2015
Sino ang Iyong Bayani?
Abril 2015


Sino ang Iyong Bayani?

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Alam ni Ellie kung sino ang bayani niya, pero takot siyang sabihin ito.

“Ipaglaban ang ʻyong pananalig; ʻsang bayani hanggang kamatayan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 80).

Kabadong kinagat ni Ellie ang kanyang hinlalaki. Iniisa-isa ni Miss Fitz ang hanay ng mga upuan at tinatanong ang bawat estudyante.

“Sino ang iyong bayani?” tanong ni Miss Fitz kay Jeremy.

Mabilis na sumagot si Jeremy. “Ang tatay ko po!” pagmamalaki niyang sagot.

Ngumiti si Miss Fitz. “At sino ang sa iyo, Sarah?”

Mabilis din ang sagot niya. “Abraham Lincoln po.”

Kumakabog ang puso ni Ellie habang patuloy na inisa-isa ni Miss Fitz ang hanay ng mga estudyante. Maghapon nilang pinag-usapan ang tungkol sa mga bayani, at ngayon lahat ay magsasabi kung sino ang kanilang bayani—sa harap ng buong klase!

Sinabi nina Amber at Justin na mga nanay nila ang kanilang mga bayani. Sabi naman ni Walter ang lolo niya. Sinabi naman ng ilang estudyante na hari o presidente ang bayani nila.

Kaunting estudyante na lang ang natitira bago makarating si Miss Fitz kay Ellie. Kailangang mag-isip siya ng isang bayani—at dapat makaisip siya kaagad.

Napatingin si Ellie sa kanyang mga sapatos, na nahihiya. Ang pag-iisip kung sino ang kanyang bayani ay hindi ang talagang problema. Alam na niya kung sino ang bayani niya. Iyon ay si Jesucristo. Siya ay nagpagaling ng mga maysakit, nagbangon ng mga patay, at nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng tao. Siya ang pinakadakilang bayani na nabuhay sa mundo. Takot lang siyang sabihin ito.

Muling kinagat ni Ellie ang kanyang hinlalaki habang naiisip na sasabihin niya sa buong klase na si Jesucristo ang kanyang bayani. Paano kung pagtawanan siya ni Jeremy? Paano kung pag-usapan siya nina Sarah at Amber sa recess?

Talagang alam niya na si Jesucristo ang kanyang bayani. Ngunit hindi naman ibig sabihin na kailangang malaman din ito ng lahat.

Huminto si Miss Fitz mismo sa harap ng mesa ni Ellie at ngumiti. “At sino ang iyong bayani, Ellie?”

Sumulyap si Ellie mula sa hanay ng mga estudyante sa tabi niya hanggang kay Miss Fitz. “Abraham Lincoln po,” bulong niya.

Ngumiti si Miss Fitz. “Magaling!” sabi niya habang naglalakad siya patungo sa kasunod na estudyante sa hanay.

Nang makalayo na ang titser, nakahinga nang maluwag si Ellie. Salamat at natapos din. Ang huling bagay na kailangan niya ay ang malaman ng lahat sa klase na ang kanyang bayani ay si—

“Jesucristo po,” sabi ng isang tinig.

Nanlaki ang mga mata ni Ellie habang marahan siyang napalingon. Doon—sa di-kalayuan sa huling hanay—ay nakaupo ang isang maliit na batang lalaki na gusut-gusot ang buhok. Siya ay payat at mahiyain, at palagi siyang nakaupo sa bandang likuran ng silid-aralan. Hindi alam ni Ellie ang pangalan niya. Hindi niya maalala na nagsalita ito ng kahit isang salita—maliban ngayon.

Nilingon ng ilang estudyante ang bata, ngunit hindi niya napansin ang mga ito. Nakatingala lamang ang bata kay Miss Fitz at muling nagsalita. “Ang bayani ko po ay si Jesucristo.”

Masayang ngumiti si Miss Fitz at nagpatuloy hanggang matapos ang hanay. Ngunit si Ellie ay nakatingin pa rin sa bata nang may paghanga. Takot siyang sabihin sa lahat ang tungkol sa kanyang bayani, pero hindi natakot ang batang iyon. Ni hindi nga ito nagpupunta sa kanyang simbahan! Gayunpaman alam nito kung gaano kahalaga na tumayo bilang halimbawa ni Jesucristo, kahit mahirap itong gawin.

Ngumiti si Ellie sa bata. Hindi na siya matatakot kailanman na sabihin kung sino ang kanyang bayani. Siyempre, dalawa na sila ngayon.