100 Taon ng Family Home Evening
Sa buwang ito ay 100 taon na mula nang unang hikayatin ng Unang Panguluhan ang mga miyembro na magdaos ng family home evening. Ang sumusunod ay hango sa liham ng Unang Panguluhan na nagpapasimula o nagpapakilala sa family home evening. Inilabas ito noong Abril 1915 at inilathala sa Improvement Era noong Hunyo 1915 (mga pahina 733–34). Ang pagpapalaki ng mga titik at pagbabantas ay ginawang makabago.
Minamahal na mga Kapatid:
Pinapayuhan namin ang mga Banal sa mga Huling Araw na lalo pang sundin ang kautusang ibinigay ng Panginoon sa bahagi 68 ng Doktrina at mga Tipan:
“At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion … na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang; …
“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” [tingnan sa D at T 68:25–28].
Dapat ay lalo pang sundin ng mga anak ng Sion ang kautusang ibinigay ng Panginoon sa sinaunang Israel at muling binigyang-diin sa mga Banal sa mga Huling Araw:
“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios” [Exodo 20:12].
Ang mga paghahayag na ito ay mahigpit na ipinatutupad sa mga Banal sa mga Huling Araw, at kinakailangang ituro ng mga ama at ina sa Simbahang ito ang mga kautusang ito at ipamuhay sa kanilang mga tahanan.
Dahil dito ipinapayo namin at hinihikayat na simulan ang “home evening” sa buong Simbahan, at sa oras na ito ay matitipon ng mga ama at ina ang kanilang mga anak sa tahanan at maituturo sa kanila ang salita ng Panginoon. Sa gayon ay mas malalaman nila ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya, at kasabay nito ay mas mapag-aaralan nila at ng kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang home evening na ito ay dapat ilaan sa pagdarasal, pag-awit ng mga himno at awitin, pakikinig ng musika, pagbabasa ng banal na kasulatan, usapan tungkol sa pamilya, at pagtuturo tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo at mga problema sa buhay, gayundin sa mga tungkulin at obligasyon ng mga anak sa mga magulang, tahanan, Simbahan, lipunan, at bayan. Para sa mas maliliit na bata, ang mga angkop na salaysay, awitin, kuwento, at laro ay maaaring pasimulan. Ang mga simpleng meryenda ay maaaring ihanda sa tahanan.
Ang pormalidad at kahigpitan ay dapat iwasan, at dapat makilahok ang buong pamilya sa mga gagawin.
Ang mga pagtitipong ito ay pagkakataon para magkaroon ng tiwala sa isa’t isa ang mga magulang at mga anak, at mga magkakapatid, at nagbibigay din ito ng pagkakataon na mabalaan at mapayuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak na lalaki at babae. Magbibigay ang mga ito ng pagkakataon para igalang ng mga batang lalaki at babae ang ama at ina at ipakita ang kanilang pagpapahalaga sa mga pagpapala ng tahanan upang ang pangako ng Panginoon sa kanila ay literal na matupad at humaba at maging masaya ang kanilang buhay. …
Hinihikayat … namin ang mga kabataan na manatili sa bahay sa gabing iyon at gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang marami silang matutuhan dito, at gawin itong kapaki-pakinabang at nakawiwili.
Kung susundin ng mga Banal ang payong ito, nangangako kami na magbubunga ito ng malalaking pagpapala. Ang pagmamahalan sa tahanan at pagsunod sa mga magulang ay mag-iibayo. Lalakas ang pananampalataya sa puso ng mga kabataan ng Israel, at magkakaroon sila ng lakas na labanan ang masasamang impluwensya at tukso sa kanilang paligid.
Ang inyong mga kapatid,
Joseph F. Smith
Anthon H. Lund
Charles W. Penrose
Unang Panguluhan