2015
Ang Di Makasarili at Sagradong Sakripisyo ng Tagapagligtas
Abril 2015


Ang Di-Makasarili at Sagradong Sakripisyo ng Tagapagligtas

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Truths Most Worth Knowing,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Nob. 6, 2011. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.

Laging nariyan ang Panginoon. Handa Siyang magdusa at bayaran ang kaparusahan kung handa kayong tanggapin Siya bilang inyong Manunubos.

Christ in Gethsemane.

Lahat tayo ay nabubuhay sa espirituwal na pagkakautang. Sa anumang paraan, ang utang ay palaki nang palaki. Kung patuloy kayong magbabayad, hindi kayo gaanong mag-aalala. Hindi magtatagal ay matututo kayo ng disiplina at malalaman ninyo na may takdang-araw ng paniningil. Dapat kayong matutong patuloy na magbayad ng inyong espirituwal na pagkakautang sa halip na hayaan itong patuloy na tumubo at magkaroon ng multa.

Dahil kayo ay sinusubukan, inaasahan na makagagawa kayo ng ilang pagkakamali. Palagay ko may mga nagawa kayo sa buhay na pinagsisisihan ninyo, mga bagay na ni hindi ninyo maihingi ng paumanhin, o maitama man lang; kung gayon, may pasanin kayo. Oras na para gamitin ang salitang kasalanan, na nagmamantsa tulad ng makapit na tinta at hindi madaling maalis. Ang kasalanan ay nagbubunga ng kalungkutan, panghihinayang sa nawalang mga pagpapala at oportunidad.

Kung kayo ay may pagkakasala, kayo ay katulad ng mga tao sa Aklat ni Mormon na binanggit ng mga propeta na, “Dahil sa kanilang kasamaan ay nagsimulang manghina ang simbahan; at nagsimula silang hindi maniwala sa diwa ng propesiya at sa diwa ng paghahayag; at ang mga kahatulan ng Diyos ay tumitig sa kanilang mga mukha” (Helaman 4:23).

Madalas nating lutasin ang ating pagkakasala sa pagsasabi sa isa’t isa at sa ating mga sarili na balewala ito. Ngunit kahit paano, sa kaibuturan ng puso natin, hindi natin pinaniniwalaan ito. Ni pinaniniwalaan natin ang ating sarili kung sasabihin natin ito. Alam natin. Hindi ito nababalewala!

Palaging nagtuturo ng pagsisisi ang mga propeta. Sinabi ni Alma, “Masdan, siya ay paparito upang tubusin ang yaong mga mabibinyagan tungo sa pagsisisi, sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan” (Alma 9:27).

Tahasang sinabi ni Alma sa kanyang suwail na anak, “Ngayon, ang pagsisisi ay hindi mapapasa mga tao maliban kung may kaparusahan, na walang hanggan din katulad ng buhay ng kaluluwa, nakaakibat salungat sa plano ng kaligayahan” (Alma 42:16).

May dalawang pangunahing layunin ang mortal na buhay. Ang una ay magkaroon ng katawan, na, kung pipiliin nating sumunod, ay mapapadalisay at madadakila at mabubuhay magpakailanman. Ang pangalawang layunin ay ang subukan tayo. Kapag sinusubukan tayo, tiyak na makagagawa tayo ng pagkakamali. Ngunit kung pipiliin nating sumunod, matututo tayo sa ating mga pagkakamali. “Kung sinasabi nating tayo’y hindi nangagkasala, ay ating ginagawang sinungaling siya, at ang kaniyang salita ay wala sa atin” (I Ni Juan 1:10).

Marahil ay nadarama ninyo na mahina ang inyong isip at katawan kumpara sa iba at naliligalig o nabibigatan kayo sa pasaning dulot ng ilang espirituwal na pagkakautang na may markang “lagpas na sa taning.” Kapag nakaharap ninyo ang inyong sarili sa mga sandaling iyon ng tahimik na pagninilay (na sinisikap iwasan ng marami sa atin), may ilang bagay ba kayong hindi pa napagsisihan na gumugulo sa inyong isipan? May bumabagabag ba sa inyong budhi? Kayo ba, sa anumang paraan, ay nakagawa ng maliit o malaking kasalanan?

Napakadalas naming tumanggap ng mga liham mula sa mga taong nakagawa ng malalaking pagkakamali at nabibigatan. Ang samo nila: “Mapapatawad pa ba ako? Magbabago pa kaya ako?” Ang sagot ay oo!

