Ang Espirituwal na Impluwensya ng Kababaihan
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Alam ba natin ang kapangyarihan ng ating espirituwal na lakas?
Maraming mababait at mapagpakumbabang kababaihan sa Simbahan ang nagbibigay ng tapat na paglilingkod nang hindi natatanto ang lawak ng impluwensya ng kanilang buhay—hindi lamang bilang mga halimbawa ng temporal na paglilingkod, kundi bilang mga pamana rin ng espirituwal na lakas. Isa sa kababaihang ito ang lola ko, si Cherie Petersen. Buong buhay siyang tapat na naglingkod sa mga tungkuling hindi kapansin-pansin. Kung tatanungin mo siya, sasabihin niya na kakaunti lang ang talentong maibabahagi niya sa mundo. Gayunman, nang simulan kong pag-aralan ang kanyang buhay, natanto ko kung gaano kalaki ang epekto ng kanyang espirituwal na lakas sa aking buhay.
Tumigil sa pagsisimba ang mga magulang ni Cherie at nagdiborsyo noong napakabata pa niya, kaya lumaki siya sa piling ng inang si Florence, na palaging nagtatrabaho. Lalo pa ngang napabayaan si Florence noong bata pa ito, dahil lumaki siya sa isang boarding school samantalang ang kanyang inang si Georgia ay naging makamundo ang pamumuhay. Sa kabila ng mga paghihirap na dinanas niya habang lumalaki siya, nanatiling aktibo si Cherie sa ebanghelyo, tapat na nagsimba kasama ang pamilya ng kanyang lola-sa-tuhod na si Elizabeth o mga kaibigan. Nakita niya sa kanilang mga pamilya ang gusto niya para sa sarili niyang pamilya. Hindi niya talaga alam kung ano ang nararapat sa isang pamilya, ngunit alam niya kung ano ang hindi nararapat dito, at determinado siyang maging kaiba ang sarili niyang pamilya balang-araw.
Minsa’y sinabi ng asawa ni Cherie—ang lolo kong si Dell—sa akin, “Para magkaroon ka ng patotoo kailangan mo itong gustuhin. Noon pa man ay gusto nang magkaroon ni Cherie ng patotoo.” Bagaman puno ng mga hamon ang mga unang taon ng pagsasama nilang mag-asawa, determinado silang manatiling matatag bilang pamilya. Hindi sila gaanong nagsisimba sa unang taon ng kanilang pagsasama dahil sa iskedyul ng trabaho ni Dell, ngunit isang tawag na maglingkod sa Primary ang nagtulak kay Cherie na magsimulang magsimba, at di-nagtagal ay sumama na sa kanya si Dell sa simbahan bilang deacons quorum advisor. Kapwa sila naging aktibo at matatag sa Simbahan simula noon. Ang kahandaang maglingkod at determinasyon ni Cherie na magkaroon ng matatag na pamilya ay nakatulong sa aking ina na maging matatag, at ang halimbawa ng aking ina ay nakaimpluwensya sa buhay ko, lalo na ngayong may sarili na akong pamilya.
Bilang kababaihan maaari tayong magkaroon ng matinding espirituwal na impluwensya sa buhay ng mga nakapaligid sa atin. Katunayan, itinuro ni Joseph Smith na ang ating tungkulin ay “hindi lamang para magbigay-ginhawa sa mga dukha, kundi para magligtas ng mga kaluluwa.”1 Tinawag ni Jesucristo ang kababaihan ng Kanyang Simbahan na maging Kanyang mga disipulo at maging matatag sa espirituwal. Ang ating espirituwal na lakas at impluwensya ay mahalaga sa pagsulong ng gawain ng kaligtasan, at kailangan tayong maghanap ng mga pagkakataong espirituwal na patatagin ang mga nasa paligid natin. Kapag ginawa natin ito, ang impluwensya ng ating pananampalataya at kabutihan ay magtatagal nang higit pa sa nakikita natin.
