-inspirasyon sa hangaring magkaisa sa halip na maghiwa-hiwalay.”7

Pagsulong nang Magkakasama

mag-ama na nakaupo sa loob ng simbahan

Bagama’t hindi natin alam ang lahat, may ilang bagay na maaaring malaman ng bawat isa sa atin. Maaari nating malaman na mahal tayo ng Diyos at plano Niyang lahat tayo’y maging nagkakaisang walang-hanggang pamilya. Maaari nating malaman na ito ang ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon at na pinamumunuan Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang pagkakaroon ng sariling patotoo tungkol sa mga katotohanang ito ay makatutulong habang sama-sama tayong sumusulong sa pamamagitan ng mga oportunidad at hamong kinakaharap natin sa landas tungo sa pagiging katulad Niya (tingnan sa Moroni 7:48).

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Race and the Priesthood,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  2. Sa “The Mormons” (interbyu kay Jeffrey R. Holland, Mar. 4, 2006), pbs.org/mormons/interviews; tingnan din sa Dallin H. Oaks, sa “Apostles Talk about Reasons for Lifting Ban,” Daily Herald, Hunyo 5, 1988, 21.

  3. Opisyal na Pahayag 2.

  4. Opisyal na Pahayag 2.

  5. Opisyal na Pahayag 2.

  6. M. Russell Ballard, “Patuloy ang Paglalakbay!” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 106.

  7. Russell M. Nelson, “Teach Us Tolerance and Love,” Ensign, Mayo 1994, 70.