2015
Ang mga Katangian ni Jesucristo: Walang Pandaraya o Pagkukunwari
Abril 2015


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang mga Katangian ni Jesucristo: Walang Pandaraya o Pagkukunwari

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at mga papel na ginagampanan ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Ang pag-unawa na si Jesucristo na walang pandaraya at pagkukunwari ay tutulong sa atin na tapat na sikaping tularan ang Kanyang halimbawa. Sabi ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pandaraya ay panlilinlang o pagliligaw ng landas. … Ang isang taong hindi mandaraya ay isang taong walang-malay, tapat ang layunin, at dalisay ang mga hangarin, na ang buhay ay nagpapakita ng simpleng gawing iayon ang kanyang araw-araw na gawain sa mga alituntunin ng integridad. … Naniniwala ako na ang pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan na hindi maging mandaraya ay maaaring mas mahalaga ngayon kaysa noong araw dahil marami sa mundo ang mukhang hindi nauunawaan ang kahalagahan ng magandang katangiang ito.”1

Tungkol sa pagkukunwari, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Wala ni isa sa amin ang ganap na tulad ni Cristo na alam naming siyang dapat naming kahinatnan. Ngunit taimtim naming hinahangad na itama ang mga pagkakamali namin at huwag magkasala. Buong puso at kaluluwa naming hinahangad na maging mas mabuti sa tulong ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”2

Alam natin na “tayo ay hahatulan ayon sa ating mga kilos, mga hangarin ng ating puso, at uri ng mga taong ating kinahinatnan.”3 Subalit habang sinisikap nating magsisi, tayo ay magiging mas dalisay—at “mapapalad ang mga may malinis na puso: sapagka’t makikita nila ang Dios” (Mateo 5:8).

Karagdagang mga Banal na Kasulatan

Awit 32:2; Santiago 3:17; I Ni Pedro 2:1–2, 22

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Ang maliliit na bata ay walang pandaraya. Sabi ni Jesus: “Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka’t sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios. … At kinalong niya [ang mga bata], at sila’y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila” (Marcos 10:14, 16).

Naglingkod din si Cristo sa mga bata sa lupain ng Amerika matapos ang Pagpapako sa Kanya sa Krus. Iniutos Niya sa mga tao na dalhin sa Kanya ang maliliit na bata at “inilapag [sila] sa lupa na nakapalibot sa kanya, at si Jesus ay tumayo sa gitna; …

“… [At] siya ay tumangis, at ang maraming tao ay nagpatotoo nito, at kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila. …

“At nang sila ay tumingin upang pagmasdan ay itinuon nila ang kanilang mga paningin sa langit, at … nakita nila ang mga anghel na bumababa mula sa langit na parang ito ay nasa gitna ng apoy; at sila ay bumaba at pinalibutan yaong mga musmos, … at ang mga anghel ay naglingkod sa kanila” (3 Nephi 17:12, 21, 24).

Mga Tala

  1. Joseph B. Wirthlin, “Without Guile,” Ensign, Mayo 1988, 80, 81.

  2. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23.

  3. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.2.1.