Tinawag na Maging mga Disipulo
Isinulat ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pinakadakilang tagapagtanggol ng babae at pagkababae sa mundo ay si Jesus, ang Cristo.”2 Isipin, halimbawa, ang itinuro Niya sa dalawa sa Kanyang mga babaeng disipulo sa Bagong Tipan, ang magkapatid na sina Maria at Marta. Ipinaliwanag sa aklat na Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian na: Ang “Lucas 10 ay naglalaman ng salaysay tungkol sa pagbubukas ni Marta ng kanyang tahanan kay Jesus. Pinaglingkuran niya ang Panginoon sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa Kanyang temporal na mga pangangailangan, at si Maria ay naupo sa paanan ng Guro at nakinig sa Kanyang mga itinuturo.
“Sa panahong ang kababaihan ay karaniwang inaasahang maglaan lamang ng temporal na paglilingkod, itinuro ng Tagapagligtas kina Marta at Maria na ang kababaihan ay maaari ding espirituwal na makibahagi sa Kanyang gawain. Inanyayahan Niya silang maging Kanyang mga disipulo at makibahagi sa kaligtasan, ‘ang magaling na bahagi’ na hindi kailanman aalisin sa kanila.”3
Tulad ni Marta, kung minsa’y nagkakamali tayo sa pag-iisip na ang pangunahing tungkulin ng kababaihan ay magbigay ng temporal na paglilingkod, tulad ng pagluluto ng pagkain, pananahi, at paglilinis para sa iba. Ang paglilingkod na ito ay isang mahalaga at itinatanging sakripisyo; gayunman, higit pa sa pangangailangan Niya sa kababaihang marunong manahi at magluto, kailangan ng Panginoon ang kababaihang may espirituwal na lakas na ang pananampalataya, kabutihan, at pag-ibig sa kapwa ay nakikita sa kanilang buhay. Alam Niya na napakaraming maibibigay ang bawat isa sa atin. Nananawagan si Jesucristo sa ating lahat na pag-ibayuhin ang ating espirituwal na lakas at kakayahang tumanggap ng paghahayag at kumilos ayon dito para makatulong sa pagsusulong ng Kanyang gawain. Sinabi ni Linda K. Burton, Relief Society general president, sa kababaihan, “Ipinadala kayo sa mundo sa dispensasyong ito dahil sa inyong pagkatao at sa gawaing inihanda para sa inyo! Anuman ang sikaping ipaisip sa atin ni Satanas tungkol sa kung sino tayo, ang tunay nating pagkatao ay bilang disipulo ni Jesucristo!”4
Kilala tayo ng Panginoon at alam Niya ang ating sitwasyon, at may ipinagagawa Siya sa bawat isa sa atin dito sa mundo. Walang babaeng napakakaunti ng nalalaman o talento para maging espirituwal na impluwensya sa kabutihan at ilapit ang iba kay Cristo. Taglay ang banal na potensyal na ito may responsibilidad tayong maging mga espirituwal na pinuno sa ating tahanan at komunidad. Ipinahayag ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bawat kapatid na babae sa Simbahang ito na gumawa ng mga tipan sa Panginoon ay binigyan ng banal na tagubilin na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa, na akayin ang kababaihan ng daigdig, patatagin ang mga tahanan sa Sion, at itayo ang kaharian ng Diyos.”5
Hindi tayo kailangang magkaroon ng mataas na katungkulan o gumawa ng kakaibang mga bagay para tulungan ang mga nasa paligid natin na gumawa ng mga pasiyang mas maglalapit sa kanila kay Jesucristo—ang pinakamahalaga nating tungkulin. Ang pinakamalalaki at pinakamaliliit na bagay na ginagawa natin sa buhay ng isa o dalawang tao, kahit sa sarili lang nating pamilya, ay maaaring kapwa magkaroon ng matinding epekto.
