2015
Gawin sa Iba ang Ginawa ni Sarah
Abril 2015


Mga Kabataan

Gawin sa Iba ang Ginawa ni Sarah

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Mahirap talaga sa akin dati na idahilan ang aking paniniwala bilang tugon sa simpleng tanong na gaya ng “Bakit hindi ka umiinom ng kape?” Noon ang idinadahilan ko ay “Napakapait kasi” o “Hindi ko gusto ang lasa.”

Bakit kaya ako nahihiya? Bakit natatakot ako na panindigan ang mga pinaniniwalaan ko? Kapag naaalala ko iyon ngayon, hindi ko lubos na maunawaan kung ano ang ikinatatakot ko. Pero tandang-tanda ko ang sandaling hindi na ako nagdahilan para itago ang paniniwala ko.

Isang araw sa aming English class sa hayskul, ibinalita ng guro na panonoorin namin ang isang bahagi ng palabas sa TV na alam kong hindi ko dapat panoorin. Habang tuwang-tuwa ang ibang mga estudyante, nagtaas ng kamay ang kaklase kong si Sarah at hiniling kung maaari siyang lumabas.

Nang magtanong ang guro kung bakit, malinaw at tuwirang sumagot si Sarah, “Dahil Mormon po ako at hindi ako nanonood ng mga palabas na may masasamang pananalita.”

Kahanga-hanga ang tapang niya na manindigan sa harap ng klase. Salamat kay Sarah, nanindigan din ako at naghintay sa labas nang may malinis na budhi hanggang matapos ang palabas.

Nagbago na ako mula noon. Ipinaliliwanag ko na ang mga paniniwala ko sa halip na iwasan ang paksa. At bunga nito, nagkaroon ako ng tiwala sa sarili ko at lalo pang nakibahagi sa mga aktibidad sa Simbahan at paaralan.

Hindi ko kailanman nasabi kay Sarah kung gaano kahalaga sa akin ng kanyang halimbawa, pero sinisikap kong tularan ang halimbawa ng kanyang katapangan. Napagtanto ko ngayon na talagang walang dapat ikahiya sa pagiging miyembro ng kahanga-hanga at sagradong Simbahan ng Diyos. Sana, sa pamamagitan ng aking halimbawa, ay magawa ko rin sa iba ang ginawa ni Sarah para sa akin.