2015
Kailangan Ko Kayo
Abril 2015


“Kailangan Ko Kayo”

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang hindi na namin alam kung ano pa ang ituturo namin, iminungkahi ng kompanyon ko na kantahin namin ang himnong ito.

drawing of family with missionaries

Isang maaliwalas na Linggo ng hapon sa misyon ko sa Balsan, Korea, nagpapaalam kami ng kompanyon ko sa mga miyembro pagkatapos magsimba at magpo-proselyte na sana kami nang ipakilala kami ng ward mission leader sa 12-taong-gulang na batang lalaking si Kong Sung-Gyun. Nagsimba siya noong araw na iyon at gusto pang matuto tungkol sa ebanghelyo.

Siyempre nasabik kaming magkaroon ng pagkakataong turuan siya, pero kinabahan din akong magturo sa isang bata. Nagpasiya kaming tiyakin na may pahintulot kami ng mga magulang niya, kaya tumawag ako sa bahay ni Kong Sung-Gyun at kinausap ko sandali ang nanay niyang si Pak Mi-Jung. Nagulat ako nang sabihin niyang natutuwa siya na interesadong magsimba ang kanyang anak at na malugod niya kaming tatanggapin sa kanilang tahanan para turuan ito.

Di-inaasahang mga Investigator

Nang sumunod na gabi dumating kami sa bahay ng bata, na handang magturo. Nagulat kaming malaman na gusto ring paturuan ni Pak Mi-Jung ang kanyang anak na babaeng si Kong Su-Jin. At dahil estranghero kami sa bahay niya, gustong makinig ni Pak Mi-Jung sa pagtuturo namin. Siyempre masaya kaming nagturo sa lahat ng gustong makinig.

Matapos nila kaming pakainin ng meryenda, sama-sama kaming naupo at nag-usap-usap. Sa halip na pagsimulain kaming magturo kaagad, ginusto ni Pak Mi-Jung na makilala pa kami nang husto at ikinuwento sa amin ang sitwasyon ng kanyang pamilya. Ikinuwento niya sa amin ang mga pagsubok at paghihirap na dinanas nila kamakailan, pati na ang huling pakikibaka ng kanyang anak na lalaki sa kanser. Matagumpay ang radiation treatment sa kanya, at wala na ang kanser sa kasalukuyan, ngunit binalaan sila ng mga doktor na maaaring bumalik ito anumang oras. Malaking dagok ito sa pamilya. Lahat sila ay nagtatrabaho, at kinailangang magsikap nang husto ng ama para magkaroon sila ng bubong sa kanilang ulunan at pagkain sa mesa.

Nagulat at nalungkot ako sa mga pagsubok nila sa buhay. Hindi madali ang buhay para sa kanila, ngunit ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ay mas nakita ko sa kanila kaysa sa sinumang pamilyang nakilala ko sa Korea, na naglalarawan nang husto sa isang lipunang nakatuon sa pamilya na gaya ng Korea. Nilisan namin ang kanilang tahanan noong gabing iyon na mas kilala ang espesyal na pamilyang ito at nagkaroon kami ng pagkakataong ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa kanila.

Nagbalik kami ng kompanyon ko para magturo pa nang ilang beses noong linggong iyon, na sa bawat pagkakataon ay malugod kaming tinatanggap at magiliw na pinakikitunguhan gaya noong una naming pagbisita. Nang pag-usapan ang tungkol sa binyag, kapwa sabik na sabik ang mga bata na sumapi sa Simbahan. Gayunman, hindi ganito ang nadama ng kanilang ina. Kahit nasiyahan siya sa mga turo namin at umasa na sana’y totoo ito, hindi niya nadama na kaya niyang gawin at tuparin ang uri ng mga pangakong kailangan sa pagsapi sa Simbahan. Hindi rin niya nadama na angkop na mabinyagan siya nang wala ang kanyang asawa, na hindi pa namin nakikilala. Gayunman, handa siyang ituloy ang pakikipagkita sa amin at gusto rin niyang sumama sa kanyang mga anak sa pagsisimba.

Sa pagtatapos ng ikalawang linggong iyon, habang patuloy kaming nagtuturo sa bahay nila, nakilala namin ang kanyang asawang si Kong Kuk-Won—isang taong mababa ang kalooban, mapagmahal, at mapagbigay. Sumali siya sa amin sa huling ilang talakayan at agad naniwala sa lahat ng itinuro namin, pati na ang mga doktrinang madalas ay mahirap para sa iba gaya ng ikapu at Word of Wisdom. Sa kabila ng halos-dukha nilang sitwasyon, nagsimula silang magbayad ng ikapu. Ang tanging hadlang sa ama ay ang pagtatrabaho niya tuwing Linggo. Nagtatrabaho siya noon sa Seoul International Airport tuwing Linggo, kaya hindi siya makasimba na kasama ng kanyang pamilya. Sa kabila ng iskedyul niya sa trabaho, nagkasundo silang mag-asawa na dumalo sa binyag ng kanilang mga anak nang sumunod na Linggo.

Kasunod ng binyag ng mga bata, patuloy kaming nakipagkita nang madalas sa pamilya sa bahay nila. Nagdaos kami ng family home evening, nagbahagi ng mga talata sa banal na kasulatan at nakasisiglang mga karanasan, at ipinakilala namin sila sa mga miyembro ng ward. Gayunman, sa kabila ng patuloy na mga karanasan sa ebanghelyo, ayaw pa ring magpabinyag ng mga magulang.

