2018
Delva Netane
Hunyo 2018


Mga Larawan ng Pananampalataya

Delva Netane

California, USA

Netane family

Masayang ginugugol nina Delva at Kirkome Netane ang kanilang oras sa piling ng kanilang mga anak, sina Teisa (kanan) at MeLa (kaliwa). Mula noon ay nabiyayaan pa ng dalawang anak ang pamilya Netane.

Netane family

Bagama’t mahirap ang pangalawang pagbubuntis ni Delva, nagpapasalamat sina Delva at Kirkome sa mga pagpapalang natanggap nila. “Ang karanasang ito ay mas nagpalapit sa aming pamilya sa isa’t isa at sa Panginoon,” sabi ni Delva.

Netane family

Habang ginugunita ang mahirap na pagbubuntis, sabi ni Kirkome, “Gulung-gulo ang isipan ko. Pero kumapit kaming mag-asawa sa aming patotoo sa ebanghelyo. Kumapit kami sa pag-asa at pumayag na kung may tsansa kaming maibibigay sa aming anak na babae, gagawin namin ang lahat.”

Netane family

“Isang pagpapala ang makalaro si MeLa araw-araw at makita ang kanyang ngiti,” sabi ni Kirkome. “Isang palagiang patotoo ito sa amin na ang Diyos ang kumokontrol at na ang mga sagot sa mga dalangin ay maaaring dumating sa atin nang mas malinaw at mas buhay kaysa anupamang bagay na maiisip natin.”

Netane family

Apat na buwan sa kanyang pangalawang pagbubuntis, sinabihan si Delva na ang sanggol ay may di-karaniwang chromosome disorder na tinatawag na trisomy 13. Maliit ang tsansang mabuhay ang sanggol, at dahil maaaring nanganganib din ang buhay ni Delva, paulit-ulit siyang pinayuhan ng mga doktor na ipalaglag ang bata. Nahaharap sa walang-katiyakang resulta, pinili ni Delva na magtiwala sa Ama sa Langit anuman ang mangyari.

Christina Smith, photographer

Sinabihan ako na mabuhay man ang anak ko ay hindi siya tatagal nang mahigit isang oras. At kung mabuhay nga siya, sinabihan ako na hindi magiging maganda ang kalidad ng buhay niya. Matindi akong pinayuhan ng doktor ko na ipalaglag na ang bata. Pumunta ako sa ibang doktor at iyon din ang sinabi: ipalaglag ang bata.

Pagkatapos ay nagpunta ako sa isang doktor na kaibigan ko at miyembro ng Simbahan. Umasa ako na bubulungan siya ng Espiritu na magbigay ng ibang resulta ng pagsusuri. Tiningnan niya ang lahat ng resulta ng pagsusuri at ultrasound at katulad din sa ibang mga doktor ang kanyang pag-aalala. Ngunit sinabi niya sa akin na mag-aayuno siya at ipagdarasal niya ang aking pamilya at aasamin ang pinakamabuti.

Nakipagkita ako sa maraming iba’t ibang doktor at espesyalista sa buong pagbubuntis ko. Sa bawat pagkakataon ay iminungkahi nila na ipalaglag ko ang bata dahil natatakot silang manganib ang buhay ko. Pero hindi ko naisip na gawin iyon.

Handa kaming mag-asawa na tanggapin ang anumang mangyayari. Kung papanaw ang aming anak, malalaman namin na siya ay isang natatanging espiritu. Kung mabuhay siya at magiging pahirap, nananalig kami na malalagpasan namin iyon.

Napakahirap pa rin. Sinikap kong itago ang aking damdamin dahil mayroon akong dalawang-taong gulang na anak na babae at ayaw kong makita niya akong nagdurusa. Hindi ko alam kung ano ang gagawin, ano ang iisipin, o saan hihingi ng tulong. Sinuportahan ako ng aking asawa, mga kaibigan, at pamilya, pero pakiramdam ko ay hindi nila lubos na nauunawaan ang pinagdaraanan ko. Ang tanging taong tunay na makakaunawa ay ang Panginoon. Panay ang dasal ko na panatagin at patnubayan ako.

Sa huli, kinausap ko ang bishop namin at ipinaliwanag ko ang nangyayari. Inanyayahan niya ang ward na mag-ayuno para sa aming pamilya. Doon ako nagkaroon ng pag-asa. Nagsimula kong madama ang gumagabay na liwanag ng langit sa bawat desisyong kinailangan kong gawin.

Noong walo’t kalahating buwan na ako, nagpa-4D ultrasound ako.

Ilang linggo na lang at isisilang na ang aming anak, at natanto ko na maaaring iyon na ang wakas. Gusto ko ring iparekord ang tibok ng puso ng anak ko na ilalagay ko sa loob ng isang teddy bear para maalala ko siya.

Sa nakaraang mga ultrasound, walang makitang anumang pisikal na katangian ang mga doktor. Dahil dito, sinabi nila na ang mga kamay ng aming anak ay pudpod at sira ang hugis ng kanyang mukha. Ang mga larawan sa isang 4D ultrasound ay mas detalyado, kaya nang simulan ng technician ang ultrasound, nakita ko ang perpektong kamay ng anak ko na kumakaway sa akin sa screen. Nakita ko rin ang dalawang perpektong mata at isang perpektong bibig. Matindi ang pakiramdam ko na hindi siya mamamatay.

Nang isilang ang aming anak na si MeLa, nakaantabay ang mga espesyalista pero hindi sila kailangan. Walang trisomy 13 si MeLa. Hindi maipaliwanag ng mga doktor at espesyalista kung bakit, pero alam naming mag-asawa na ito ay isang himala.

Matapos isilang si MeLa, nagrekomenda ang mga doktor ng karagdagang genetic testing para malaman kung may anumang hindi normal sa kanya. Inihayag ng mga resulta ng pagsusuri na mayroon nga siyang hindi pangkaraniwang genetic condition. Nag-alala ang geneticist na si MeLa ay magiging bulag, bingi, at hindi makakalakad at hindi makapagsasalita. Gayunman, ngayon, kahit may kabagalan ang kanyang paglaki, si MeLa ay nakakakita, nakakarinig, at nakakagamit ng training device para tulungan siyang makalakad. Nakapagsasalita rin siya paminsan-minsan. Napakasaya niyang bata!

Labis kaming nagpapasalamat sa mga pagpapalang natanggap namin dahil sa buong prosesong ito. Alam namin na ang Ama sa Langit ang tunay na Lumikha at tunay na Tagapagpasiya sa ating buhay. Mapalad lang kaming maging bahagi nito. Araw-araw ay tinitingnan namin si MeLa at alam namin na isa siyang himala. Nagdudulot ng kaligayahan ang aming mga anak sa aming buhay at nagpapaalala sa atin na marami tayong dapat ipagpasalamat.