Itinuro ni Pablo sa mga taga Corinto, “Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa’t tapat ang Dios, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis” (I Mga Taga Corinto 10:13).

Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na ang ginhawa mula sa pagdurusa at pagkaligalig ay matatamo sa pamamagitan ng pagsisisi. Maliban sa iilan—na kakaunti lamang—na tumalikod tungo sa kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang nakagawian, walang adiksiyon, walang rebelyon, walang paglabag, walang kasalanan maliit man o malaki na hindi saklaw ng ipinangakong lubusang kapatawaran. Anuman ang nangyari sa buhay ninyo, naghanda ng daan ang Panginoon para kayo makabalik kung diringgin ninyo ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.

Ang ilan ay puno ng nakahihikayat na pamimilit, isang tuksong paulit-ulit na pumapasok sa isipan, marahil para makagawian, pagkatapos ay mauwi sa adiksyon. Madali tayong gumawa ng ilang paglabag at kasalanan at mangatwiran din na wala tayong kasalanan dahil ipinanganak tayong ganito. Nahuhulog tayo sa bitag, kaya dumarating ang pasakit at pagdurusang tanging ang Tagapagligtas ang makapagpapagaling. May kapangyarihan kayong tumigil at matubos.

Inaatake ni Satanas ang Pamilya

Minsan ay sinabi sa akin ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), “Huwag mo lamang sabihin sa kanila para makaunawa sila; sabihin sa kanila para hindi sila magkamali sa pagkaunawa.”

Sinabi ni Nephi: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa kalinawan; sapagkat sa ganitong pamamaraan gumagawa ang Panginoong Diyos sa mga anak ng tao. Sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbibigay-liwanag sa pang-unawa” (2 Nephi 31:3).

Kaya’t makinig mabuti! Magsasalita ako nang malinaw bilang isang taong tinawag at may obligasyong gawin ito.

Alam ninyo na may kaaway. Inilarawan siya ng mga banal na kasulatan sa ganitong mga salita: “Yaong matandang ahas na siyang diyablo, … [ang] ama ng lahat ng kasinungalingan” (2 Nephi 2:18). Siya ay itinapon mula pa sa simula (tingnan sa D at T 29:36–38) at pinagkaitan ng katawang mortal. Sumumpa siya ngayon na wawasakin ang “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8) at magiging kaaway ng lahat ng kabutihan. Nakatuon siya sa pag-atake sa pamilya.

Nabubuhay kayo sa panahon na laganap ang salot na pornograpiya sa iba’t ibang panig ng mundo. Mahirap itong takasan. Ang pornograpiya ay nakatuon sa bahagi ng inyong likas na pagkatao na nagbibigay sa inyo ng kapangyarihang lumikha ng buhay.

Ang pagpapasasa sa pornograpiya ay humahantong sa mga paghihirap, diborsyo, karamdaman, at iba’t ibang problema. Walang bahagi nito ang mabuti. Ang pagkolekta, panonood, o pagdadala ng anumang uri nito ay parang paglalagay ng isang makamandag na ahas sa backpack ninyo. Inilalantad kayo nito sa di-maiiwasang espirituwal na kapahamakan na katumbas ng tuklaw ng ahas na may kasamang turok ng nakamamatay na lason. Madaling mauunawaan ng isang tao, sa ganitong klaseng daigdig, na hindi mo namamalayan na nakalantad, binabasa, o pinanonood mo na pala ito nang hindi natatanto ang kakila-kilabot na mga bunga nito. Kung ganyan ang ginagawa ninyo, binabalaan ko kayo na itigil na ito. Itigil na ito ngayon!

Itinuturo ng Aklat ni Mormon na lahat ng tao “ay tinuruan nang sapat upang kanilang makilala ang mabuti sa masama” (2 Nephi 2:5). Kabilang kayo riyan. Alam ninyo kung ano ang tama at mali. Mag-ingat nang husto para hindi kayo tumawid sa linyang iyon.

Bagama’t halos lahat ng pagkakamali ay maaaring ipagtapat nang lihim sa Panginoon, may ilang paglabag na nangangailangan ng higit pa riyan para mapatawad. Kung ang inyong mga pagkakamali ay mabigat, makipagkita sa inyong bishop. Kung hindi naman, ang karaniwang pagtatapat, na tahimik at personal, ay katanggap-tanggap na. Ngunit alalahanin, ang kapatawaran ay maaaring hindi kaagad dumating. Kung nagkamali kayo noong una, huwag sumuko. Ang pagdaig sa panghihina ng loob ay bahagi ng pagsubok. Huwag sumuko. At tulad ng payo ko noon, kapag naipagtapat at tinalikuran na ninyo ang inyong mga kasalanan, huwag na itong lingunin.