Samantala, nalipat na ng lugar ang kompanyon ko, at ang bagong kompanyon ko ay isang elder na kagagaling lang sa missionary training center. Puspos siya ng pananampalataya, sigla, at tuwa, at totoong nahirapan akong makibagay sa kanya. Matapos kausapin sina Kong Kuk-Won at Pak Mi-Jung nang ilang beses, nilapitan ako ng kompanyon ko at tinanong kung nakapag-ayuno na kami ng dati kong kompanyon na kasabay ang pamilya. Hindi pa. Katunayan, ni hindi ko naisip iyon. Kaya kinausap namin ang pamilya at nagmungkahi kami na mag-ayuno kami. Nagulat akong matuklasan na paminsan-minsan na pala silang nag-aayuno, kapwa para sa kalusugan ng kanilang anak na lalaki at para magbago ang iskedyul ni Kong Kuk-Won sa trabaho para makasimba siya. Pagkatapos naming mag-ayuno ng kompanyon ko na kasabay nila, nasagot ang aming mga dalangin at nagbago ang iskedyul ni Kong Kuk-Won sa trabaho. Ngunit hindi pa rin desididong magpabinyag si Pak Mi-Jung.

Isang Inspiradong Ideya

Pagkatapos ay nagkaroon ng isa pang magandang ideya ang kompanyon ko. Inilabas niya ang kanyang pocket-sized hymnbook at hiniling na sabayan nila kami sa pagkanta. Bagama’t nakakanta na kami nang sabay-sabay dati, hindi ko kailanman nakitang kumanta si Pak Mi-Jung at inakala ko na lang na hindi siya mahilig kumanta o atubili siya dahil bago sa kanya ang kanta. Tinanong siya ng kompanyon ko kung may paborito siyang himno, at sa pagkamangha ko, gumaralgal ang kanyang tinig at sumagot na bata pa siya ay paborito na niya ang himnong “Kailangan Ko Kayo” (Mga Himno, blg. 54). Nagsimula kaming kumanta sa apatang tinig, ang ama ang melody, ang ina ang alto, ang kompanyon ko ang tenor, at ako ang bass.

Damang-dama ang Espiritu sa silid. Nang kantahin namin ang ikatlong taludtod, napaiyak siya, at tumigil sa pagkanta habang patuloy pa rin kami:

Kailangan ko Kayo,

T’wing may sakit.

Kapag wala, buhay

Ay kay pait.

Kayo’y aking kailangan,

Sa t’wina’y kailangan!

Ako ay pagpalain

At pakinggan!

Nang matapos namin ang ikaapat at huling talata, humihikbi siya. Nang sikapin siyang panatagin ng kanyang asawa, sa huli ay huminahon din siya. Tiningnan niya ako nang tuwid sa mga mata at sinabing, “Kailangan kong magpabinyag.”

drawing of woman holding an Asian hymnbook

Ang binyag nina Kong Kuk-Won at Pak Mi-Jung noong Linggo ng hapong iyon ang isa sa pinaka-espirituwal sa misyon ko. Lumahok sa programa ang kanilang mga anak, at maraming miyembro sa lugar ang dumalo para magpakita ng suporta sa pinakabagong kasaping pamilya sa kanilang ward. Kami ng kompanyon ko ang nagbigay ng espesyal na bilang musikal: “Kailangan Ko Kayo.”

Kalaunan ay natapos ko ang aking misyon at umuwi na ako. Pagkaraan ng isang taon sa kolehiyo, bumalik ako sa Korea para sa isang summer internship, at bawat katapusan ng linggo ay sinisigurado kong mabibisita ang maraming espesyal na kaibigan at pamilyang nakilala ko sa aking misyon. Makalipas ang ilang linggo nagbalik ako sa Balsan at nakipagkita sa espesyal na pamilyang ito. Pagdating ko sa bahay nila, napansin ko na may kulang—ang kanilang anak na lalaki. May luha sa mga mata na ibinalita ni Pak Mi-Jung sa akin: umulit ang kanser ng kanilang anak at pumanaw, sa edad na 14.

Nang sikapin kong ipahayag ang aking pakikiramay at pigilin din ang sakit na nadama ko, tiniyak sa akin ni Kong Kuk-Won na magiging maayos ang lahat. Minahal nila ang ebanghelyo, nagsimba sila nang regular, at inasam nila ang araw na maaaring sama-samang mabuklod ang kanilang pamilya para sa buong kawalang-hanggan sa Seoul Korea Temple. Sa kabila ng sakit na nadama nila, batid ng pamilya na muli nilang makikita at makakapiling si Kong Sung-Gyun. Sinabi rin sa akin ni Pak Mi-Jung na ang pagkanta ng mga himno araw-araw ay nakatulong sa kanya na magkaroon ng lakas na makapagtiis at madama ang lakip na kapayapaang hatid ng Espiritu.

Nang lisanin ko ang bahay nila nang gabing iyon, pinag-isipan kong muli ang mga titik ng paboritong himno ni Pak Mi-Jung. Nagpapasalamat ako na pinanatag ng Ama sa Langit ang pamilya nang pumanaw si Kong Sung-Gyun, at nagpapasalamat ako lalo na sa papel na ginampanan ng Espiritu sa pagpapabinyag ni Pak Mi-Jung, na nagtulot sa pamilya na maging karapat-dapat para sa walang-hanggang mga pagpapala ng templo.