Kababaihan sa Gawain ng Kaligtasan
Sabi sa isang paboritong himno, “Sa kababaihan ’pinagkatiwala, Dakilang gawain ng mga anghel.”6 Marami tayong maibibigay sa buhay ng mga taong mahal natin. Ikinuwento ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano naapektuhan ng espirituwal na lakas ng dalawang babae ang kanyang buhay:
“Noong bata pa ako, hindi miyembro ng Simbahan ang aking ama at di-gaanong nagsisimba ang aking ina. … Ilang buwan pagkaraan ng ikawalong kaarawan ko, lumuwas si Lola Whittle para bisitahin kami. Nag-alala si Lola na hindi pa ako nabinyagan ni ang kuya ko. Hindi ko alam kung ano ang sinabi niya sa mga magulang ko tungkol dito, ngunit alam ko na isang umaga ay isinama niya kami ng kuya ko sa parke at sinabi sa amin ang kanyang damdamin tungkol sa kahalagahan ng mabinyagan at dumalo nang regular sa mga pulong ng Simbahan. Hindi ko maalala ang mga detalye ng sinabi niya, ngunit umantig sa puso ko ang mga salita niya, at di-nagtagal ay nabinyagan kami ng kuya ko. …
“Gumamit si Lola ng sapat na lakas ng loob at paggalang para maipaunawa sa aming ama na mahalagang ihatid niya kaming magkapatid sa simbahan para sa aming mga pulong. Sa lahat ng angkop na paraan, ipinadama niyang kailangan namin ang ebanghelyo sa aming buhay.”7
Ang pangalawang pinagkukunan ng espirituwal na lakas ni Elder Scott ay ang asawa niyang si Jeanene. Noong nagdedeyt pa sila sinimulan nilang pag-usapan ang magiging buhay nila. Ipinahayag ni Jeanene, na lumaki sa isang matatag na pamilya ng mga missionary, ang kanyang hangaring makasal sa templo sa isang returned missionary. Si Elder Scott, na di-gaanong iniisip noon ang pagmimisyon, ay naapektuhan nang husto. “Umuwi ako, at wala na akong iba pang maisip. Magdamag akong gising. … Matapos ang maraming panalangin nagpasiya akong kausapin ang bishop ko at simulang mag-aplay sa misyon.”8 Kahit si Jeanene ang nagbigay sa kanya ng patnubay at inspirasyong kailangan niya, sinabi ni Elder Scott, “Hindi [kailanman] hiniling sa akin ni Jeanene na magmisyon ako para sa kanya. Inibig niya ako nang sapat para ibahagi ang kanyang pananalig at binigyan ako ng pagkakataong piliin ang direksyon ng sarili kong buhay. Kapwa kami nagmisyon at kalaunan ay ibinuklod kami sa templo. Ang lakas ng loob at katapatan ni Jeanene sa kanyang paniniwala ang nakagawa ng lahat ng kaibhan sa aming pagsasama. Tiyak ko na hindi kami liligaya kung hindi malakas ang kanyang pananampalataya sa alituntuning paglingkuran muna ang Panginoon. Isa siyang kahanga-hanga at mabuting halimbawa!”9
Ang espirituwal na impluwensya ng mga anghel na kababaihang ito sa kanyang buhay ang nakatulong sa isang binata—si Elder Scott—na gawin ang ilan sa pinakamahahalagang desisyon sa kanyang buhay: magpabinyag, magmisyon, at makasal sa templo.
Matutulungan natin ang iba na naising gumawa ng mabubuting pasiya sa pamamagitan ng ating halimbawa, mga kilos, pananalita, at personal na kabutihan. Ipinahayag ni Sister Carole M. Stephens, unang tagapayo sa Relief Society general presidency, “Tayo ay pinagtipanang mga anak sa kaharian ng Panginoon, at tayo ay may pagkakataon na maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay. … [Nakikibahagi tayo] sa gawain ng kaligtasan sa araw-araw sa maliliit at simpleng paraan—nagbabantay, nagpapalakas, at nagtuturo sa isa’t isa.”10 Kapag umasa tayo sa Espiritu at sumulong nang may taimtim at mapagpakumbabang pagsisikap na tulungan ang mga nasa paligid natin na mas mapalapit kay Cristo, gagabayan tayo sa kung ano ang magagawa natin at bibigyan tayo ng lakas na gawin ito, at madarama natin ang kagalakan na makapagdala ng mga anak ng Panginoon sa Kanya.