Ang Tagapagligtas ay Nagdusa para sa Ating mga Kasalanan

Laging nariyan ang Panginoon. Handa Siyang magdusa at bayaran ang kaparusahan kung handa kayong tanggapin Siya bilang inyong Manunubos.

Bilang mga mortal, maaaring hindi, sa katunayan talagang hindi natin lubos na nauunawaan kung paano isinakatuparan ng Tagapagligtas ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ngunit sa ngayon ang paraan ay hindi kasinghalaga ng dahilan ng Kanyang pagdurusa. Bakit Niya ito ginawa para sa inyo, para sa akin, para sa buong sangkatauhan? Ginawa Niya ito dahil sa pag-ibig sa Diyos Ama at sa buong sangkatauhan. “Walang may lalong dakilang pagibig kay sa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang mga kaibigan” (Juan 15:13).

Sa Getsemani, humiwalay si Cristo sa Kanyang mga Apostol para manalangin. Anuman ang nangyari ay wala tayong kakayahang malaman! Ngunit alam natin na naisagawa Niya ang Pagbabayad-sala. Handa Siyang akuin ang mga pagkakamali, mga kasalanan at bigat ng konsiyensya, mga pag-aalinlangan at takot ng buong mundo. Nagdusa Siya para sa atin para hindi na tayo magdusa pa. Marami ang dumanas ng pagdurusa at masakit at malagim na kamatayan. Ngunit saklaw ng Kanyang pagdurusa ang lahat ng ito.

Sa edad kong ito, naranasan ko ang pisikal na sakit, at hindi ito nakakatuwa! Walang sinumang lilisan sa buhay na ito nang hindi natututuhan ang isa o dalawang bagay tungkol sa pagdurusa. Ngunit ang personal na pagdurusa na hindi ko makayanan ay nang malaman ko na naging dahilan ako ng pagdurusa ng isang tao. Doon ko nauunawaan nang bahagya ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Halamanan ng Getsemani.

Ang Kanyang pagdurusa ay kaiba sa lahat ng pagdurusa bago o pagkatapos niyon dahil pinasan Niya ang lahat ng kaparusahan na ipinataw sa lahat ng tao. Isipin ninyo iyan! Wala Siyang utang na dapat bayaran. Wala Siyang nagawang kasalanan. Gayunman, ang lahat ng kasalanan, pagdurusa at lungkot, sakit at kahihiyan, lahat ng pagdurusa sa isipan, damdamin, at katawan na naranasan ng tao—ay naranasan Niyang lahat. May iisang Tao lamang sa buong talaan ng kasaysayan ng sangkatauhan na walang kasalanan, na karapat-dapat na magbayad para sa mga kasalanan at paglabag ng lahat ng tao at makayanan ang sakit na kaakibat ng pagbabayad para sa kanila.

Inialay Niya ang Kanyang buhay at sinabing, “Ako ang magdadala ng mga kasalanan ng sanlibutan” (Mosias 26:23). Siya ay ipinako; Siya ay namatay. Hindi nila makukuha ang Kanyang buhay mula sa Kanya. Pumayag Siyang mamatay.

Jesus Christ and the two thieves depicted during the Crucifixion. The Apostle John is standing below the cross of Christ. Mary, the mother of Christ is standing beside John. Two other women are kneeling at the base of the cross. There are Roman soldiers and Jews standing in the background.

Ang Lubos na Kapatawaran ay Posible

Kung nagkamali o nalihis kayo sa loob ng maikling panahon, kung nadarama ninyo na bihag kayo ng kaaway, maaari kayong sumulong nang may pananampalataya at hindi na magpagala-gala pa sa mundo. May mga taong handang gumabay sa inyo pabalik sa kapayapaan at katiwasayan. Ang biyaya ng Diyos, tulad ng pangako sa mga banal na kasulatan, ay dumarating “sa kabila ng lahat ng ating magagawa” (2 Nephi 25:23). Ang posibilidad nito, para sa akin, ay ang katotohanan na napakahalagang malaman.

Ipinapangako ko na maaaring dumating ang maningning na umaga ng kapatawaran. Pagkatapos “ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga-Filipos 4:7) ay muling darating sa buhay ninyo, na parang pagsikat ng araw, at kayo at Siya ay “hindi na aalalahanin [pa ang inyong kasalanan]” (Jeremias 31:34). Paano ninyo malalaman? Malalaman ninyo! (Tingnan sa Mosias 4:1–3.)

