2015
Dalisay na Relihiyon
Abril 2015


Dalisay na Relihiyon

Ang di-makasariling paglilingkod—paglimot sa ating sarili, pagtugon sa pangangailangan ng iba, at paglalaan ng ating buhay sa paglilingkod sa kanila—ay mga katangiang taglay na ng mga disipulo ni Jesucristo.

composite of different families

Mga paglalarawan ni Annie Henrie

Sa Mateo kabanata 11 itinuro sa atin ng Tagapagligtas ang isang mahalagang aral sa bagay na hindi Niya sinabi bilang pagtugon sa tanong ng mga disipulo ni Juan Bautista:

“Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad,

“At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

“Sumagot si Jesus at sa kanila’y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nakikita:

“Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita” (Mateo 11:2–5).

Sa halip na magbigay ng maikling paliwanag sa doktrina na naglalarawan na talagang Siya na nga ang, “yaong paririto,” ang Tagapagligtas ay tumugon sa pamamagitan ng Kanyang mga ginawa—ang Kanyang halimbawa ng paglilingkod.

Noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2014, ipinaalala sa atin ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Napaglilingkuran natin nang husto ang ating Ama sa Langit sa matwid na pag-impluwensya sa iba at paglilingkod sa kanila. “Ang pinakadakilang halimbawa na nabuhay sa mundo ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”1

Ang di-makasariling paglilingkod—paglimot sa ating sarili, pagtugon sa mga pangangailangan ng iba, at paglaan ng ating buhay sa paglilingkod sa kanila—ay mga katangiang taglay na ng mga disipulo ni Jesucristo. Tulad ng itinuro ni Haring Benjamin mahigit 100 taon bago isilang ang Tagapagligtas, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Ipinapaalala sa atin ni Santiago na ang mahalagang aspeto ng “dalisay na relihiyon” ay matatagpuan sa ating paglilingkod sa iba kapag ating “[dinalaw] ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian” (Santiago 1:27). Ang “dalisay na relihiyon” ay higit pa sa paghahayag ng paniniwala; ito ay pagsasagawa ng paniniwala.

Mahalin ang Inyong Kapwa mga Manlalakbay

Noong kalagitnaan ng Hulyo 1984, mga ilang linggo matapos kaming ikasal ng aking asawang si Carol sa Los Angeles California Temple, kami ay papunta noon sa Utah, kung saan sisimulan ko ang aking trabaho roon at si Carol naman ay tatapusin ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo. Tig-isa kami ng minamanehong sasakyan. Sa dalawang sasakyang ito, lulan dito ang lahat ng gamit na ililipat namin.

Nang nangangalahati na kami sa aming destinasyon, tumapat sa tabi ko ang sasakyan ni Carol at may isinisenyas sa akin. Ito ay noong mga panahong wala pang mga cell phone at smartphone, texting at Twitter. Nang makita ko ang ekspresyon sa kanyang mukha sa bintana ng sasakyan, masasabi kong hindi mabuti ang pakiramdam niya. Sinabi niya na kaya pa niyang magmaneho, pero nag-alala ako sa aking asawa.

Nang palapit na kami sa maliit na bayan ng Beaver, Utah, tumabi siyang muli, at dama ko na talagang kailangang huminto na siya sa pagmamaneho. May sakit siya at hindi na makapagmamaneho pa. Dalawa ang sasakyan namin na puno ng mga damit at regalo sa kasal, pero ang malungkot kaunti lang ang pera namin. Hindi kasama sa badyet namin ang upa sa isang silid sa hotel. Hindi ko na alam ang gagawin.

Hindi pa kami nakapunta sa Beaver, at dahil hindi talaga alam kung ano ang hinahanap ko, nagpaikut-ikot kami sandali hanggang sa makakita ng isang parke. Pumarada kami at nakakita ng isang puno na malilim, kung saan naglatag ako ng kumot para makapahinga si Carol.

