Nangungusap Tayo tungkol kay Cristo
Ang Kapangyarihan ng Pananampalataya
Ang awtor ay naninirahan sa Oregon, USA.
Kung aalisin sa atin ng Ama sa Langit ang mga hamon sa buhay dahil lamang sa hiniling natin, ipagkakait Niya sa atin ang mismong mga karanasan na kailangan para sa ating kaligtasan.
Isang taon sa kolehiyo, kumukuha ako ng test nang magsimulang sumakit ang leeg ko. Hindi nawala ang sakit nang matapos na ang tensiyon na dulot ng test. Kumonsulta ako sa mga doktor at therapist at sinubukan ko ang iba’t ibang uri ng panggagamot, ngunit naroon pa rin ang sakit. Nang sumunod na taon, habang pinipilit kong kayanin ang sakit na ito, sinikap ko ring palakasin ang aking pananampalataya. Nag-ukol ako ng maraming oras sa panalangin, pinag-aralan ko ang mga banal na kasulatan, at humingi ako ng basbas ng priesthood. Nadama ko na kung sapat ang pananampalataya ko, gagaling ako.
Pinagaling ni Jesucristo ang mga maysakit, ang bulag, ang lumpo, ang ketongin—“alinsunod sa [kanilang] pananampalataya” (Mateo 9:29). Alam ko na may kapangyarihan Siyang pagalingin ako tulad ng ginawa Niya sa maraming tao noong narito Siya sa mundo. Naisip ko na, ang kakulangan ko ng pananampalataya ang humahadlang sa aking paggaling, kaya lalo akong nagsikap. Habang patuloy ako sa physical therapy, nagdasal ako at nag-ayuno at nag-aral at naniwala. Pero naroon pa rin ang sakit.
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na sa pananampalataya ay maaari tayong makagawa ng mga himala (tingnan sa Mateo 17:20), pero hindi maibsan ang kaunting pagdurusang ito. Nasaan ang bisa ng aking pananampalataya? Sa huli, panatag kong tinanggap ang sitwasyon ko, nakahanap ako ng mga paraan para makayanan ang sakit na nadarama ko, at nakuntento ako na balang-araw ay lubusan kong mauunawaan ang tungkol sa pananampalataya at paggaling.
Makaraan ang ilang taon nakausap ko ang isang kaibigan na nakaranas ng matinding pagkahilo na naging dahilan ng pagkaospital niya nang maraming beses sa kanyang unang pagdadalantao. Gusto ni Erin na magkaroon ng isa pang anak, pero natakot siya na baka mahirapan siyang muli na tulad noong una niyang pagdadalantao. Sinabi niya sa akin na matagal na siyang nag-aayuno at nagdarasal at na talagang naniwala siya na hindi na iyon muling ipadaranas sa kanya ng Ama sa Langit.
Habang nag-uusap kami, naalala ko ang talata sa banal na kasulatan na, “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios” (Awit 46:10). Naisip ko ang sarili kong karanasan na matutong mapanatag sa gitna ng pagdurusa at hinimok ko si Erin na patuloy na manampalataya ngunit huwag ibatay ang pananampalatayang iyon sa kung mahihilo siya o hindi sa susunod niyang pagdadalantao.
Nang patuloy kong pag-aralan ang alituntunin ng pananampalataya, binasa ko ang itinuro ni Alma tungkol sa pananampalataya na “kung ikaw ay may pananampalataya, umaasa ka sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21).
Nang pagnilayan ko ang talatang ito, natuklasan ko na ang pananampalataya ay hindi gaya ng inakala ko. Ang pananampalataya, na itinuro ni Alma sa atin, ay pag-asa sa tunay na mga alituntunin. Ang pagsampalataya ay hindi nangangahulugang naniniwala tayo na laging ibibigay sa atin ng Ama sa Langit ang hinihiling natin. Ang pananampalataya na pagagalingin ni Cristo ang leeg ko o na loloobin Niya na hindi mahilo si Erin sa pagdadalantao ay hindi pagsampalataya sa tunay na mga alituntunin. Gayunman, maaari tayong manampalataya na si Cristo ay may kapangyarihang magpagaling, na inaalala Niya tayo, na palalakasin Niya tayo, at na kung magtitiis tayong mabuti, maaari tayong maging marapat sa buhay na walang hanggan.
Nangako ang Panginoon, “Ang anumang bagay na iyong hihingin nang may pananampalataya, naniniwalang iyong tatanggapin sa pangalan ni Cristo, ito ay matatanggap mo” (Enos 1:15). Naniniwala ako na ang bisa ng pangakong ito ay nasa payo na maniwala “sa pangalan ni Cristo.” Itinuturo sa atin ng nakasulat sa Bible Dictionary tungkol sa panalangin na: “Nananalangin tayo sa pangalan ni Cristo kapag ang ating isipan ay nakaayon sa isipan ni Cristo, at ang ating mga naisin ay mga naisin ni Cristo—kapag nananatili sa atin ang Kanyang mga salita (Juan 15:7). Pagkatapos ay humihingi tayo ng mga bagay na maaaring ipagkaloob ng Diyos. Maraming panalanging hindi sinasagot dahil hindi ito inusal man lang sa pangalan ni Jesucristo; sa anumang paraan ay hindi ito nakaayon sa Kanyang isipan kundi nagmumula sa kasakiman ng puso ng tao.”
Kapag humiling tayo nang may pananampalataya para sa isang bagay na sang-ayon sa kalooban ng Diyos, ipagkakaloob Niya sa atin ang naaayon sa ating mga naisin. Kilala tayo ng Ama sa Langit, mahal Niya tayo, at nais Niyang mapasaatin ang lahat ng bagay na kailangan natin para makabalik tayo sa Kanyang piling. At kung minsan ay kabilang diyan ang mga pagsubok, problema, at hamon (tingnan sa I Ni Pedro 1:7). Kung aalisin sa atin ng Ama sa Langit ang mga hamon sa buhay dahil lamang sa hiniling natin, ipagkakait Niya sa atin ang mismong mga karanasan na kailangan para sa ating kaligtasan. Dapat tayong matutong magtiwala sa plano ng Diyos para sa atin at isuko natin ang ating kalooban sa Kanya. Kapag iniayon natin ang ating mga naisin sa Kanyang mga naisin at kinilala ang ating lubos na pag-asa sa Kanya, maaari tayong maging marapat na matanggap ang “layunin ng [ating] pananampalataya, [maging] ang pagkaligtas ng [ating] mga kaluluwa” (I Ni Pedro 1:9).