Ito ang dahilan kaya ako naparito para turuan kayong may mga alalahanin. Mamamagitan Siya at lulutasin ang problemang hindi ninyo kayang lutasin, ngunit kailangan ninyong bayaran ito. Hindi ito dumarating nang hindi ninyo iyan ginagawa. Napakabait Niyang pinuno dahil lagi Niyang babayaran ang halagang kailangan, ngunit nais Niyang gawin ninyo ang dapat ninyong gawin, kahit masakit ito.

Mahal ko ang Panginoon, at mahal ko ang Ama na nagsugo sa Kanya. Ang mga pasanin ng ating pagkasiphayo, kasalanan, at bigat ng konsiyensya ay maaaring ilatag sa Kanyang harapan, at sa Kanyang bukas-palad na kundisyon, bawat utang sa listahan ay maaaring markahan ng “binayaran nang buo.”

“Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa.” Pagpapatuloy pa ni Isaias, “kung kayo’y magkusa at mangagmasunurin” (Isaias 1:18–19).

Jesus Christ with a woman who is wearing a red robe.

Mangagsilapit sa Kanya

Ang talatang “matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35) ay isang paanyayang may kasamang pangako ng kapayapaan at proteksyon mula sa kaaway. “Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” (I Kay Timoteo 4:12).

Huwag asahan na lahat ay magiging maayos habang kayo ay nabubuhay. Maging sa mga taong namumuhay nang nararapat, kung minsan ay kabaligtaran ang mangyayari. Harapin ang bawat hamon sa buhay nang may magandang pananaw at katiyakan, at magkakaroon kayo ng kapayapaan at pananampalataya na magtataguyod sa inyo ngayon at sa hinaharap.

Para sa mga taong wala pa ng lahat ng pagpapala na inaakala ninyong gusto at kailangan ninyo, matibay ang paniniwala ko na walang karanasan o pagkakataong mahalaga sa pagkatubos at kaligtasan na ipagkakait sa inyo na namumuhay nang tapat. Manatiling karapat-dapat; umasa, magtiyaga, at manalangin. May paraan para maisagawa ang mga bagay-bagay. Gagabayan kayo ng kaloob na Espiritu Santo at papatnubayan kayo sa inyong mga kilos.

Kung isa kayo sa mga nagdurusa sa kasalanan, kalungkutan, o depresyon dahil sa mga kamaliang nagawa ninyo o mga pagpapalang hindi pa dumarating, basahin ang nakapapanatag na mga turo na matatagpuan sa himno na, “Magsipaglapit kay Jesucristo”:

Magsipaglapit kay Jesucristo,

Kayong hapo at nagdurusa.

Papatnubayan ang ‛yong pagtungo

Sa pahingahangang lunan.

Magsipaglapit kay Jesucristo,

Kung ikaw man ay naliligaw,

Kanyang pag-ibig ang S’yang aakay

Sa liwanag ng araw.

Magsipaglapit kay Jesucristo;

Diringgin N’ya ang ‛yong dalangin.

Ang mga anghel ang s’yang tatanod,

Nagmumula sa langit.1

Inihahayag ko, kasama ang mga Kapatid na Apostol, ang pagiging isang natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo. Ang pahayag na iyan ay muling pinagtitibay sa akin sa tuwing nadarama ko sa aking sarili o sa iba ang nakalilinis na epekto ng Kanyang sagradong sakripisyo. Ang aking patotoo, at ng aking mga Kapatid, ay totoo. Kilala namin ang Panginoon. Kilala Siya ng Kanyang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Nauunawaan ko na hindi kayo perpekto, ngunit sumusulong kayo sa landas na iyon. Lakasan ang inyong loob. Dapat ninyong malaman na ang sinumang tao na may katawan ay may kapangyarihan laban sa isang walang katawan.2 Si Satanas ay pinagkaitan ng katawan; kaya kung maharap kayo sa mga tukso, dapat ninyong malaman na madadaig ninyo ang lahat ng tuksong iyon kung gagamitin ninyo ang kalayaang ibinigay kina Adan at Eva sa halamanan at ipinasa sa henerasyong ito mismo.

Kung titingin kayo sa hinaharap nang may pag-asa at hangaring gawin ang ipagagawa sa inyo ng Panginoon—iyan ang siyang inaasahan.

Mga Tala

  1. Tingnan sa “Magsipaglapit kay Jesucristo,” Mga Himno, blg. 68.

  2. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 245.