Makalipas ang ilang minuto isa pang sasakyan ang dumating sa halos walang laman na parking lot at pumarada sa tabi ng dalawa naming sasakyan. Isang babae, na halos kasing-edad ng aming mga ina, ang bumaba sa kanyang sasakyan at nagtanong kung ano ang nangyari at kung may maitutulong siya. Binanggit niya na napansin niya kami nang mapadaan siya at nadamang dapat siyang huminto. Nang ipaliwanag namin ang aming sitwasyon, kaagad niya kaming inanyayahan na sundan siya papunta sa kanyang tahanan, kung saan maaari kaming magpahinga hangga’t kinakailangan.

Natagpuan namin ang aming sarili sa isang malambot na kama sa isang malamig na silid-tulugan sa silong ng kanyang tahanan. Nang maayos na ang aming katayuan, sinabi ng mabuting babaeng ito na may mga kailangan pa siyang tapusin at na iiwan muna niya kami nang ilang oras. Sinabi niya sa amin na kung nagugutom kami, maaari naming kainin ang anumang naroon sa kusina, at kung aalis na kami bago siya makauwi ay ipakisara lang namin ang pinto.

Matapos makatulog nang kaunti, bumuti na ang pakiramdam ni Carol at nagpatuloy na kami sa paglalakbay at hindi na kumain pa sa kusina. Nang umalis kami, hindi pa nakakauwi ang mabait na babae. Nanghinayang kami dahil hindi man lang namin nakuha ang address at pormal na napasalamatan ang aming mabuting Samaritana, na huminto at nagbukas ng kanyang tahanan sa mga estrangherong nangangailangan.

Nang pagnilayan ko ang karanasang ito, ang mga salita ni Pangulong Thomas S. Monson, na kinakikitaan ng payo ng Tagapagligtas na “humayo ka, at gayon din ang gawin mo” (tingnan sa Lucas 10:37) sa sinumang tao, ay pumasok sa aking isipan: “Hindi natin makakayang mahalin nang tunay ang Diyos kung hindi natin mahal ang ating kapwa mga manlalakbay sa mortal na buhay na ito.”2

Saanman tayo may makasalubong na “kapwa mga manlalakbay”—sa kalsada o sa ating mga tahanan, sa palaruan o sa paaralan, sa trabaho o sa simbahan—kapag tayo ay naghanap, nakakita, at kumilos, tayo ay magiging higit na katulad ng Tagapagligtas, nagpapala at naglilingkod habang nasa daan.

Sikapin

drawing of woman praying

Mga paglalarawan ni Annie Henrie

Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Hindi tulad ng ating mahal na Tagapagligtas, talagang hindi natin mababayaran ang kasalanan ng sangkatauhan! Bukod pa riyan, hindi natin talaga kayang pasanin ang lahat ng sakit, pasakit, at hirap ng mga tao (tingnan sa Alma 7:11–12).

“Gayunman, sa maliit nating magagawa, tulad ng paanyaya ni Jesus, totoong maaari tayong magsikap na maging ‘katulad [Niya]’ (3 Nephi 27:27).”3

Kapag sinikap natin na maging katulad Niya, na may tapat na hangaring tulungan ang “ating mga kapwa manlalakbay,” tayo ay mabibigyan ng mga pagkakataon na kalimutan ang sarili at pasiglahin ang iba. Ang mga pagkakataong ito ay maaring madalas ay hindi madali para sa atin, sinusubukan ang ating tunay na hangaring maging higit na katulad ng Panginoon, na ang pinakadakilang paglilingkod sa lahat, ang Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, ay bagay na hindi madaling gawin. “Gayon pa man,” sabi Niya, “ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (D at T 19:19.)

Ang taos-pusong pagsisikap na maging higit na katulad ng Tagapagligtas ay nagtutulot sa atin na makita ang maaaring hindi natin makita sa ibang paraan. Ang aming mabuting Samaritano ay madaling makahiwatig sa paghihikayat ng Espiritu kaya tumugon siya at tinulungan ang estrangherong nangangailangan.

