2015
Kailangan na Nating Magpunta sa Templo Ngayon!
Abril 2015


Kailangan na Nating Magpunta sa Templo Ngayon!

Mary Holmes Ewen, California, USA

drawing of elderly woman sitting and talking to another woman

Mga paglalarawan ni Bradley H. Clark

Isang Linggo ng umaga isang bagong binyag na miyembro ang ipinakilala sa ward. Ang pangalan niya ay Lydia. Agad namin siyang nakagiliwan.

Si Lydia ay medyo matanda na at bulag dahil matagal na siyang may diabetes. Agad niyang nakilala ang mga miyembro ng ward dahil sa kanilang mga boses at yabag. Binabanggit niya ang mga pangalan namin at kinakamayan kami, at hindi namin siya itinuring na bulag.

Makaraan ang isang taon ng paghihintay, nakipagkita si Lydia sa bishop at sa stake president para tanggapin ang kanyang temple recommend. Sa Relief Society isang araw ng Linggo, hinila niya ako sa kanyang tabi at sinabing, “Sinabi sa akin ng stake president na kailangan kong magpunta sa templo sa lalong madaling panahon. Masasamahan mo ba ako?”

Unang linggo iyon ng Disyembre—abala ang lahat. Sinubukan kong magdahilan at sinabing, “Puwede bang sa Enero na lang?”

“Hindi, kailangan na nating magpunta ngayon!”

Isang grupo ng kababaihan sa ward ang nagpupunta sa templo buwan-buwan, kaya kinausap ko silang isama si Lydia. Masyado rin silang abala. Ngunit muling sinabi sa amin ni Lydia, na lumuluha na, na sinabi ng stake president na magpunta siya sa lalong madaling panahon.

Nang sabihin niya iyon nagkasundo kaming lahat na magbiyahe nang 150 milya (241 km) nang sumunod na linggo. Habang daan, napuno ang van ng kuwentuhan at pagkakaibigan ng walong babae. Labis na natuwa si Lydia sa kanyang karanasan sa templo at sa pagpapalang matanggap ang kanyang endowment.

Sa unang linggo ng Enero, lumala ang kalagayan ni Lydia at ipinasok siya sa ospital para sa emergency care. Pagkaraan ng isang linggo pumanaw na siya. Ngunit humayo si Lydia na taglay ang mga walang-hanggang pagpapalang natanggap niya sa templo ilang linggo pa lang ang nakararaan.

Kalaunan ikinuwento ko sa stake president ang nangyari sa aming biyahe at sinabi kong malaki ang paghanga ko sa kanya na nadama niyang sabihin kay Lydia na kailangan na nitong pumunta kaagad sa templo.

“Hindi ko naman talaga ibig sabihin na kailangan na niyang magpunta ngayon,” sagot niya. “Lagi kong sinasabi sa bagong recommend holders na magpunta na kaagad sa templo. Ang Espiritu ang nangusap kay Lydia, hindi ako!”

Tinuruan kami ni Lydia na makinig sa Espiritu at kumilos kaagad sa paramdam nito. Nagpapasalamat ako sa paalala niya na pakinggan ang marahan at banayad na tinig.