Kantahin ang Paborito Mong Himno
Angela Olsen Center, Ohio, USA
Kapapanganak ko lamang sa aking anak na si Rebekah. Nahirapan ako sa panganganak, at patang-pata ako.
Nang ipakarga sa akin si Rebekah, nadama ko na dapat kong kantahin ang paborito kong himno na, “Ako ay Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 189). Ang una kong reaksyon ay, “Huwag muna, pagod na pagod ako. Mamaya ko na lang ito kakantahin sa kanya.” Pero sumagi itong muli sa aking isipan. Kaya, kahit patang-pata ako, sinimulan kong kantahin ang unang taludtod. Sinabayan ako ng asawa ko at ni Inay.
Nang matapos namin ang kanta, espesyal ang nadama ko sa silid. Maging ang doktor, na hanggang sa oras na iyon ay seryoso at hindi palakibo, ay napaluha. Pinasalamatan niya kami sa pagkanta ng isang napakagandang awitin. Sinabi niya na sa buong panahon na nagpapaanak siya hindi niya nadama kailanman ang nadama niya sa sandaling iyon.
Pinag-isipan ko ang karanasang iyon at inisip kung dapat akong maghanap ng recording ng himno at ibigay iyon sa kanya. Ang nakakalungkot, naging abala ako sa buhay at nalimutan ko ito.
At dumating ang araw ng postpartum checkup ko. Pagpasok ng doktor sa silid, sumaya ang mukha niya, at niyakap ako. Hindi raw niya malimutan ang kantang iyon at sinubukan pa niyang hanapin ito sa Internet para makanta niya ito sa pamilya niya. Noon ipinaalala sa akin ng Espiritu Santo na dapat sana ay kumuha ako ng kopya ng kanta para sa kanya. Nangako ako sa kanya na babalik ako sa linggong iyon na dala ang kanta.
Nang gabing iyon humingi ako ng tulong sa panalangin na makakita ako ng pagkakaayos ng kanta na aangkop sa kanya. Kinabukasan ng hapon umorder ako ng CD na nagtatampok sa kanta. Nang dumating ito sa koreo makalipas ang ilang araw, hindi ako makapaghintay na ibigay ito sa kanya.
Tuwang-tuwa siyang matanggap ito at pinasalamatan ako sa regalo. Hindi raw niya alam kung bakit, pero napakahalaga raw na maibahagi niya ang kantang ito sa kanyang pamilya. Habang nag-uusap kami, ibinahagi ko sa kanya hindi lamang ang pagmamahal ko sa kanta kundi pati na ang aking patotoo tungkol sa mga simpleng katotohanang itinuturo nito.
Habang nagmamaneho ako pauwi noong araw na iyon, nadama ko ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa isa sa Kanyang mga anak—ang aking doktor. Kilala at mahal Niya ito, at nais Niyang maunawaan nito na maaari din siyang makabalik na muli sa Kanyang piling.