Pagiging Espirituwal na Impluwensya
Batid ang ating responsibilidad, maitatanong natin gaya ng mga disipulo noong araw, “Anong gagawin namin” (Ang mga Gawa 2:37) para maging espirituwal na impluwensya? Sa huling pangkalahatang kumperensya, inanyayahan ni Sister Burton ang kababaihan na wariin ang “ilang posibleng espirituwal na mga karatulang ‘help wanted’ na may kaugnayan sa gawain ng kaligtasan:
-
Help wanted: mga magulang na palalakihin ang kanilang mga anak sa liwanag at katotohanan
-
Help wanted: mga anak, kapatid . … tita … , pinsan, lolo’t lola, at matatapat na kaibigang magtuturo at mag-aalok ng tulong sa pagtahak sa landas ng tipan
-
Help wanted: mga nakikinig sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo at kumikilos ayon sa mga pahiwatig na natanggap
-
Help wanted: mga namumuhay sa ebanghelyo araw-araw sa maliliit at mga simpleng paraan
-
Help wanted: mga family history at temple worker na mag-uugnay sa mga pamilya sa kawalang-hanggan
-
Help wanted: mga missionary at miyembro na magpapalaganap ng ‘mabuting balita’—ang ebanghelyo ni Jesucristo
-
Help wanted: mga tagasagip na maghahanap sa mga naligaw ng landas
-
Help wanted: mga tumutupad ng tipan na maninindigan para sa katotohanan at tama
-
Help wanted: mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo.”11
Hindi na bago ang mga ito, ngunit kapag naghangad tayo ng mga pagkakataong makibahagi sa gawain ng kaligtasan, mapapahusay natin ang ating kakayahang tulungan ang mga nasa paligid natin. Sinabi ni Elder Ballard, “Wala nang makikita pa sa mundo na mas magiliw, mas mapangalaga, o mas nakapagbabago ng buhay kaysa sa impluwensiya ng isang matwid na babae.”12 Habang pinalalakas natin ang ating espirituwal na kapangyarihan sa pamamagitan ng personal na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan, matibay na pagsunod, at tapat na pagtupad sa ating mga tipan, magiging gayon ang ating impluwensya.
Higit pa sa Ating Nakikita
Sabi ni Pangulong Brigham Young (1801–1877), “Masasabi ba ninyo ang malaking kabutihang kayang gawin ng mga ina at anak na babae sa Israel? Hindi, imposible iyan. At mapagpapala sila ng kabutihang gagawin nila hanggang sa kawalang-hanggan.”13
Ang mabubuting desisyon ng lola ko ay nakaapekto sa mga henerasyon ng kanyang pamilya nang higit pa sa nakita niya noong siya ay dalagita pa. Gayunman, ang espirituwal na impluwensya ng kababaihan sa aking pamilya ay dama na noon pa man. Nagtamo si Cherie ng sarili niyang espirituwal na lakas mula sa pagmamasid sa kanyang lola-sa-tuhod (ang aking kalola-lolahan) na si Elizabeth. Ang halimbawa ng pananampalataya at patotoo ni Elizabeth ay humigit pa sa dalawang henerasyon ng pagiging di-aktibo para tulungan ang kanyang apo-sa-tuhod na si Cherie na huwag hayaang patuloy na magkawatak-watak ang mga pamilya na tulad ng dati at bumalik sa Simbahan.
Kapag naging espirituwal na lakas tayo sa mga nasa paligid natin, ang ating impluwensya ay hihigit pa sa ating nakikita. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Nananawagan kami sa kababaihan ng Simbahan na sama-samang manindigan para sa kabutihan. Kailangan nilang magsimula sa sarili nilang tahanan. Maituturo nila ito sa kanilang klase. Maipapahayag nila ito sa kanilang komunidad. …
“Ito para sa akin ang isang maningning na sinag ng pag-asa sa mundong humahakbang tungo sa sariling kapahamakan.”14
Kapag sinunod natin ang utos na ito, ang gawain ng Panginoon ay maisusulong sa daigdig na ginagalawan natin at, higit sa lahat, sa ating mga pamilya at sa buhay ng mga mahal natin.