2015
Nanawagan si Pangulong Monson na Maging Matapang
Abril 2015


Mensahe ng Unang Panguluhan

Nanawagan si Pangulong Monson na Maging Matapang

diamond shape made up of fish with one orange fish in the center of black fish.

Paglalarawan ng iStock/Thinkstock

Ipinahayag ni Pangulong Monson na halos patuloy tayong gumagawa ng iba‘t ibang uri ng pagpapasiya.

Para makagawa ng matalinong mga pasiya, ipinayo niya na kailangan natin ng tapang—“lakas ng loob na humindi, lakas ng loob na magsabi ng oo. Mga desisyon talaga ang nagpapasiya ng tadhana.”1

Sa kasunod na mga sipi, ipinaalala ni Pangulong Monson sa mga Banal sa mga Huling Araw na kailangan nila ng tapang na manindigan para sa katotohanan at kabutihan, ipagtanggol ang kanilang paniniwala, at harapin ang mundong ayaw tumanggap sa mga walang-hanggang pinahahalagahan at alituntunin.

“Ang panawagan na maging matapang ay palaging dumarating sa atin,” sabi niya. “Ganyan na noon at ganyan pa rin sa habampanahon.”2

Ang Katapangan ay Ikinalulugod ng Diyos

“Lahat tayo ay daranas ng takot, pangungutya, at pagsalungat. Nawa’y magkaroon tayo—lahat tayo—ng tapang na salungatin ang gusto ng nakararami, ng tapang na manindigan para sa prinsipyo. Katapangan, hindi kompromiso, ang kinalulugdan ng Diyos. Ang katapangan ay nagiging isang tunay at kasiya-siyang katangian kapag ito ay itinuring hindi lamang bilang kahandaang mamatay kundi bilang determinasyong mamuhay nang marangal. Sa ating pag-unlad, sa pagsisikap na mamuhay gaya ng nararapat, tiyak na tatanggap tayo ng tulong sa Panginoon at mapapanatag sa Kanyang mga salita.”3

Manindigan nang May Tapang

“Ano ang ibig sabihin ng magtiis? Gustung-gusto ko ang paliwanag na ito: manindigan nang may tapang. Maaaring kailanganin ang katapangan upang maniwala kayo; may mga sandaling kakailanganin ito habang sumusunod kayo. Talagang kakailanganin ito habang nagtitiis kayo hanggang sa araw ng inyong pagpanaw.”4

Magkaroon ng Lakas ng Loob na Manindigan sa Katotohanan

“Magkaroon nawa kayo ng lakas ng loob na manindigan sa katotohanan at kabutihan. Dahil ang kalakaran ngayon sa lipunan ay malayo sa mga pinahahalagahan at alituntunin na ibinigay sa atin ng Panginoon, halos tiyak na tatawagin kayo upang ipagtanggol ang inyong pinaniniwalaan. Maliban na malalim ang ugat ng inyong patotoo, mahihirapan kayong labanan ang pambabatikos ng mga taong humahamon sa inyong pananampalataya. Kapag naitanim na mabuti, ang patotoo ninyo sa ebanghelyo, sa Tagapagligtas, at sa ating Ama sa Langit ay makaiimpluwensya sa lahat ng ginagawa ninyo sa buhay.”5

Kailangan Natin ng Espirituwal at Moral na Katapangan

“Ang mensaheng inilalarawan sa telebisyon, sa sine, at sa iba pang media [ngayon] ay kadalasang salungat sa nais nating yakapin at pahalagahan ng ating mga anak. Responsibilidad natin hindi lamang ang turuan silang magpakagaling sa espiritu at doktrina, kundi tulungan din silang manatiling gayon, kahit ano pa ang makaharap nilang puwersa sa labas. Kailangan natin dito ang maraming oras at pagsisikap—at upang matulungan ang iba, kailangan nating maging matatag sa [espirituwalidad] at [moralidad] upang mapaglabanan ang kasamaang nakikita natin sa lahat ng dako.”6

Nawa ay Maging Matapang Tayo

“Sa buhay natin sa araw-araw, halos walang pagsalang susubukin ang ating pananampalataya. Maaari nating matagpuan ang ating sarili paminsan-minsan na naliligiran ng iba subalit bahagi tayo ng iilan o mag-isa tayong naninindigan sa kung ano ang katanggap-tanggap at hindi. …

“Nawa ay maging matapang tayo at handang manindigan sa paniniwala natin, at kung kailangan nating manindigang mag-isa, nawa ay magawa natin ito nang buong tapang, pinalalakas ng kaalaman na totoong hindi tayo nag-iisa kapag naninindigan tayo sa panig ng ating Ama sa Langit.”7

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili,” Liahona, Nob. 2010, 68.

  2. Thomas S. Monson, “Ang Panawagan na Maging Matapang,” Liahona, Mayo 2004, 54.

  3. Thomas S. Monson, “Ikaw ay Magpakalakas at Magpakatapang na Mabuti,” Liahona, Mayo 2014, 68, 69.

  4. Thomas S. Monson, “Maniwala, Sumunod, at Magtiis,” Liahona, Mayo 2012, 129.

  5. Thomas S. Monson, “Nawa Magkaroon Kayo ng Lakas ng Loob,” Liahona, Mayo 2009, 126.

  6. Thomas S. Monson, “Tatlong Mithiin na Gagabay sa Inyo,” Liahona, Nob. 2007, 119.

  7. Thomas S. Monson, “Tapang na Manindigang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2011, 60, 67.