Paano Maging Matalino
Mula sa isang mensahe sa pagtatapos na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Abril 10, 2009.
Sa pagdagsa ng impormasyon sa panahong ito, kailangang-kailangan natin ng karunungan, karunungang alamin at unawain kung paano ipamuhay ang ating natututuhan.
Tandaan:
-
Hangarin natin ang karunungan.
-
Maraming aspeto at uri ang karunungan.
-
Ang karunungang natamo nang maaga ay naghahatid ng malalaking pagpapala.
-
Ang karunungan sa isang bagay ay maaaring hindi magamit sa iba.
-
Ang karunungan ng mundo, kahit sa maraming pagkakataon ay napakahalaga, ay nagiging sadyang napakahalaga kapag mapagpakumbaba itong nagpapailalim sa karunungan ng Diyos.
Nakalarawan sa mga banal na kasulatan ang dalawang uri ng karunungan: ang karunungan ng mundo at ang karunungan ng Diyos. Ang karunungan ng mundo ay may positibo at negatibong bahagi. Sa pinakamadilim na paglalarawan, maaari itong ilarawan na bahagyang katotohanan, na may halong katalinuhan at manipulasyon, upang makamtan ang makasarili o masasamang layunin.
May isa pang uri ng karunungan ng mundo na hindi gayon kasama ang layunin. Sa katunayan ito ay napakabuti. Ang karunungang ito ay sadyang natatamo sa pamamagitan ng pag-aaral, pagninilay, pagmamasid, at kasipagan. Napakahalaga at nakatutulong ito sa mga bagay na ginagawa natin. Para sa mabuti at disenteng mga tao, nararanasan natin ito sa buhay na ito.
Ang mas mahalaga, ang karunungang naghahatid ng tagumpay sa mundo ay dapat handang magpasakop sa karunungan ng Diyos at huwag isipin na makahahalili ito rito.
Hindi lahat ng karunungan ay nilikhang pantay-pantay. Kailangan nating malaman na kapag salungat ang karunungan ng mundo sa karunungan ng Diyos, dapat nating ipasakop ang ating kalooban sa karunungan ng Diyos.
Iminumungkahi ko na isipin ninyo ang ilan sa mga isyung kinakaharap ninyo. Guhitan sa gitna ang isang pirasong papel. Ilista ang karunungan ng mundo sa kaliwa at ang karunungan ng Diyos sa kanan. Isulat ang mga isyung magkakasalungat.
Ano ang mga pinipili ninyo?
Sa bahagi 45 ng Doktrina at mga Tipan, na bumabanggit sa mga kaganapang hahantong sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, muling ikinuwento ng Panginoon ang tungkol sa sampung dalaga at iniwan sa atin ang mga salitang ito: “Sapagkat sila na matatalino at nakatamo ng katotohanan, at tinanggap ang Banal na Espiritu bilang kanilang patnubay, at hindi mga nalinlang—katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi puputulin at itatapon sa apoy, kundi mananatili sa araw na yaon” (tingnan sa D at T 45:57).
Hangarin nating matamo ang karunungan ng Diyos. Marami tayong matututuhan ngayon mismo tungkol sa karunungan. Ipinapangako ko na sasainyo ang mga pagpapala ng Panginoon sa paghahangad ninyong matamo ang karunungan, ang karunungan ng Diyos. Gustung-gusto Niyang ibahagi sa atin ang Kanyang karunungan. At kung magiging masunurin tayo at madasalin at hahangaring matamo ito, darating ito.