Makita

drawing of three children with lantern

Mga paglalarawan ni Annie Henrie

Ang makakita sa pamamagitan ng espirituwal na mga mata ay ang makita ang mga bagay kung ano talaga ang mga ito at makita ang mga pangangailangan na maaaring hindi natin napapansin. Sa talinghaga tungkol sa mga tupa at kambing, hindi nakilala maging ng taong “matuwid” ni ng taong “sinumpa” ang Tagapagligtas sa mga taong nagutom, nauhaw, hubad, o nasa bilangguan. Tumugon sila sa kanilang gantimpala sa pagtatanong ng, “Kailan ka namin nakita?” (Tingnan sa Mateo 25:34–44).

Ang mga tao lamang na nakakakita sa pamamagitan ng espirituwal na mga mata, nakatatanto sa mga pangangailangan, ang kumikilos at tumutulong sa mga naghihirap. Natanto ng aming mabuting Samaritano ang pangangailangan sa pamamagitan ng kanyang espirituwal na mga mata.

Kumilos

drawing of older woman and young man

Mga paglalarawan ni Annie Henrie

Maaaring nakikita natin ang mga pangangailangan sa paligid natin ngunit nakadarama ng kakulangan sa pagtulong, iniisip na hindi sapat ang maibibigay natin. Sa pagsisikap nating maging katulad Niya, at kapag nakita nating may mga pangangailangan ang ating kapwa mga manlalakbay sa pamamagitan ng ating espirituwal na mga mata, dapat tayong magtiwala na gagawa ang Panginoon sa pamamagitan natin, at pagkatapos ay kumilos tayo.

Pagpasok sa templo, nakita nina Pedro at Juan ang isang lalaki na “pilay buhat pa sa tiyan ng kaniyang ina” na humihingi ng limos sa kanila (tingnan sa Mga Gawa 3:1–3). Ang tugon ni Pedro ay isang halimbawa at paanyaya sa bawat isa sa atin:

“Pilak at ginto ay wala ako; datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristong taga Nazaret, lumakad ka.

“At kaniyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya’y itinidig” (Mga Gawa 3:6–7).

Maaari tayong kumilos sa pagbibigay ng ating panahon at mga talento, mabubuting salita, o pisikal na paggawa. Kapag nagsikap tayo at nakakita, ilalagay tayo sa mga kalagayan na makakakilos at makatutulong tayo. Kumilos ang aming mabuting Samaritano. Isinama niya kami sa kanyang tahanan at ibinigay sa amin ang mayroon siya. Sa katunayan ay parang sinabi niya, “Datapuwa’t ang nasa akin, ay siya kong ibinibigay sa iyo.” Iyon mismo ang kailangan namin.

Itinuro ni Pangulong Monson ang mga alituntunin ding ito:

“Bawat isa sa atin, sa paglalakbay sa mortalidad, ay maglalakbay sa sarili niyang Daan Patungo sa Jerico. Ano ang magiging karanasan ninyo? Ano ang sa akin? Hindi ko ba papansinin ang taong nabiktima ng mga magnanakaw at nangangailangan ng aking tulong? Kayo rin ba?

“Ako kaya ang taong makakakita ng nasaktan at narinig ang kanyang pagmamakaawa, subalit tatawid ako sa kabilang daan? Kayo rin ba?

“O, ako ang taong nakakita, nakarinig, huminto, at tumulong? Kayo rin ba?

“Ibinigay na ni Jesus ang sawikaing susundin, ‘Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.’ Kapag sinunod natin ang pahayag na iyan, mabubuksan sa ating walang hanggang pananaw ang kagalakan na bibihirang mapantayan at hindi kailanman mahihigitan.”4

Kapag tayo ay naging higit na katulad ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisikap, pagtingin, at pagkilos, malalaman natin ang katotohanan ng mga salita ni Haring Benjamin: “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Mga Tala

  1. Richard G. Scott, “Kayo’y Binigyan Ko ng Halimbawa,” Liahona, Mayo 2014, 35.

  2. Thomas S. Monson, “Pag-ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2014, 91.

  3. Neal A. Maxwell, “Apply the Atoning Blood of Christ,” Ensign, Nob. 1997, 22.

  4. Thomas S. Monson, “Your Jericho Road,” Ensign, Mayo 1977, 71.