2015
Bumulong sa Akin ang Espiritu
Abril 2015


Bumulong sa Akin ang Espiritu

Christina Albrecht Earhart, Washington, USA

drawing of boys running

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

“Hoy, mga bata! Bumalik kayo!” tarantang sigaw ng isang tao.

Lumingon ako at nakita ko ang dalawang batang lalaki na mga lima at pitong taong gulang na tumatakbo sa parking lot ng tindahan habang umiiyak. Mukhang nag-aalala ang salesman nang tawagin niya sila.

Nang pabalik na ako sa kotse ko, bumulong ang Espiritu, “Makakatulong ka rito.” Mahina lang ang bulong pero napakalinaw kaya ilang sandali pa ay tumatakbo na ako sa parking lot papunta sa mga batang lalaki.

Nakita ko ang nakatatandang bata na nakatayo sa tabi ng isang brown minivan. Lumapit ako at lumuhod sa tabi niya.

“Hi. Ako si Christina. OK ka lang ba?”

Sa sinabi ko, lalo siyang umiyak at idinukmo ang kanyang mukha sa braso niya. Lumapit sa amin ang salesman at ang isa pang bata.

“French lang yata ang alam nilang salita,” sabi sa akin ng salesman. “Nakita lang namin silang tumatakbo sa tindahan, na parang naligaw.”

Nagpakilala akong muli sa mga bata sa wikang French. French ang kinalakhan kong wika, pero hindi ko na ito nagamit mula nang ampunin ako ng isang pamilyang Ingles ang gamit na salita noong bata pa ako. Hindi ako talaga magaling magsalita ng French. Pero sa sandaling iyon, hindi ako naasiwa o nautal. Malinaw ang mga salita sa isipan at boses ko nang panatagin ko ang mga bata.

Sa pagitan ng mga hikbi, ipinaliwanag ng nakatatandang bata na hindi nila mahanap na magkapatid ang kanilang mga magulang kahit saan sa tindahan kaya tumakbo sila palabas para hanapin nila. Habang nakikinig ako, medyo nagulat ako na hindi lang ako nakapagsalita nang diretso sa French kundi madali ko ring naunawaan at napanatag ang dalawang takot na bata.

“Nahiwalay sila sa kanilang mga magulang at gusto nilang hintayin sila rito sa kotse nila,” sabi ko sa salesman. Sinabi sa akin ng bata ang pangalan ng kanyang mga magulang, na ibinigay ko sa salesman para mai-page niya sila. Pagkaraan ng ilang minuto nasulyapan ng bata ang kanyang ama na palabas sa tindahan at tumakbo siya para salubungin ito.

Nang sundan ko ang bata papunta sa kanyang ama, natuklasan ko na hindi ko na kayang magpaalam sa wikang French. Sinikap kong magsabi ng anumang mauunawaan ng mga bata, pero iilang salita na lamang ang nasabi ko. Sa huli, nag-Ingles na lang ako, at sinabi ko sa mga bata, “Bye. Masaya akong makilala kayo.”

Nang iwan ko ang mga bata sa kanilang mga magulang, puspos ako ng pasasalamat. Ginamit ako ng Ama sa Langit para panatagin ang dalawa sa Kanyang maliliit na anak. Napakumbaba ako na kayang dagdagan ng Panginoon ang limitadong kakayahan ko para isakatuparan ang Kanyang mga layunin. Nagpapasalamat akong masaksihan ang maaaring mangyari kapag inialay natin ang ating sarili sa Kanya kapag tinawag tayo, kahit sa hindi inaasahang mga pagkakataon.