2015
Paano ako lubos na mapapanatag na kausapin ang bishop ko tungkol sa mga isyu o problema?
Abril 2015


Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ako lubos na mapapanatag na kausapin ang bishop ko tungkol sa mga isyu o problema?”

Maaari kang kabahang kausapin ang bishop mo tungkol sa mga bagay na nagpapahirap sa iyo, at normal iyan. Madalas tayong kabahan sa mga bagong karanasan o makipag-usap sa isang matanda.

Pero ang bishop mo ay tinawag ng Diyos. Tinawag siya dahil isa siyang tapat na disipulo ni Jesucristo. Gagawin niya ang lahat para maging mabait at maunawain. Minimithi niya na tulungan kang lumapit sa Tagapagligtas para matagpuan mo ang kapayapaan. Sa simula, mahihiya ka sigurong kausapin siya tungkol sa mga tanong o kasalanan mo, pero hindi bababa ang tingin niya sa iyo. Katunayan, matutuwa siya na hangad mong magpakabuti pa. At pananatilihin niyang kumpidensyal ang inyong pag-uusapan.

Hindi mo kailangang dalhing mag-isa ang iyong mga pasanin. Matutulungan ka ng bishop mo na masagot ang iyong mga tanong at, kung kailangan, tutulungan ka niyang magsisi at paglabanan, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang iyong kaligaligan, kawalang-pag-asa, o di-pagkamarapat.

Kapag kinausap mo ang bishop mo, madarama mo ang pagmamahal niya sa iyo. Kahit siya ang responsable sa buong ward o branch, una niyang pinagtutuunan ang kapakanan ng mga kabataang lalaki at babae. Hindi mo siya inaabala sa paghingi mo ng tulong.

Maaari mong ipagdasal sa Ama sa Langit na bigyan ka ng lakas at tapang na kausapin ang bishop mo. Binigyan niya ng awtoridad ang bishop mo na tulungan ka at nasasabik siyang gawin ito. Kung pupunta ka nang may bukas na puso at hangaring maging mas mabuti, makikita mo na lilisanin mo ang kanyang opisina na mas magaan ang pakiramdam kaysa rati.

Hindi Bababa ang Tingin Niya sa Iyo

Ang bishop ng ward ninyo ay binigyan ng awtoridad na gabayan ka sa mga hakbang ng pagsisisi. Kung minsan pagbaling lamang sa bishop mo ang paraan para lubos kang makapagsisi sa pamamagitan ng Tagapagligtas. Nang kailanganin kong kausapin ang bishop ko, tinulungan niya akong mahanap ang Tagapagligtas at paglabanan ang pinakamalalim na sugat sa puso ko. Gusto kang tulungan ng bishop mo. Tungkulin niyang pangalagaan ka, at hindi bababa ang tingin niya sa iyo nang dahil lang sa may kailangan ka sa kanya.

Madison D., edad 18, Utah, USA

Handang Tumulong ang Bishop Mo

Dati-rati ay hindi ako panatag sa mga interbyu, pero kalaunan ay natanto ko na laging handa ang bishop ko na tulungan akong lutasin ang mga problema ko. Magtiwala sa bishop mo; siya ay isang pastol at ang ward ang kanyang kawan.

Jaime R., edad 19, Cochabamba, Bolivia

Kahit Nagkamali Ka

Maaaring mahirap at nakakahiyang ipagtapat ang mga bagay-bagay sa bishop mo, pero paglabas mo ng opisinang iyon, luluwag na ang pakiramdam mo, at malalaman mo na mahal ka ng Ama sa Langit. Nais ka Niyang maging masaya, kahit nagkamali ka.

Amanda W., edad 16, Utah, USA

Hindi Niya Sisirain ang Tiwala Mo

Nalaman ko na ang bishop na siguro ang taong lubos na mapagkakatiwalaang hingan ng tulong ng isang tinedyer. Hinding-hindi niya sisirain ang tiwala mo—lahat ng ibabahagi mo sa kanya ay hindi lalabas ng kanyang opisina. Kung minsan napakahirap ibahagi ang mga problema mo, pero ang pakikipag-usap nang harapan sa isang taong nagmamahal at nagmamalasakit at nais ang pinakamabuti para sa iyo ay mas pinadadali ito.

Nicole S., edad 18, Idaho, USA

Makakaasa Ka sa Kanya

Ang bishop o branch president mo ay isang tunay na lingkod ng Panginoon. Makakaasa ka na papatnubayan ka niya sa paghingi ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo at mga banal na kasulatan. Kailangan mong maunawaan na nariyan ang bishop para tumulong at na siya ay ginagabayan ng Diyos.

Stanislav R., edad 19, Donetsk, Ukraine

Tandaan na Mahal Ka Niya

Kung mayroon ka talagang gustong talakayin sa bishop, mas madali sigurong kausapin muna siya tungkol sa paaralan at iba pang karaniwang bagay. Kung kinakabahan ka dahil kailangan mo siyang kausapin tungkol sa mga isyung kailangan mong pagsisihan, tandaan lamang na mahal ka niya. Huwag kang kabahan tungkol sa iisipin niya sa iyo, dahil bakit ka niya hahamakin nang dahil sa kagustuhan mong mas mapalapit kay Cristo?

Ashley D., edad 17, Arizona, USA

Narito Siya para Tumulong

Ang bishop ang pastol sa ward ninyo. Tandaan na gagawin niya ang lahat para tulungan ka at nasa panig niya ang kapangyarihan ng Diyos. Kung natatakot ka, maipagdarasal mong bigyan ka ng lakas na kausapin ang bishop mo. Sa huli, magagalak ka na nagpunta ka sa kanya—at magiging sulit iyon.

Samuel H., edad 14, Idaho, USA

Magdasal para Malaman

Itanong sa sarili mo kung bakit hindi ka panatag na kausapin ang bishop. Palagay mo ba hindi ka niya matutulungang lutasin ang mga problema mo? Magdasal para malaman na mahal ka ng bishop at tinawag siya para tulungan ka.

Adam H., edad 13, California, USA