“Sa lahat ng aral na natututuhan natin mula sa buhay ng Tagapagligtas, wala nang mas malinaw at makapangyarihan pa kaysa sa aral tungkol sa pagsunod,” pagtuturo ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2014. Itinuturo sa atin ng halimbawa ng Tagapagligtas hindi lamang kung bakit mahalaga ang sumunod sa Ama sa Langit kundi pati na kung paano tayo magiging masunurin. Habang nirerepaso ninyo ang sumusunod na mga halimbawa mula sa Kanyang ministeryo, isipin kung paano nito ipinapakita ang landas na dapat ninyong tahakin sa sarili ninyong buhay.
1. Bagama’t walang kasalanan si Jesus, siya ay nagpabinyag “[bilang] pagganap ng buong katuwiran” (Mateo 3:13–17 ; tingnan din sa 2 Nephi 31:4–7 ; Juan 3:5 ).
2. Sa edad na 12, nang matagpuan nina Jose at Maria si Jesus na nagtuturo sa templo, Siya ay “napasakop sa kanila,” at buong pagsunod na umuwing kasama nila (tingnan sa Lucas 2:42–51 ).
3. Bagama’t hiniling Niyang lumampas sa Kanya ang saro, sumunod Siya at nagdusa sa Halamanan ng Getsemani (tingnan sa Mateo 26:36–44 ; Lucas 22:39–54 ).
4. Iginalang Niya ang Sabbath at dumalo sa mga serbisyo sa sinagoga (tingnan sa Lucas 4:16–44 ).
5. Pumayag si Jesus na mahatulan ng mga tao upang ang gawain at kaluwalhatian ng Ama ay maisakatuparan (tingnan sa Isaias 53:7 ; Mateo 26:53 ; Moises 1:39 ).
6. Tinapos Niya ang Kanyang gawain sa pagpapahintulot sa masasamang tao na ipako Siya sa krus (tingnan sa Mateo 27:35 ; Juan 10:17–18 ; Mga Taga Galacia 1:3–5 ).
7. Dahil laging masunurin sa Kanyang Ama, nagpunta si Jesus sa daigdig ng mga espiritu at nag-organisa ng gawaing misyonero doon (tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20 ; 4:6 ).
8. Si Jesus ay tinukso ni Satanas, ngunit hindi Siya nagpatangay (tingnan sa Mateo 4:1–11 ; D at T 20:22 ).
9. Patuloy Niyang sinusunod ang kalooban ng Ama at pinamamahalaan ang Simbahan (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17 ; D at T 19:2, 24 ).
Sabi ni Elder Hales, “Tinuruan tayo ni Jesus na sumunod sa simpleng salitang madaling maunawaan: ‘Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos’ [Juan 14:15 ], at ‘Pumarito ka, sumunod ka sa akin’ [Lucas 18:22 ].” Ano ang gagawin ninyo ngayon para maging mas masunurin?
“Dahil masunurin ang ating Tagapagligtas, nagbayad-sala Siya para sa ating mga kasalanan, kaya naging posible ang ating pagkabuhay na mag-uli at naihanda ang daan para tayo makabalik sa ating Ama sa Langit, na nakakaalam na magkakamali tayo habang natututo tayong sumunod sa mortalidad. Kapag sumunod tayo, tinatanggap natin ang Kanyang sakripisyo, dahil naniniwala tayo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas, ordenansa at kautusan na nakapaloob sa ebanghelyo.”
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “‘Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos,’” Liahona, Mayo 2014, 35.