2015
Isang Kawan at Isang Pastol
Abril 2015


Isang Kawan at Isang Pastol

Ang isang kulungan para sa isang kawan ng mga tupa ay nagtuturo sa atin tungkol sa pagmamalasakit ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tao.

Kulungan ng mga Tupa Noong Araw

Tungkod

Pamalo

Pastol

Mga pader na bato

Pintuan

Mga tupa

Tirador

Ano ito: Isang simpleng kural, isang binakurang kulungan.

Layunin: Protektahan ang isang kawan ng mga tupa sa mga maninila at magnanakaw, lalo na sa gabi.

Materyal at pagtatayo: Mga bato, karaniwan, na kadalasan ay may matinik na halamang nakalagay sa ibabaw ng mga pader. Madalas ding ginagamit ang makakapal at matitinik na palumpong sa paggawa ng bakod para sa pansamantalang kulungan. Ang mga kuweba kung minsan ay nagsisilbing pansamantalang kulungan, na may mga harang na maliit na bato o halaman sa harap nito.

Ang Matututuhan Natin

Ang mga kulungan ay:

Lugar kung saan nagtitipon ang kawan. Bilang mga miyembro ng Simbahan, nagkakaisa tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya at mga tipan, gayundin sa pamamagitan ng literal nating pagtitipon. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto [ng Ama sa Langit na] ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan Niya tayong magkita-kita nang madalas. Sa mga pagtitipong iyon, … magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Liahona, Nob. 2008, 69).

Isang lugar ng kaligtasan at kapahingahan. Kay Jesucristo “masusumpungan [natin] ang kapahingahan ng [ating] mga kaluluwa” (Mateo 11:29). Ang Kanyang Simbahan ay “isang tanggulan, at isang kanlungan” (D at T 115:6). At tulad ng itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Magkakaroon tayo ng kaligtasan at seguridad … sa paggalang sa mga tipan na ginawa natin at sa karaniwang pagsunod na hinihingi sa mga tagasunod ni Cristo” (“Alam Ko ang mga Bagay na Ito,” Liahona, Mayo 2013, 7).

Binantayan ng pastol. Si Jesucristo ang Mabuting Pastol na nagliligtas sa atin. Siya ay nagdusa at namatay para madaig natin ang kasalanan at kamatayan at makabalik tayo sa ating Ama sa Langit. Kapag lumalapit tayo kay Cristo at sinusunod natin ang Kanyang mga utos, pinagpapala, ginagabayan, at pinoprotektahan Niya tayo nang isa-isa at bilang Kanyang pinagtipanang mga tao.