Dahil Kay Joseph
Tuklasin ang anim na paraan na naiiba (o maaaring naiiba) ang inyong buhay dahil kay Propetang Joseph Smith.
Namatay si Joseph Smith mahigit 170 taon na ang nakararaan. Nabuhay lamang siya nang 38 taon, na ginugol ang halos lahat ng panahong iyan sa mga tagong lugar na malamang ay hindi ninyo makikita kundi sa pinakadetalyadong mga mapa. At malamang ay pamilyar kayo sa maraming bagay na ginawa niya sa kanyang buhay. Pero naisip na ba ninyo kung paano personal na nakaapekto ang mga ito sa inyo? Bagamat hindi mabilang ang mga paraang iyon, makapagsisimula kayo sa anim na ito.
Dahil kay Joseph Smith:
1. Nauunawaan ninyo kung sino talaga ang Diyos at si Jesucristo.
Kahit hindi dahil kay Joseph Smith, maaaring naniniwala pa rin kayo sa Diyos Ama at kay Jesucristo. Maaaring may patotoo kayo tungkol sa Biblia. Ngunit isipin ninyo kung gaano mas lumalim at lumawak ang inyong pang-unawa dahil sa ipinanumbalik ni Joseph Smith—ang matapang at nagpapatibay na pagpapatotoo ng Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, at Mahalagang Perlas. Halimbawa, may alam kayo na hindi alam ng karamihan sa mundo: na ang nagbangong Tagapagligtas ay nagpakita sa lupain ng Amerika—na nagpapatunay, sa Kanyang mga salita, na hindi lang Siya “ang Diyos ng Israel, [kundi] ang Diyos ng buong sangkatauhan” (3 Nephi 11:14).
Isipin kung paano napalakas ang inyong patotoo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ng makapangyarihang patotoo ng mga propetang tulad nina Nephi, Alma, at Moroni—maliban pa kay Joseph Smith mismo, na nagpahayag na: “Siya ay buhay! Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos” (D at T 76:22–23). Sa panahong sinusubukan at madalas talikuran ang pananampalataya sa Diyos at kay Jesucristo, malaking pagpapala ang karagdagang liwanag na ito!
2. Alam ninyo na kayo ay anak ng Diyos—at gayon din ang lahat.
Marahil ang pinakamahalagang katotohanang ipinanumbalik ni Joseph Smith ay ang katotohanan tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos.1 Siya ang literal nating Ama. Pinag-isipan mo na ba ang mga bagay na nagmumula sa katotohanang iyan? Binabago nito ang tingin ninyo sa inyong sarili: anuman ang iniisip ng mundo tungkol sa inyo, alam ninyo na kayo ay minamahal na anak ng Diyos, at taglay ninyo ang Kanyang mga katangian. Binabago nito ang tingin ninyo sa iba: bigla ang lahat—lahat—ay inyong kapatid. Binabago nito ang tingin ninyo sa buhay mismo: lahat ng kagalakan at pagsubok nito ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit para tulungan kayong maging katulad Niya. Hindi masama para sa isang bagay na kinakanta ninyo sa Primary!2
3. Ang inyong pamilya ay maaaring maging walang hanggan.
Bakit nalilito ang maraming tao tungkol sa kahalagahan ng kasal at pamilya? Siguro dahil hindi nila alam ang doktrina, na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith, na ang kasal at pamilya ay inorden ng Diyos at nilayong maging walang hanggan (tingnan sa D at T 49:15; 132:7). Hindi ito basta mga tradisyong gawa-gawa ng tao na nakasawaan na ng ating lipunan—bahagi ito ng walang-hanggang patakaran ng langit. At dahil sa mga susi ng priesthood at mga ordenansa sa templo na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith, maaaring magsimula ang inyong walang-hanggang pamilya dito sa lupa.
4. Nasa inyo ang priesthood at ang mga pagpapala nito.
Dahil ipinanumbalik ng Diyos ang Kanyang priesthood sa pamamagitan ni Joseph Smith, maaari kayong binyagan, at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo. Maaari kayong humingi ng mga basbas ng priesthood para mapagaling, mapanatag, at mapatnubayan. Maaari kayong gumawa ng mga sagradong tipan na nagbibigkis sa inyo sa Diyos. At mapapanibago ninyo ang inyong mga tipan linggu-linggo kapag nakibahagi kayo ng sakramento. Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, sasabuhay ninyo ang kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa D at T 84:20–21). Hindi magiging posible ang anuman dito kung hindi sa gawaing isinakatuparan sa pamamagitan ni Joseph Smith.
5. Malaya kayo mula sa adiksyon na nakapipinsala.
O magiging malaya kayo sa adiksyon kung susundin ninyo ang paghahayag na tinanggap ni Joseph noon pang 1833—bago pa napatunayan na ang tabako ay sanhi ng kanser sa baga at ang alak ay may kaugnayan sa sakit sa atay. Kapag may propeta kayo na naghahayag ng karunungan ng Diyos, bakit pa ninyo hihintaying makaunawa ang mundo? Ang Word of Wisdom ay nagpapakita na nagmamalasakit ang Diyos hindi lamang sa ating espiritu kundi maging sa ating katawan (tingnan sa D at T 89). Tutal, tulad ng ipinamalas ng mga paghahayag kay Joseph Smith, sa pagkakaroon ng katawan ay nadaragdagan—hindi nababawasan—ang pagkatulad natin sa ating Ama sa Langit, na mayroon ding katawan ng may laman at mga buto (tingnan sa D at T 130:22).
6. Malalaman ninyo ang katotohanan sa inyong sarili sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Nang pumasok ang batang si Joseph sa Sagradong Kakahuyan noong 1820, ang karaniwang paniniwala ng maraming simbahan ay na wala nang paghahayag. Napatunayan ng Unang Pangitain ni Joseph na mali iyon. Bukas ang kalangitan—at hindi lamang sa mga propeta. Sinumang may tanong ay makatatanggap ng sagot sa pamamagitan ng mapagpakumbaba at masigasig na paghahangad (tingnan sa D at T 42:61; 88:63). Halimbawa, malalaman ninyo sa inyong sarili na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos sa pagsunod sa paraan ni Joseph: sa pagtatanong mismo sa Diyos.
Simula lamang ang listahang ito. Ano ang idaragdag ninyo? Paano naiba ang inyong buhay nang dahil kay Joseph Smith?