Narito ang Simbahan?
Jon Evans, California, USA
Sumapi ako sa Simbahan sa edad na 36, at paminsan-minsa’y malakas ang espirituwalidad ko. Sa ibang mga pagkakataon naman ay ginawa ko lang ang mga bagay na inaasahan sa akin. Sa pagitan ng abalang iskedyul sa trabaho, pagsisimula ng asawa ko sa isang bagong trabaho, mahinang kalusugan, at iba pang mga hamon, nagsimulang bumagsak ang espirituwalidad ko. Dumalo ako sa simbahan at tumulong sa pagtuturo sa deacons quorum, pero iyon lang ang nakayanan kong gawin. Hindi ako nagkaroon ng lakas na buksan ang aking mga banal na kasulatan o lumuhod para magdasal.
Nahihirapan pa rin ako nang magpunta ako sa hilagang Chile dahil sa trabaho ko. Mula sa airport sa Copiapó, nagmaneho kami nang dalawang oras patungo sa kinaroroonan ng solar installation project sa Atacama Desert sa Chile. Nagulat ako kung gaano kaliblib ang lugar na ito, milya-milyang pulang disyerto lang ang makikita. Nakasisindak ang kalungkutan ng tanawin.
Matapos manatili sa lugar nang mga isang linggo, nagtungo kami sa pinakamalapit na bayan para sa mga suplay. Nakita ko roon ang isang gusaling tumawag sa aking pansin. Pinatabi ko ang drayber. Ang gusali ay may magandang bakuran na napapaligiran ng itim na bakod na bakal. Nasa harapan ng gusali ang isang pamilyar na karatula, “La Iglesia de Jesucristo de los Santos de los Últimos Días” o “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
“Narito ang Simbahan?” naisip ko. Namangha ako na nakaabot na ang Simbahan sa liblib na bahaging ito ng mundo. Kinunan ko ng retrato ang meetinghouse at ipinadala ito sa pamamagitan ng text sa asawa ko. Napakatindi ng epekto ng tugon niya sa akin: “Nalalaman ng Ama sa Langit ang Kanyang mga tao sa lahat ng lugar.”
Direktang mensahe ito sa akin mula sa aking Ama sa Langit. Sa hirap ng mabuhay araw-araw, nalimutan ko, at kinailangan akong paalalahanan, na mahal ng Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang anak. Mahal Niya ang mga Banal na iyon sa munti at liblib na bayan sa gitna ng disyerto, at mahal Niya rin ako.
Noong gabing iyon lumuhod ako at nagpasalamat sa Ama sa Langit para sa mga pagpapalang ibinigay Niya sa akin sa araw na iyon. Ang pagkaalam na mahal Niya ako ay nakatulong sa akin na palakasing muli ang aking espirituwalidad, at patuloy ako nitong pinalalakas araw-araw.