Mga Panalangin at mga Katedral
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
“Kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:35).
Tumingala si Dani ngunit hindi pa rin niya makita ang tuktok ng magandang katedral. Naparito ang mga taong kabilang sa ibang simbahan. Hindi naunawaan ni Dani kung bakit binisita ng kanyang pamilya ang simbahang ito sa araw ng Biyernes, pero sabi ni Itay ay papunta sila sa tinatawag na Evensong.
“Ano po iyon?” tanong ni Dani.
“Ito ay isang pulong kung saan ang mga tao ay kumakanta, nagbabasa ng mga banal na kasulatan, at sama-samang nagdarasal,” sabi ni Itay. “Parang isang malaking pamilya sa pagtatapos ng araw.”
Nagustuhan ni Dani ang narinig niya. Bumibisita sila ng kanyang pamilya sa England. Noong nakaraang Linggo nagpunta sila sa isang ward sa lungsod na tinatawag na York. Sa Primary alam din ng mga bata ang mga banal na kasulatan at awiting alam ni Dani. Alam niya na ang ward na binisita niya ay bahagi ng totoong Simbahan ni Jesus, tulad ng ward nila.
Ngunit ibang-iba ang katedral na ito sa nakita na niya. Napansin niya na puno ng mga kandila ang isang maliit na mesa. Pinanood ni Dani ang pagsisindi ng kandila ng isang batang lalaki.
“Bakit ka nagsisindi ng mga kandila?” tanong ni Dani rito.
Ngumiti ang bata. “Nagsisindi ako ng kandila kapag may ipinagdarasal akong mga espesyal na bagay. Habang may sindi ang kandila, umaasa ako na patuloy na pakikinggan ng Diyos ang dasal ko.”
Mukha namang karaniwang mga kandila iyon kay Dani. Medyo nalito siya, pero gusto niyang maging magalang. Nginitian niya ang bata.
Umupo si Dani at ang kanyang pamilya, at di-nagtagal ay nagsimula ang Evensong. Nakita niyang muli ang bata ilang upuan mula sa kanila. Pagkatapos ay natanto niya na hindi niya alam ang alinman sa mga awiting kinakanta ng lahat. Nang magdasal sila, nagbasa sila mula sa isang munting aklat. Tila kaiba ang lahat kaysa sa nakasanayan niya.
Pero maganda ang musika, kahit hindi ito pamilyar. Pagkatapos ay tumayo ang isang lalaki para magbasa ng mga banal na kasulatan. Nakasuot siya ng abito, sa halip na amerikana at kurbata na tulad ng bishop ni Dani. Pero nang magsimula siyang magbasa, natanto ni Dani na alam niya ang kuwentong ito! Binabasa niya ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa 10 ketongin.
“Itay,” bulong ni Dani, “gustung-gusto ko po ang kuwentong ito.”
Ngumiti si Itay. “Ako rin.”
Pagkatapos ay nagdasal ang lalaking naka-abito. Hiniling niya sa Diyos na pagpalain ang mga maysakit at nangangailangan. Gaya ng ginawa ni Dani! Humiling din siya ng espesyal na pagpapala para sa mga lider ng kanyang simbahan. Naalala ni Dani kung paano laging hinihiling ng kanyang pamilya sa Ama sa Langit na pagpalain si Pangulong Thomas S. Monson at ang kanyang mga tagapayo.
Nag-alab ang puso ni Dani. Alam niya na sinasabi sa kanya ng Ama sa Langit na mahal Niya ang lahat ng Kanyang anak at narinig Niya ang lahat ng kanilang panalangin, kahit iba ang sinisimbahan nila at wala sa kanila ang kabuuan ng ebanghelyo.
Nang tumayo sila para umalis, tiningnan ni Itay ang kanyang cell phone. Mukhang nalungkot siya nang mabasa niya ang mga mensahe sa kanya. “Pumanaw na si Sister Monson,” sabi niya.
“Naku po!” Umusal ng maikling dalangin sa kanyang puso si Dani na maging OK si Pangulong Monson.
“Okey ka lang ba?” tanong ng isang tao. Ang batang iyon pala. Narinig niya si Dani, at mukhang nag-alala siya.
“Patay na si Sister Monson,” sabi ni Dani. “Siya ang asawa ng propeta naming si Pangulong Monson.”
“Sori,” magiliw na sabi nito. “Ipagsisindi ko siya ng kandila.”
Ngumiti si Dani at nagpasalamat dito. Naisip niya na ang bait ng bata para umusal ng espesyal na panalangin para kay Pangulong Monson. Alam niya na maririnig ng Ama sa Langit ang panalangin sa kanyang puso at ang panalanging inusal din ng bata.